Showing posts with label KATHA. Show all posts
Showing posts with label KATHA. Show all posts

Saturday, July 20, 2013

Alas Tres ng Hapon

Alas tres ng hapon..
Ang dating kinagigiliwang sikat ng araw na ngayo’y kinaiinisan ng madla’y naging saksi sa libong pumpon kong kagalakan.
Himalang di nainda ang nakalulusaw na bagsik ng panahon.
Ni hindi naalalang punasin ang nag-uunahang tagaktak ng pawis sa mukha.
Alas tres ng hapon..
Nag-alab ang damdamin sa di maipaliwanag na nadarama.
Masidhing dumagundong ang dibdib, kakaibang kaba!
Di kayang usalin ang sayang nasa karurukan ng pinakarurok.
Alas tres ng hapon.. 
Pusong naging hawla’y kaya ng humarap sa mapagsamantalang tuso.
Katawang naging busog na sa inip at panimdim ay makakaramdam na rin ng paglaya.
Makatatalon na nang walang nakikialam.
Makasisigaw na nang walang mambabato.
Makasasagot na nang walang pag-aalinlangan.
Alas tres ng hapon..
Ang oras kung kailan ko muling nabanaag ang pinakamahalagang adan sa buhay ko, si tatay.
Anim na taong paghihintay.
Sa wakas masisindak na rin ang mga buwitreng laging nakatimbreng manloko.
Andito na si tatay, ang aking tagapanggol kay hudas.

Thursday, July 18, 2013

Aninong Imbento

Gusto kong magsulat,
Hindi dahil sa intensyong maggulat,
Nais ko lamang na maging kahima-himala ang bawat panulat,
Iyong mag-aanyong mala-musikang tagak.

Bawat titik ay mamumulaklak,
Maghuhulma ng pangungusap na may buong ingat,
Mga talata’y magmimistulang pilak,
Dunong at tenga ang gagamiting agimat.

Tulad ng liwanag, obra ko’y gagalaw,
Parang gamu-gamong walang pagod sumayaw,
Di man maging kasing ingay ng batang nalulugod,
Magmistula lang alak na nakalulunod.

Subalit ano? Ano ang isasatitik ko?
Ano pa bang daing ang di nila narinig sa mga lugmok na puso?
Alin pang katotohanan ang di nailahad ng makatang lito?
Saan lugar pa ang hindi narating ng manlalakbay na ayaw huminto?

Hanggang sa huli ba’y ganito pa rin? Bigo?
Hanggang kailan tutunog ang kampana na wala sa tono?
Hanggang kailan magtatago ang ginawang duplo?
Hanggang kailan magiging anino ang aking mga imbento?

Wednesday, July 17, 2013

Maling Akala

Pabaling-baling sa parihabang kama.
Ilang oras na palang nakatunganga.
Kahit saglit, maidlip man lang sana,
Pagkat kinabukasan, klase’y maaga pa.

Daan na ang nabilang na tupa,
“Wa-epek” pa rin baga.
Ewan ko ba, di naman nagkape kanina.
Punyeta!

Iuuntog na sana ang ulo sa kama,
Subalit naalala ang inosenting kaisipan nong nasa murang edad pa.
Biglang natawa sa sariling katangahan at maling akala.

Akala ko dati may tao sa loob ng radyo;
Akala ko dati mapuputol ang daliri pag itinuro ang rainbow.

Akala ko dati pag nagkiss si babae at lalaki, buntis agad si babae;
Akala ko dati magta-transform ako sa sirena pag ako’y nakatapak ng kabibe.

Akala ko dati may taong maliliit sa loob ng TV;
Akala ko dati ang tanda na ng edad na bente.

Akala ko dati para tumubo ulit, required na ibaon sa lupa ang nabunot na ngipin;
Akala ko dati totoo ang wrestling.

Akala ko dati sinusundan ako ng buwan;
Akala ko dati didikit sa bituka ang nalulon na chewing gum.

Akala ko dati may tutubong halaman pag nakalunok ng buto ng prutas;
Akala ko dati mayaman lang ang nakakakain ng mansanas.

