Sunday, April 29, 2012

Ganito Noon sa Probinsya



Laking probinsya ako. Insyort PROMDi me! 
Noon, ansarap manirahan sa Salaman, probinsya ko (kung makaclaim ng probinsya! Haha.) Okey pa rin naman hanggang ngayon, mas okey nga lang yung noon. Kung bakit? Magbasa ka pa--

Noon, Survivor Philippines ang tema ng buhay dito sa probinsya. Kailangan mong mag-eport magsiga ng apoy para makapagluto at nang may makain (malamang). Mag-igib ng tubig sa poso/balon-- pangluto, panlaba, panghugas at pangtae. Magtiis sa dilim ng paligid tuwing gabi. Iilan lang naman kase ang biniyayaang magkakuryente, yung mga may-kaya lang sa buhey. Hindi pa uso ang telebisyon. "Beta" lang, mini-sinehan iyon na piso kada isang Pelikula (sa beta ko nakilala sina FPJ at Robin Padilla). Drama sa radyo lang ang libangan ng mga kababaihan bukod sa wagas na pagtsitsimisan. Yung mga dalaga, kinikilig na para bang sinisilaban ang pukelya pag "Mr. Romantiko" na (drama noon sa radyo). Kailangan mong mag-CR sa ispesyal na CR which we named it "batalan" (konteng inglisan, arte lang!) na 48 kilometers away from bahay-kyubo. 

Ganyan ang buhay noon sa probinsya. Wala kang karapatan mag-inarte. As in wala talaga. Ikamamatay mo ang kaartehan. Pramis!

Simple at napakapayak lang ng pamumuhay noon. Kaunte ang populasyon. Hindi pa OA ang kaingayan. Tanging musika lang na nanggagaling sa awit ng mga ibon, nagpapagalingang mga manok at nanghihipnotismong kuliglig.

Mapatid man ang litid mo at sumabog man ang iyong babagtingang-tinig sa kakasigaw-to-death, walang maiistorbo. Walang mambabato sa iyo ng arenola. Hindi pa kase magkakalapit ang kabahayan.

Oo, maraming tsismosa sa probinsya namin (marahil kahit saang probinsya naman). Yun kase ang pinakapaboritong libangan ng mga probinsyanong nanay. Ngayong umaga, itsitsimis ka. Mamayang gabi, bibigyan ka ng ulam. Ganun sa probinsya. Marami mang tsismosa, pakakainin ka naman. May pagbibigayan.

At oo, mahirap hanapin dito ang pera. Pero makakalamon ka, konteng bungkal. Presto ang lamang-tiyan agad.

Ganito dati ang kalakaran sa probinsya. Malayong malayo man sa kabihasnan, napakapayapa naman..

Hanggang sa lumipas ang mga taon--

Nakapanlulumo at nakakalungkot, nag-evolved na ang probinsyang kinalakhan ko. Katulad ng karaniwang makikita sa siyudad, ganito na rin dito.

Nagkakuryente. Nagkasignal. Uso na ang cellphone (malamang, may signal na nga di ba?). Uso na rin ang telebisyon. Flatscreen pa! May internet na rin. Nabura na ng panahon ang mga drama sa radyo. May "K" ka ng mag-inarte. Pwede ka ng magpakasosyal.

Kung noon ay pwede pang magtirahan ng magkasintahan sa damuhan, ngayon try nila! Kung hindi sila makikita ng mga dumadaan. Baka nga ivideo pa sila. Scandal lang! Lumobo na kase ang populasyon. Kahit san ka lumingon, may bahay na, may tao na. Paano, naging panata na ng mga kababaihan dito ang mag-ambag sa lumulobong populasyon.

Marami pa ring tsismosa. Pero iilan na lang yung kinagabihan ay hahatiran ka ng ulam.

Hay.. Nakakamiss nga naman yung mga scenario dati. Napagtanto ko, napakaswerte ko naman dahil naranasan kong mabuhay sa lugar na simple at payak. Pero naisip ko-- sa susunod na henerasyon, ano na kaya ang magiging klase ng pamumuhay dito?