Showing posts with label MGA PANGYAYARi SA BUHAY Ni RAM. Show all posts
Showing posts with label MGA PANGYAYARi SA BUHAY Ni RAM. Show all posts

Monday, July 22, 2013

Yung mas active pa ang Mayon Volcano sa sex life ko.

Mainit ang ulo ko. Sa anong dahilan? Walang pag-iimbot at buong katapatan kong ilalahatla na TIGANG ako!!! (I-capslock natin yung word na tigang tapos lagyan natin ng exclamation point, mga tatlo. Para nakakaiyak sa sobrang intense.)
Himayin natin ang masalimuot na katigangang na ito—- Halos magdadalawang buwan ng kaawa-awa ang sinasapit ng sexlife ko. Paano ba naman e nasa kabuwanan na si Misis ng kanyang pagbubuntis. Sabi nila, okey naman daw ang makipag-tsuk-tsak-chenes kahit buntis ang partner. Pero ayoko pa rin. Ayokong i-take ang risk. Hindi kase applicable iyon sa akin sa kadahilanang matindi ako sa kama. Yung tipong nag-aacrobat ako. Nag-aral pa kase ako sa India ng Kamasutra lesson kaya baka manganib lang si Misis at baby sakali. Afreddie Aguilar.
Sa halos dalawang buwang katigangang iyon ay nakadarama ako ng ibayong pananabik sa malalamig na gabi. Minsan nga, niyayakap ko na lang ng mahigpit na mahigpit ang unan habang umiiyak na pinaliligaya ang sarili. Charot.
Alam ko, normal lang itong nararamdaman ko. Hindi ako ganun kalibog. Pero tao pa rin ako. Natitigang din. Minsan pa nga, sa sobrang pagkatigang, kung ano-ano na lang ang napapanagipan ko. Ayoko nang idetalye, hashtag medyobaboy. Alam mo yung pakiramdam na maski si Kute (Aiza Seguerra) ng Please Be Careful With My Heart pinagnanasahan ko na. Nagta-try din naman akong bumirit ng “All By Myself” habang nanonood ng porn pero parang walang satisfaction. Ayoko naman mambabae. Bukod sa bawal iyon sa religion namin, mahal na mahal ko ang asawa ko at di ko siya kayang lokohin. Ako na ang MOST FAITHFUL NG TAON.
Sige pagtawanan niyo ako sa kasalatan kong ito. Pagtawanan niyo ako habang kayo ay sagana at nag-uumapaw ang sexlife. Mga animal kayo! Nag-iinit lalo ang ulo ko. Bwesit! Alam mo kung ano yung mas nagpainis sa akin ngayong araw na ito? Yung ulam namin kanina. Malaking tahong na napakalambot. Tangena. Naglaway talaga ako. Hindi dahil sa lasa neto, kundi dahil sa kanyang itsura. Nang-aasar talaga ang tahong.
Wait, magpapalabas lang ako ng sama ng loob. *playing : “All By Myself” once again* Ipanalangin niyong hindi ako mabulag.

Naniniwala Ka Ba Sa Sign?