Akala ko dati may lalabas na kanin sa isang sugat;
Akala ko dati pwede akong ilipad ng kuto kahit ako’y mabigat.

Akala ko dati pag nakahuli ng paru-paro at inipit sa notebook, magiging pera;
Akala ko dati talagang totoo si Santa.

Akala ko dati lip sing, lip sync pala;
Akala ko dati, cheese si spongebob, sponge pala.

Akala ko dati panget ako. Hay salamat, AKALA KO LANG PALA!

Friday, April 19, 2013

Pinoy Chants


Kanina ay napatungo ako sa isang internet café para umorder ng kape magpa-print ng sangkatirbang final requirements sa major subject ko. Hindi ako makasingit dahil napakarami ang nagrerentang customers. Karamihan bata. Naglalaro ng kung anong computer game ay wala akong ideya. Malay ko ba? Sa tanda kong ito, si Super Mario lang ang tanging kilala kong laro sa computer. Habang tinitingnan ko ang mga batang ito na halos hindi maialis ang mga mata sa screen ng computer, nasabi ko sa aking sarili na noong mga kasing-edad ko sila ay libre ang laro namin. Na applicable pa ang mga katagang “BEST THINGS IN LIFE ARE FREE.” Noon, kami ang naglalaro ng mga laro. Ngayon, ang mga kabataan na ang pinaglalaruan ng mga laro. Ngayon, ang mga bata, kapag walang pera, hindi makapaglalaro dahil hindi na nga libre ang mga larong alam nila.
Napabuntong-hininga ako. Napailing. Napatingin sa kawalan. Andami ko na namang naaalala— yung mga kalaro kong sipunin. Yung mga nakabuyangyang na pukelya at kumakalembang na mga betlog habang naghahabulan kami sa may ilog. Ang bawat laro namin mismo. Natawa ako at napansin ko ang tagabantay ng internet shop na nag-panic ng bahagya. Akala ata takas ako sa mental. Nakakatawa dahil karamihan sa mga laro namin noon, may kasamang kanta o CHANTS. At ngayon ko lang napagtatatanto na ang mga chants na iyon ay literal na walang kakwenta-kwenta. Tipong kung ano-ano na lang. Ang importante may rhyme sa dulo. Narito ang ilan sa mga chants na sobrang linaw pa sa aking balintataw. Chos..
Bombero, bombero may sunog.
Saan, saan?
Sa tindahan.
Kinagat ako ng puting aso.
Dinala ako sa ospital.
Tinanong ako ng 1+1.
1+1, wonderwoman.
2+2, lapulapu.
3+3, christmas tree.
4+4, volleyball.
5+5, voltes 5.
6+6, 6 million.
7+7, 7-up.
8+8, chocolate.
9+9, lucky 9.
10+10, masarap ang ovaltine..
—oh diba? Pak na pak sa kakornihan. At maha-highblood ang mga Math teachers nito. But wait there’s more, ituloy natin ang kakornihan dahil may karugtong pa ang chants na iyan..
Saan ka pupunta?
Sa Maynila.
Anong dala mo?
Maleta.
Anong laman nyan?
Gitara.
Patugtugin mo nga?
Timpalok, timpalok, tae ng manok.
—okey na sana e, bigla lang bumantot sa last part. Hanggang ngayon, di pa rin kayang i-absorb ng brain cells ko kung ano ang kaugnayan ng tae ng manok sa timpalok. Ni hindi nga masagot ng google kung ano ang timpalok na iyan.
May mga chants din noon na kung maririnig lang ng walang kasing-galang na si Grace Poe ay ika-ko-komatos dahil sa mga mensahe nitong nakakapanindig pubic-hair. Rated SPG dahil may maseselan itong tema. Karahasan, droga, lengwahe, sekswal at horror. Maaaring hindi angkop sa mga batang kumakanta. Pero wa pa kaming paki jan dati. Unang-una, hindi pa uso nun ang MTRCB. 
Magsimula tayo sa temang karahasan. Narito..
Langit, lupa, im-impiyerno.
Im-im-impiyerno.
Saksak puso, tulo ang dugo.
Patay! Buhay!
Umalis ka jan, sa pwesto mo!
—nung kapanahunan ko, sino ba ang hindi nakakaalam ng napakamasalimuot at napakabrutal na chant na iyan?
Ngayon ay magmove-on tayo sa karahasan at punta tayo sa temang sekswal. Narito..
Si Nena ay bata pa..
Anong sabi niya ay um-ah, um-ah-ah! (with matching action pa yan na nagpapadede.)
Si Nena ay dalaga na..
