Alas tres ng hapon..
Ang dating kinagigiliwang sikat ng araw na ngayo’y kinaiinisan ng madla’y naging saksi sa libong pumpon kong kagalakan.
Himalang di nainda ang nakalulusaw na bagsik ng panahon.
Ni hindi naalalang punasin ang nag-uunahang tagaktak ng pawis sa mukha.
Alas tres ng hapon..
Nag-alab ang damdamin sa di maipaliwanag na nadarama.
Masidhing dumagundong ang dibdib, kakaibang kaba!
Di kayang usalin ang sayang nasa karurukan ng pinakarurok.
Alas tres ng hapon..
Pusong naging hawla’y kaya ng humarap sa mapagsamantalang tuso.
Katawang naging busog na sa inip at panimdim ay makakaramdam na rin ng paglaya.
Makatatalon na nang walang nakikialam.
Makasisigaw na nang walang mambabato.
Makasasagot na nang walang pag-aalinlangan.
Alas tres ng hapon..
Ang oras kung kailan ko muling nabanaag ang pinakamahalagang adan sa buhay ko, si tatay.
Anim na taong paghihintay.
Sa wakas masisindak na rin ang mga buwitreng laging nakatimbreng manloko.
Andito na si tatay, ang aking tagapanggol kay hudas.