Naniniwala ka ba sa pangitain? O sa mas pamilyar na terminong SIGNS? Ito yung magsasabi sa’yong maaaring posible ang imposible. Halimbawa’y sinabi mong  kapag umulan ng snow sa Tugegarao sa katanghaliang tapat ay karapat-dapat sa iyo ang lalaking kasasagot mo pa lang kaya agad-agad ay aalukin mo ng kasal. O kaya’y nag-aalinlangan ka sa isang bagay kaya sinambit mong hindi mo na iyon gagawin kapag nakasalubong ka ng pink na aso na may violet na buntot.
Signs. Ito yung bagay na magbibigay sa’yo ng sandamakmak na pag-asang may magandang mangyayari.
Napakadali lang ang humingi ng signs. Ang mahirap na parte ay kung magtalo ang ang puso mo at ang mga pangitaing nakikita mo. Saan ka kaya lulugar? Alin ang susundin mo? Ang bulong ng iyong puso? O ang dikta ng mga pangitaing binibigay sa’yo?
Alam mong maaari kang masaktan sakaling di matupad ang bagay na minsan mong hiniling kaakibat ng sign na iyon. Darating at darating ka sa puntong mapapatanong ka—- “God, bakit? Hindi ba talaga nakalaan para sa akin iyon?"
Naniniwala ako sa signs. Noong Sabado lang ay humiling ako nito—- "Kapag umulan mamayang alas tres, dadalo ako sa aming Acquaintance Party nang naka-boots para may maiuwi akong titulo." At pagsapit ng itinakda kong oras, umulan nga ng napakalakas. Sa katunayan, umapaw ang tubig sa katabi naming sapa. Bumaha sa amin. Grabeng sign naman ang ibinigay sa akin, papunta na sa delubyo.
Gaya nga ng hiniling ko, sinuot ko ang pamatay na botas ni tatay na tatlong oras ko ring pinakintab. Pamatay dahil napakabigat nito (at napakabaho pa. Si tatay talaga, ang baho ng paa.) Tipong halos hindi ako makahakbang. Pakiramdam ko nga, napilay ang aking magkabilang paa. Tiis-Gandang Lalaki ang drama ko sa buong party.
Pagdating ko sa venue, halos lahat ng mata ng hinayupak kong schoolmates, nakatutok sa aking suot na botas. Ayos! Matutupad ang ipinanalangin kong mag-uwi ng kahit isang award wag lang ang Mr. Early Bird. (Ang dyahe kayang tanggapin ng sash na iyon, hindi kakisigan ang puhunan.)
Moment of truth, i-aanounce ang 20 nominees  ng mga nag-outstand sa Party na iyon. Ramdam ko, isa ako sa mga tatawagin. Ramdam kong ako ang Mr. Headturner. Iyon din ang narinig ko sa mga bulung-bulungan ng mga dumalo. Pasimple akong nagpunas ng mukha sa isang sulok bilang paghahanda sa pagsasabit sa akin ng sash. Nang tinawag ang first ten, ngiting-ngiti pa ako, abot lampas tenga. Habang parami na ng parami ang tinatawag, pakonte ng pakonte rin ang ang ngiti ko. Hanggang sa natawag na ang twenty. Hindi ko narinig ang aking pangalan. Ang saklap. Para akong pinagkaisahan.
Napag-alaman kong kasali dapat ako sa nominees kung hindi lang dahil sa aking pamatay na botas. Hindi daw iyon pasok sa kriterya o anumang kasyitan. Di daw kase pormal. Anong hindi? hindi ba nila alam na doon sa amin sa Newyork, nag-bo-boots talaga kami kahit naka-amerikana. Medyo katutubo silang mga judges. Mga walang alam sa fashion. Pwe! Putangina nila!
Yung ipinanalangin kong magka-award ako, bokya. Yung nakita kong sign, hindi nagkatotoo. umuwi akong umasa. Umuwi akong bigo. Umuwi akong luhaan nang gabing iyon. At nang gabi ring iyon, pormal ko ng idineklara na kailanma’y di na ako maniniwala sa mga signs signs na yan! Fuck me! Ang drama ko!

Sunday, July 21, 2013

Maiintidihan Mo Rin Ang Sulat Na Ito Anak, Balang Araw..