Anong sabi niya ay um-ah, um-ah-ah!—
—at hanggang sa patanda na ng patanda na ang batang si Nena. Siyempre palandi rin ng palandi ang chant. Magtatapos sa “Si Nena ay aswang na, anong sabi niya ay um-ah, um-ah-ah!” At biglang maggugulatan ang naglalaro. So, hindi lang pala may temang sekswal itey.. Pasok pa sa banga ng temang horror.
One, two, three..
Asawa ni Marie,
Araw-gabi walang panty!
—Jusko, di ba pwedeng MWF o TTH na lang na walang panty si Marie? Araw-gabi talaga?
Sabihin mo sa ate mo break na kami.
Nakita ko ang Panty niya ganun kalaki. (I-a-action kung gaano kalaki ang panty ni ate.)
May butas sa gitna.
Pinasukan ng daga.
Ang sabi ng daga hmmm baho!!!
—teh, kahit sino namang maging boyfriend mo, ibi-break ka kung pati daga nagawang magsalita dahil sa sangsang ng malaki mong panty. Cruelty to animal din ito.
At ito ang pinakamatindi..
Pokpok sa plaza, singko-singko lang!
Pwede ng two-fifty, amoy-amoy lang.
—ang mura hah. Malayo ang mararating ng singko mo.
Punta naman tayo sa temang droga..
Shabung, marijuana.. Makapula ng mata.
Makatrip ng dalaga.
Maka-ana-ana pa!
—sa lahat ng chants, ito pinakapaborito ko. Bukod sa dati akong drug adik ay relate na relate rin ako sa part na “maka-ana-ana pa!” Alam na.
Natural na sa mga bata ang mang-asar kaya napakaraming chants noon na lakas makapang-asar na madalas ay pagsimulan pa ng away.. Narito..
Ang kapal ng mukha.
Di na nahiya.
Dapat sayo, pasabugin ang mukha.
Ulo-ulo lang, di kasali katawan.
Kung kasali katawan, sabog pati laman.
Wow Seksi!
Katawang body.
Pagsakay sa taxi, umutot grabeh!
—speaking of utot. Noon pag may nagpakalawa ng masamang hangin sa mga kalaro mo, awtomatiko ang chant na..
Bantot, bantot, sino ang nakautot. (ituturo)
Totoo ba na si *insert pangalan ng naituro here*
Oo.
Isa ka labador ang kanyang ipot!
—ang huling naituro ang salarin. Guilty or not guilty siya ang umutot.. Safe ang tunay na nagpakawala ng masamang hangin.
May mga chants naman na parang bunga lang ng pagsinghot ng katol ang pagkaka-compose nito.. Parang nagtitrip lang. Halimbawa..
Mangga, mangga hinog ka na ba?
Oo, oo, hinig na ako.
Kung hinog ka na ay umalis ka na!
—oh diba? Lokohan lang. At kaylan pa natutong magsalita ang Mangga?
Tatlong bundok, masyadong mapula.
Hulugan niyo kami ng tatlong reyna.
Isa si Vilma.
Isa si Corazon.
Ang pangatlo ay si Baby Flores.
Si Baby Flores ay niligawan.
Niligawan ni Francisco.
Walang gagalaw.
Sinong gagalaw ay siya’y bakulaw.
Sinong tatayo ay siya’y kabayo.
Sinong ngingiti ay siya’y paniki.
Sinong bibika ay siya’y palaka.
—may involvement talaga sina Vilma, Corazon at Baby Flores. At bigti mode on ka na lang pagkatapos ng chant na ito dahil parang wala ka namang pupuntahan. Pag ngumiti yung kalaro mo, sasabihin mong.. “Yay! Paniki. Ahhh. Paniki!” tapos sasagot yung kalaro mo na “Kesa naman sa’yo Bakulaw. Yay bakulaw! Bakulaw! Bakulaw!” Hanggang sa maghahampasan na. At ang simpleng laro mauuwi sa patayan. Joke. Away lang..
Ito ang mga panahong hindi pa uso ang batang chubby. Mga panahong, kabataan pa ang nauuso at hindi katabaan. Hindi pa uso ang computer, PSP, iPhone, iPod, iPad at kung anek-anek pa! Mga chants pa ang nauuso. At taas-noo kong ipinagmamalaki ang kinamulatan kong henerasyon. Makulay at napakasaya. Nakakaawa lang para sa mga kabataang hindi nasilayan ang tradisyon ng mga kabataang Pinoy noon. Nakalulungkot na nilamon ng makabagong teknolohiya ang karapatan ng bawat batang Pilipino na maintindihan ang tunay na kahulugan ng paglalaro— na hindi kailangang magbayad para sumaya. Na kahit sa isang walang kwentang chant, pwede ka ng tawaging bata..