Mahal Kong Anak,
Alam kong sa panahong ito’y hindi pa kayang intidihin ng iyong murang edad ang mensahe ng sulat na ito. Subalit nakasisiguro akong darating ang panahon na lilinaw rin ang lahat.
Anak, gusto kong hingin ang iyong kapatawaran sa katotohanang sinubukan naming itago ng iyong mommy ang tunay mong pagkatao. Sinubukan naming ilayo ka sa mga nakapaligid sa’yong maaaring magsabog ng isang rebelasyong hangga’t maari sana ay gusto naming mabaon na lamang.
Sabik na sabik kami nun ng iyong mommy na magkaanak. Subalit tila baga pinagkakaitan ang aming simpleng kahilingan. Mahabang panahon din ang hinintay namin. Ang totoo, nawalan na kami ng pag-asa. Hanggang sa dumating ka sa buhay namin.
Sa unang dampi ng iyong malambot na kamay sa aking palad naramdaman kong isinilang ka para sa amin, na bigay ka ng Diyos, ikaw ang matagal na naming hinihintay. Tandang tanda ko pa noong unang masilayan ng mommy mo ang napakatamis mong ngiti. Halos himatayin siya nun sa sobrang kagalakan. Noong una kitang kargahin, kakaiba ang naging pakiramdam ko nun. Para akong bagong tao. Noong una mong sambitin ang salitang "daddy", naluha a nga ako nun anak. Pakiramdam ko, ako na ang pinakamasayang ama sa buong mundo nang mga sandaling iyon. Noong una kang magkasakit, di magkandaugaga si mommy mo nun. Ako naman, alam ng Diyos kung paano ko hilingin na sana ako na lang, wag ang anak ko.
Anak, hindi ka man naging karugtong ng pusod ng mommy mo, hindi sapat ang salitang "mahal na mahal kanya," "mahal na mahal ka namin." Hindi ka man galing sa dugo’t laman ko, ramdam kong karugtong ka ng kaluluwa ko. Isa ka sa dahilan kung bakit patuloy sa pagdaloy ang dugo sa bawat ugat ko, kung bakit ayaw huminto sa pagpintig ang puso ko, kung bakit patuloy akong nabubuhay na may positibong pananaw sa gitna man ng kadalamhatian.
Marami kang naituro sa amin ng mommy mo anak. Tinuruan mo kaming maging responsable sa lahat ng panahon. Tinuruan mo kaming magbigay ng walang hinihintay na kapalit. Dahil sa’yo natuto kaming hindi maging maramot. Higit sa lahat, itinuro mo sa amin ang tunay na kahulugan ng "pagmamahal."
Anak, masaya ako dahil ilang araw na lang ay manganganak na ang iyong mommy. Tama nga ako, ikaw ang swerte sa pamilyang ito. Magiging kuya ka na. Huwag kang mag-alala, iyong ipinadama naming pagmamahal sa’yo noon, patuloy iyon. Dodoblehin pa namin kung kinakailangan. Walang magbabago, kahit anjan na ang isang nilalang na kadugo namin.
Alagaan mo ang kapatid mo anak ha! Ayokong mag-aaway ka’yo. Proteksiyunan mo siya. Tungkulin mo iyon bilang kuya. Sisiguraduhin kong magiging pantay ang pagtingin namin sa inyo. Pangako iyan.
Kung sakali nga palang hilingin mong makita ang iyong tunay na magulang at mga kapatid, huwag kang mahihiyang magsabi anak. Di ko maiaalis ang masaktan pero hinding hindi ko ipagkakait sa’yo ang isang bagay na magpapabuo ng iyong pagkatao. Madudurog ang puso pero, sasamahan kita. Yakapin mo sila anak ha. Utang namin sa kanila ang lahat kung bakit ka dumating sa buhay namin.
Kung totoo mang may kabilang buhay, hahanapin kita kahit tatlong dosena man ang anak ko sa kabilang buhay. Hahanapin kita, ilang beses man akong matay at muingmabuhay. Di ka man namin anak sa dugo, anak ka namin sa kaluluwa. Mahal na mahal ka namin anak!

Friday, July 19, 2013

Ang Minsang Ipinagkait Bukas Makakamit..

"Uuwi na ang tatay mo." Maiksing textmessage na natanggap ko mula kay nanay. Ito na ata ang pinakamagandang balitang natanggap ko ngayong taon. Panigurado, nakapagdala din ito ng napakalaking kagalakan kay nanay. Naiisip ko ngang nakalabas na ang ngalangala niya sa pagtawa dahil sa positibong emosyong nararamdaman niya sa mga panahong ito.
Bakit nga ba naman hindi? Halos labing-anim na taon ding hindi sila nagkita. Kung susuriin, mas mahaba pa ang panahong nagkalayo sila kesa sa panahong pinagsamahan nila. Labing-anim na taong "Long Distance Relationship" ang tema ng kanilang lovestory.
Malungkot mang isipin, kailanma’y di nabuo ang pamilya namin. Grade one pa lang ako nang mangibang bansa si nanay. Ang kapatid ko, sa ibang pamilya naiwan. Ako naman, nasa pangangalaga ng kapatid ni tatay. Tapos si tatay, kung saan saan nagliwaliw. Ewan ko, basta ang sabi ng mga kamag-anak namin, nagbuhay binata daw uli siya. Nagbisyo— droga, sugal, alak.. Lahat na. Ang bukod tanging di ko narinig ay ang nambabae siya. Hindi kami nabigyan ng pagkakataong maging close ni tatay. Paano ba naman? E minsan lang siyang magpakita. Nasanay na akong walang tatay. Mas nasanay akong walang nanay. Alam mo yung pakiramdam na wala akong masasayang alaala na kasamang kompleto ang pamilya ko.
Nung papauwi na ng Pinas si nanay, si tatay naman, kaaalis lang papuntang abroad. Nakakatawang nakakainis. Pakiramdam ko, pinaglalaruan at pinagkakaitan sila ng tadhana. Pakiramdam ko, tinatanggalan kami ng karapatang mabuo. Kapiling nga namin si nanay. Magkakasama nga kaming tatlo— ako, ang kapatid ko at si nanay.. Si tatay na naman ang kulang.
Di ko maiwasang isipin na parang andaya-daya naman. Ang mga kaklase ko, buo ang pamilya tuwing parents day. Wala din akong makitang family picture namin sa sala. Napaka-unfair di ba?
Pero bukas.. Matapos ang labing-anim na taon, makakamit ko na ang isang bagay na ipinagkait sa akin. Mabubuo ulit kami.
Sa wakas, makikita ko na ulit si tatay.. Bukas.

Tuesday, April 23, 2013

Guhit


May kanya-kanyang pangarap ang bawat isa sa atin. Tulad ko ay karapatan mo rin ang mangarap. Libre ito. Subalit may mga bagay na mas mahalaga kaysa sa pangarap. Nakalulungkot mang isipin, minsan may mga pangarap na kailangang maging pangarap na lang. Hindi patas ang mundo. Gustuhin mo man ang isang bagay kung hindi ka ilalayag ng panahon sa iyong minimithi, balewala.
Lahat ay may minimithi, subalit hindi lahat ay abot-tanaw. Sabi ko nga, libre ang mangarap. Pero hindi dahil libre ay makakamit mo na ito ng ganon kadali. Sa dami ng mga reyalidad sa mundong ibabaw na kailangan angkupan, may mga pangarap na naisasantabi. Tulad ko na nangarap maging mang-aawit, sintunado naman. Nangarap magka-kotse, pulubi naman. Nangarap pumangit, imposible naman.
Tandang-tanda ko pa, bata pa lang ako’y nakahiligan ko na ang humawak ng papel at lapis para gumuhit. Naaalala kong stick pa lang ang mga tao ko non. Hirap na hirap pa akong iguhit ang iba’t ibang klase ng hayop. Pati halaman at puno di pa maintindihan. Ang paglalagay ko ng kulay, lagpas-lagpas. Ang mga tao, kulay brown. Ang araw, dilaw. Kulay bughaw naman ang dagat at kalangitan.
Hanggang sa natuto na ako ng iba’t-ibang teknik sa pagguhit pati pagkulay. Ang paglalagay ng pattern na pari-parisukat. Ang tamang paghawak ng lapis. Ang tamang kurba. Napansin ni tatay ang kakayahan ko sa pagguhit. Bakit daw hindi ako mag-Fine Arts? Pag-iisipan ko, ang sagot ko.
Nung ako’y magkolehiyo, gusto ko sanang mag-Fine Arts. Kaso naisip ko na baka isang araw, matagpuan ko na lang ang aking sarili kasama ang mahal na pamilya na pinupulot sa kangkungan.
Alam kong, hindi biro ang kursong iyon. Nakakapamulubi. Hindi magiging sapat ang tatlong kalabaw at ilang hektaryang palayan ni tatay kaya ibang kurso ang napili ko. Sa paglipas ng panahon, di ko namamalayang nakakalimutan ko na pala ang pangarap kong pagguhit.
Hanggang sa kahapon, sa aking summer class sa subject na Humanity ay inilapit akong muli ng panahon sa mundo ng pagguhit. Muli ay nasubok ang kakaiba kong galing sa larangang ito. Nagkaroon kase kami ng seatwork. Iguguhit namin ang mukha ng aming katabi.
Bilang isang nilalang na may malawak na kakayahan sa pagguhit, alam kong ang mukha ang pinakamahirap iguhit. Pero parang sisiw lang sa akin ito. Magaling nga ako diba? Ito oh:
image
Okey fine, lahat ng pinagsasasabi ko sa itaas ay pawang kasinungalingan. Ang inilahad ko patungkol sa kagalingan ko sa pagguhit ay kayabangan lamang at malayo sa katotohanan. Frustration ko lang talaga itey. Iyon ang katotohanan. HAHA!
Nang matapos kong i-drowing ang pagmumukha ng aking seatmate, laking gulat ko na lang dahil walang sabi-sabi, sinaksak niya ako ng hawak niyang lapis. Nong tingnan kong muli ang naiguhit ko, deserve ko naman pala ang masaksak. Nakaka-offend nga naman yung drowing ko na mukhang matandang anemic na intsik na nalulong sa droga dahil nalugi sa negosyo.
Sabi ng professor ko, hindi naman daw mukhang matandang anemic na intsik na nalulong sa droga dahil nalugi sa negosyo ang itsura ng drowing ko. Ang judgement niya, mukhang missing link daw ito sa evolution. Fuck you ka Sir!
Siyanga pala, ito ang model ko:
image
Di ba, medyo kahawig naman? Sige na nga, mukhang missing link na sa evolution ang drawing ko.. Pati model ko.
Marami akong natutunan matapos ang seatwork namin na to. Na masaya kapag yung kakayahan ay magamit natin sa mga bagay na gusto natin. At mas masaya pala kapag itinigil ko na itong ambisyon ko sa pagguhit. Wala akong magiging future dito.