Tuesday, April 16, 2013

Muli


Natapos muli ang delubyong dala ng pakikipagbuno sa bawat eksamen.
Natapos muli ang buwanang pakikipagtuos sa gurong animoy matanglawin.
Makakapagpahingang muli ang mga estudyanteng pilit dumideskarte.
Naitawid kaya ng ilan ang sikretong pilit ikinubli sa mga matang tumitimbre?
Mapipinid muli ang larong kawangis ng pamomolitika..
Mahuhusgaang muli ang mga lumaban ng patas at ang medyo tumagilid na.


Hay sa wakas, maipapahinga na rin ang mga matang nagrereklamo.
Ang sumasabog na utak na gustong mag-alburoto.
Wala na namang puyatan.
Pwede uling magpapetiks-petiks sa haharaping larangan.
Hinto na muna sa pagbuklat ng pahinang may kahabaan..
Pahinga muna sa pilit na pagmememorya ng mga teoryang minsa’y nakakamangmang.
Kakalimutan muna ang matataas na gradong batayan ng mundong ginagalawan.
At saglit na makikipagbiruan na tila ba malayo sa katotohanan.
Makakapag-ipong muli ng lakas ang buong katawan..
Upang makapaghanda sa susunod na buwan..

Monday, April 15, 2013

Mga Dramang Pang-Radyo


Tinig 1 (Superman) : Nagtipon-tipon tayong lahat ngayon upang pag-usapan ang pagsali ng isang bata sa ating samahan.
Tinig 2 (Batman) : Isang bata?! (Mataas ang boses na papunta na sa pagkabulwak ng ugat sa leeg sa pag-aalinlangan. Tila gustong tumutol.)
Tinig 1 (Superman) : Oo Batman, isang bata. Paulit-ulit? Shunga ka? Kasasabi lang diba? Bata man ay may karapatan ding tumutol sa kasamaan. Tandaan, walang malaking nakakapuwing!
Tinig 3 (Wonderwoman) : Bakit natin aalisin ang karapatan na iyon sa isang bata? (Umepal at nakisabad ang gaga.)
At nagbulung-bulungan ang iba pang echoserang superheroes. Nagpalitan ng mga kuro-kuro. Maya-maya ay sabay-sabay na nagtanong..
“SINO ANG BATANG IYON???”
Awtomatikong sumagot si Superman..
“Siya si— KAPITAN PINOY!!!” (Mataas na mataas ang pagkakasabi ng Kapitan Pinoy.)
Tapos ay eeksena na ang tagapagsalaysay..
KAPITAN PINOY!!!
Laban sa kasamaan, KAPITAN PINOY!!!
Simbolo ng katarungan, KAPITAN PINOY!!!
Tagapagtanggol ng naaapi, KAPITAN PINOY!!!
(At tuluyan na ngang bumulwak ang ugat sa leeg ng kawawang tagapagsalaylay. Pataas kase ng pataas yung pagkakasabi ng Kapitan Pinoy.)
Ang nasa itaas ay hindi spoiler ng bagong libro ni Bob Ong. Kung ikaw ay bagets nung 80’s o di kaya ay batang 90’s, paniguradong napangiti ka dahil napukaw ka ng isang napagandang alaala ng kahapon.
Isa akong 90’s baby, kaya malinaw na malinaw pa sa aking ulirat ang pambungad ng isang serye noon sa DZRH. Marahil hindi ko eksaktong nailahad pero ito ay base lamang sa aking pagkakaunawa at natatandaan. Bata pa ako noon at hindi pa nag-aaral.
Naging malaking bahagi ng aking kamusmusan si Kapitan Pinoy..
Kaya paano ko ba makakalimutan ang batang si Pipoy? Siya ang ordinaryong batang si Kapitan Pinoy kapag hindi niya pa nabibitawan sa kanyang bibig ang transformation song na..
“Red, White, and Blue,
The stars over you!
Mama said and Papa said,
I Love You.
KAPITAN PINOY!”
Paano ko ba makakalimutan ang love interest niyang si Beth? Si Sintaro na kaboses ni Leo Martinez? Si Salome? Ang boyfriend ni Salome? Ang nanay ni Salome na ayaw sa boyfriend ni Salome? (Puro Salome ata natandaan ko. Haha.) Si Damaso, ang nagbigay ng mahiwagang medalyon. At si Black Venus, ang demonyong bulaklak na sa tulong ng mahiwagang tubig at paru-parung puti ay natalo ng munting bida sa loob ng isang kweba.