Monday, April 22, 2013

Ang Aking Hindi-Masyadong-Pakialamerang-Ina


Gaya nga ng naunang naikwento ko, matagal na kaming naghihintay ng anak ni Misis. Mga dalawang taon din. Kaya ganoon na lamang ang aking kaligayahan nang malaman kong siya’y nagdadalantao. Naglilihi pa lang siya’y pareho na naming hindi maitago ang excitement na nararamdaman kung ang sanggol ba na nasa kanyang sinapupunan ay babae o lalaki. Ang gusto ni misis, babae para daw mas close sa akin at masarap bihisan. Sabi ko naman, kahit ano, basta normal at healthy. Hindi na ako choosy.
Pinlano naming magpa-ultrasound. Pero hindi iyon ganun kadali.
Kasabay ng mainit na isyung panunutol sa pag-iibigan ng mga magulang ng dating naging parte ng sexlife ko na Heart Evangelista at ng kanyang batang-batang boyfriend na si Chiz Escudero ay naging mainit din sa bahay ang isyung panunutol ng aking “hindi-masyadong-pakealamerang-ina” sa plano namin.
Na-immune na ako sa favorite past time ni madir na pangengealam. Ang hindi ko lang talaga lubos na maintindihan ay kung ano ang dahilan sa pag-aalburoto ng kanyang tinggil nang malaman niya ang aming plano. Hindi maarok ng malawak kong pang-unawa kung bakit tutol na tutol siya sa ideya ng pagpapa-ultrasound. Hindi ko talaga ma-gets kung ano ang logic sa konseptong bad vibes daw iyon.
Hay naku! Muntik na talagang sumabog ang lahat ng ugat sa tarugo ko sa bawat rebelasyon ni inay patungkol sa mga bagay na ito— na kesyo daw nabuhay naman daw kaming mag-asawa sa kanilang sinapupunan ng walang nagaganap na ultrasound. Ang sarap lang sagutin na nung panahon talaga ni lapulapu, hindi pa iyon nauuso. Sabi pa, bakit daw hindi na lang kami maghintay? Na kung babae, e di okey, kung lalaki, e di okey!
Ginamit ko na ang pinakatinatago kong galing sa pag-i-explain. In-apply ko na rin ang natutunan kong “Strategies of Teaching” mula sa kinukuha kong kurso. Pinilit kong ipaintindi sa kanya ang konsepto ng tinatawag na ultrasound. Na hindi lang naman yung kasarian ng sanggol sa sinapupunan ni Misis ang gusto naming malaman. Na gusto lang naming makasigurado kung okey ba yung kinalalagyan ng sanggol. Normal ba? Hindi ba namin kailangang maalarma kung suhi ba o kung ano.
Isang umaalingasaw na “Ah basta hindi! Hindi ako papayag. Walang magaganap na ultrasound. Subukan lang ninyong kontrahin ang kagustuhan ko at isusumpa ko kayo!”
Nanlumo ako sa mga binitawang kataga ni mader. Jusko! Utrasound lang, isusumpa na kaagad? Yan ang nanay ko. OA.
At dahil nga masunurin akong anak at takot na takot kami sa sumpa ay itinuloy namin ang aming plano. Ang alam ko para to sa kapakanan ng bata sa sinapupunan ni Misis. Hindi ito patungkol sa excitement naming mag-asawa. Hindi ito patungkol sa aking nag-kokontrabidang ina. Para to kay baby!
Salamat, dininig ng nasa itaas ang gabi-gabi kong ipinagdarasal na nawa’y normal ang sanggol. Tuwang-tuwa si Misis, babae ang nasa kanyang sinapupunan. At dalawang buwan na lang ay masisilayan na namin ang pinagpawisan naming finish product. Yun oh!

Sunday, April 21, 2013

Confirmed, Hindi Ako Baog!


“Noong binata pa ako, lagi kong ipinagdarasal sa mahabaging maykapal sa kalagitnaan ng pag-wi-withdrawal chenes na nawa’y wag muna akong makabuntis. Kako ay hindi pa ako handa. Noong ako’y magkaasawa, gabi-gabi ko namang pinagrorosaryo na sana’y makabuo na kami ni Misis kahit isa man lang.”
Halos dalawang taon din mula nang ikasal kami ng aking Misis ay hindi pa rin kami makabuo-buo. Dumating sa puntong nagkaroon na ako ng pagdududa sa kakayahan ng tamod ko na makabuo ng kasing kisig kong sanggol. Na-stressed ako. Sino ba naman ang hindi mai-stressed, Ate Charo? Sa gwapo kong ito, napakasayang naman kung hindi ko maikakalat ang naipamanang gandang lahi ng aking tatay di ba?
Dagdag pa riyan ang araw-araw na panunukso ng mga hinayupak kong barkada na ang weak weak ko raw. Isinusumpa ko sila. Malusaw sana ang mga betlog nila! Hindi ko na rin babanggitin ang ibayong pamemressure ng mga magulang ko na nangungulit sa paghingi ng apo. Kung makahingi naman ng apo, aporado.
Buwan-buwan kaming nag-aassume ni Misis nun na sa gabi-gabing (minsan araw-gabi pa nga!) pagniniig namin ay baka nakabuo rin kami. Subalit sa bawat buwan na dadatnan siya ng kanyang regla, katumbas nun ay pagkalagas ng aking bulbol dahil sa pagkalugmok.
Halos mawalan na kami ng pag-asa nun, hanggang sa dumating ang buwan ng kanyang pagdadalantao.
Laking gulat ko nang mag-positive si Misis sa pregnancy test. Na sa halos dalawang taong paghihintay, sa wakas ay nakatsamba rin kami. Muntik na akong mapa-split with kandirit na may kasamang tambling sa kagalakan. Kaya pala nang mga nagdaang Linggo ay laging iritable at tumayms tu ang pagkabungangera, buntis na pala ang gaga!
Gusto ko lang magpayo sa mga mag-asawang hanggang ngayon ay naghihintay pa rin na makabuo, unang-una siguraduhing may matres si Misis. Pangalawa, pakainin ng maraming buko si dyowa, pamparami’t pampalagkit ng semilya. Juk onli. Konteng tiyaga at hintay lang na may kasamang pagdarasal. Sa paghihintay, siyempre wag kalimutan na mas pailabin pa ang sex life. Yun ang importante!
Ngayon, kung tulad ko e tsumamba rin kayo, dapat ay handa tayong mga lalaki sa mga pagbabagong nagaganap at magaganap sa ating partner lalo na sa panahon ng kanilang paglilihi both physical and mental. Narito ang ilan sa mga dapat nating paghandaan:
MORNING SICKNESS - o ang pagduduwal sa umaga. Dinanas ito ni Misis noong nasa unang tatlong buwan siya ng kanyang pagbubuntis. Tuwing umaga, matapos bumangon sa higaan, agad siyang tumatawag ng uwak! Uwaaak! Uwaaak! Suka siya ng suka. But take note, hindi porke’t morning sickness ang tawag e di na nangyayari to sa hapon o sa gabi. Maaari itong mangyari sa buong araw anumang oras at anumang lugar gaya ni Misis na walang patawad. Kahit nasa kasarapan ako ng kainan ay biglang magsusuka.