Hay kaysarap balik-tanawin. Nakakalungkot nga lamang isipin na kailanma’y di ko na maririnig ang sigaw na— KAPITAN PINOY!!!  Na kailanma’y di na maibabalik ang mga drama sa radyo gaya ng Kapitan Pinoy. (Mayron pa naman sigurong drama pero di na kinakagat ng masa.) Tuluyan na ngang nilamon ang maipagmamalaking sining na ito ng mga modernong teknolohiya. Nariyan na ang iPod, telebisyon, internet at kung anu-ano pang nagsusulputan na nakakalula sa pagkamoderno. Imposibleng bebenta pa sa modernong masa ang mga nakakatawang dialogues ng mga radio talent, kung paano nila pilit na pinapagana ang imahinasyon ng mga masugid na tagapakinig sa programa upang maihatid ang sitwasyon sa dramang pang-radyo. Halimbawa ay kung paano nila ilarawan ang isang nakakatakot na sitwasyon—
“Nanlilisik ang mga mata ng isang napakalaking halimaw. Pulang-pula. Lumalapit siya sa akin. Kailangan kong tumakbo nang mabilis na mabilis. Nadapa ako. Aray! Pipilitin kong tumayo. Bibilisan ko pa kahit napakasakit na ng kaliwang paa ko dahil natinik kanina. Pipilitin kong tumakbo dun. Dun sa gusaling iyon na malapit sa lumang simbahan na napakadilim.”
E kung hindi pa gumana ang utak mo sa paglalahad na iyan e magtanong ka na sa nanay mo kung ano ang gatas mo nung sanggol ka pa.
Narito pa ang ilang halimbawa—
Tinig 1 : Sasaksakin kita! Eto na!
Tinig 2 : Nakailag ako.
Tinig 1 : Sasaksakin kita ulit.
Tinig 2 : Hindi na ako nakailag. Tinamaan ako sa dibdib. Arrrgh..
Tinig 1 : Patay na siya.
Kung iisipin mo ngayon, matatawa ka dahil parang inuuto ka lang nito.. Pero nakakamiss.
Ang sining na ito ay isa na lamang alaala na kaysarap balik-balikan. Nakakamiss yung mga boses na nagmumula sa isang radyo na animo’y napakahiwaga sa pagpapalawak ng imahinasyon ng mga tagapakinig. Nakakamiss iyong pagkatapos ng dramang Kapitan Pinoy ay kailangan mo nang matulog para hindi ka kagalitan ni inay at nang ikaw “daw” ay lumaki nang mabilis. Nakakamiss iyong habang nagpapahinga ka sa hapon o di kaya ay nagpapahangin sa ilalim ng puno ng aratiles habang nakatingin sa malayo at nakikinig sa radyo. Na kasabay ng pag-ihip ng hangin, inililipad ng mga drama sa radyo ang iyong imahinasyon. Nakakamiss yung mga sandaling naglalatag ka ng banig at inihahanda ang kulambo habang nakikinig ng horror na drama (Gabi ng Lagim). Na kahit halos mamatay ka sa takot ay makikinig ka pa rin sa susunod na mga gabi. Nakakamiss yung pagkatapos ng panggabing drama ay kailangan mo nang patayin ang lampara dahil sayang sa gas at nang makapagpahinga na. Nakakamiss yung hihintayin mo na lamang ang pagdalaw ng iyong antok habang dinig na dinig mo pa rin ang komentarista sa radyo na pinapakinggan ng mga magugulang sa kabilang kwarto.
Ang pinakanakakamiss ay yung mga alaalang minsan may isang simpleng buhay sa piling ng radyo.
Narito pa ang ilan sa mga natatandaan kong drama sa radyo:
1. Matudnila (Ito iyong drama na bisaya ang pambungad na kanta.)
2. Negra Bandida (Panggabing drama ito. Isang echoserang negrang nakakabayo na hobby sa buhay ang maghigante sa mga umapi sa kanya. Malinaw na malinaw pa sa aking alaala iyong mga yabag ng kabayo niya.)
3. Mister Romantiko (“Minahal kita nang dahil sa salapi mo!”
“Katawan ko lang ang minahal mo at hindi ang pagkatao ko!”
Astig sana ng pambungad ng programang ito pero yan lang ang maalala ko.)
4. Gabi ng Lagim (Kailangan may kasama ka sa pakikinig nito kung ayaw mong biglang maparanoid.)
5. Sementadong Gubat (Gustong gusto ko yung title)
6. Bensar (Di ko na maalala, yung title lang ang nari-recall ko.)
7. Sa Ngalan ng Pag-ibig (Malamang lovestory ito. Siesta time iniere)
8. Tiya Delie (Itong inyong Tiya Deliiiiieeeeeeeeeee. 30 minutes talaga ang pagbigkas ni Tiya Delie ng huling salita sa kaniyang pangalan.)
9. Ito ang Palad Ko (Drama anthology. Parang MMK lang ang drama. Balita ko e umiere pa rin to hanggang ngayon sa DZRH.)
10. Isinakdal ko ang Aking Ina (Si Susan Roces ang may ari ng boses ng bida at isinapelikula rin ito.)
Ikaw may naaalaala ka pa ba sa mga dramang pangradyo?

Thursday, March 8, 2012

Hapis


ni Rajan Ram Mamadra a.k.a. RAMBiSYOSO

Sinira ng sangkatauhan ang mundo na noo'y itinuturing na paraiso.
Dating paraiso, hanggang sa ang ispirito ng mga mortal ay naghasik.
Nanira! Namutol! Nanunog! Nagtapon!
Nakakalungkot..

Pinagkalooban sila ng kapangyarihang pumili ng buong laya,
Kasabay iyon ng paglikha sa kanila ng dakilang maykapal.
At tinanong sila,
KADILIMAN? O LIWANAG?
May iilang sumagot ng liwanag.
Karamihan ay kadiliman.
Nasilaw sila ng kadiliman---
Seguridad daw ang ibig nitong ipahiwatig.
Nakakalungkot..

Ang mga umalyansya sa kadiliman ay humiling ng gobyerno.
Gobyernong mamumuno sa kanila sa kadiliman.
At ang lupon ng yumakap sa liwanag ay naging dakilang alipores na lamang.
Nakakalungkot..

Tuluyang nilamon ng kadiliman ang liwanag.
Ipininta ang sandata!
Inililok ang bomba!
Kinortehan ang droga!
Inimbento ang patayan!
Itinayo ang karahasan!
Inihulma ang korapsyon!
At nilapatan ng musika ang diskriminasyon!
Nakakalungkot..

Nagpatuloy nang nagpatuloy ang kanilang makamundong pamamaraan.
At ang mayayaman ay ginawan ng rebolto,
Inilibing naman ng buhay ang kawawang mahihirap.
Nakakalungkot..



(Trip ko lang maging makata ngayon. Bakit ba?)