PANANAKIT NG ULO AT BALAKANG - madalas niya itong inirereklamo. Noong hindi pa namin alam na buntis siya, bwiset na bwiset ako dahil akala ko e nag-iinarte lang siya at gusto lang ng libreng masahe ko.
MADALING MAPAGOD - mas madalas at mabilis siyang mapagod kesa noong wala pa siyang dinadala. Ihinakbang lang ng tatlong hakbang ang mga paa, hapo na agad-agad.
MOODY - ito ang dapat na pinakapaghahandaan natin mga lalaki. Dobleng pasensya ang kailangang ilaan. Dahil sa hormones, karaniwan sa buntis ang maging moody. Minsan masaya, mamaya magagalit. Papunta na sila sa pagkabaliw so pang-unawa ang higit nilang kailangan sa mga panahong ito. Ready tayo na tayo ang laging aawayin ni Misis sa ayaw at sa gusto natin. Tayo kase ang pinaka-convenient nilang kaaway dahil alam nilang tayo ang higit na pinakanakakaunawa sa kalagayan nila. One time nga, binato ako ni Misis ng charger, dahil hindi niya maisuot ang kanyang bra. Sumikip kase dahil lumaki siya. Sa malas ko, ako ang napagdiskitahan.
SENSITIBO SA PAGKAIN - dati rati paboritong paborito ni Misis ang penakbet, itlog at fried chicken. Noong najuntis ang hitad hay naku, kahit amoy nito, isinusumpa.
SENSITIBO SA AMOY - nakakahurt na katotohanan pero ang pinakaayaw ni Misis ay amoy ko noong “lihi stage” niya pa. Minsan nga di ko mapagilang ma-offend dahil sa gabi, ayaw niya akong makaharap o makadikit man lang sa pagtulog. Nakakasuka daw yung amoy ako. Ang totoo siya ang nakakasuka ang amoy dahil halos hindi na siya naliligo. Ayaw na ayaw kaseng makaamoy ng sabon, shampoo, toothpaste o anumang bagay na may kaugnayan sa pagligo. Ayaw niya rin ng cologne at alcohol. Kung noon, wala siyang pakialam kung magka-lung cancer man ako sa paninigarilyo ko, ngayong buntis siya, tangena, para siyang ginagahasa ng limang dyablo sa oras na makaamoy ng sigarilyo.
NAMAMAGANG SUSO - maliit ang suso noon ni Misis, sa katunayan kakailangan ko pa ng magnefying glass bago ko matunton ang kinalalagyan ng boobs niya pero nung mabuntis siya, Jusko mahihiyang lumapit sa kanya si Keanna Reeves.
PANGINGITIM NG PALIGID NG UTONG - self explainatory ito at di na kailangang i-explain. Ang pangit namang idetalye ang pag-itim ng paligid ng utong ng Misis ko.
PAGDEDEMAND NG TILA IMPOSIBLENG BAGAY - ito marahil ang pinakachallenging role bilang asawa ng isang buntis. Kung ano-anong pagkain ang pinabibili. Gusto ng manggang hilaw. Pag nabilhan ng manggang hilaw, nagbago daw ang isip.. Manggang hinog na naman daw n walang buto. Pinya na matamis na matamis. Kailangan yung wala ni konteng asim siyang malasahan. Pati durian na walang tinik, hinahanap din. Kung hindi ka ba naman mabaliw sa paghahanap. Tapos si Misis ang gusto niyan after my class, umuwi daw ako agad-agad sa bahay. Pag-uwi ko naman galing eskwela, jusko ang pambungad na palatuntunan sa akin e bat pa ako umuwi e naaalibadbaran lang daw siya sa amoy ko. Kung hindi lang ayaw kong lumaki ang baby naming walang tatay e magpasagasa na ako sa trak.

Iilan lamang ito sa mga pangkaraniwang pagbabago sa mga nagdadalangtao. Para sa tulad kong first time maging daddy, sa panahong ito, ang pinakamabisa nating sandata ay ang suporta at malawak na pang-unawa para sa ating asawa. Dapat ding mahusay ang pagdedesisyon natin sa lahat ng oras lalo pa’t madaragdagan na ng isang miyembro ang binuong pamilya.
Sa mga dalagang nagnanais maging ina, be ready! Sa mga binata namang may ganyang napapansin sa girlfriend.. Dali magtago ka na. Alam mo na at wag ng magugulat. Ihanda na an lampin. Tatay ka na dre. Apir! Goodluck sa’yo. Goodluck sa akin. Goodluck sa lahat ng magiging tatay!

Saturday, April 20, 2013

Sandaling Kaligayahan


Isang hititan na lamang ang nalalabi sa aking yosi. Pinakawalan ang huling usok sa aking bibig at ilong. Matapos ay itinapon ang upos na may baga pa. Sinundan ko ng tingin ang guhit ng baga sa dilim na nang bumagsak sa lupa ay mistulang mga alitaptap na kumukuti-kutitap sa gitna ng kadiliman habang ang matalik kong kaibigan na kanina pa nasa aking harapan ay tinapakan ang munting baga mula sa upos ng sigarilyong iwinaksi ko. Di pa rin siya natitinag sa patuloy na pag-aalok sa akin ng kulay puting pulbos na tila pinong asin o tawas.
“Sige na pare! Subukan mo lang! Isang beses lang naman. Wala namang mawawala eh!”
Kitang-kita ko sa kanyang nanlalamlam at namumulang mga mata ang ibayong pangungumbinsi. Banaag din sa kanyang payat na payat na katawan ang sigasig na alukin ako. Agad na rumihistro sa aking diwa ang huling binitawan niyang litanya— “wala namang mawawala eh!” Sa mga katagang iyon, gusto kong mainis. Sa kabilang banda, gusto ko ring matawa. Pero sinarili ko na lamang iyon. “Anong walang mawawala? Putang ina.” Di ko maiwasang magmura. “Kung patatangay ako sa alok mo, sigurado akong maraming mawawala. Ang totoo, pwedeng mawala ang lahat— ang lahat ng pangarap ko, ang magandang kinabukasan. Kung patatangay ako ngayon, mas mahihirapan akong humindi sa hinaharap!” sa isip-isip ko.
“Isang beses lang naman..” pagpapatuloy niya.
“Pare, ayoko talaga. Baka hindi ko makontrol! Baka hanap-hanapin ng katawan ko tapos ay ikabaliw ko.”
“Sus! Makokontrol mo to! Kaw pa?!” tapos ay itinaas ang bagay na kanina pa iniaalok sa akin at ngumiti na tila ba nanunukso..
Nakakapang-asar ang ngiting iyon pati na rin ang kanyang pagkakasabi ng“kaw pa?!”
Naalala ko, siya rin ang unang nag-alok sa akin ng isang stick ng sigarilyo. Sa una, naubo pa ako. Matapos ang ilang sunod-sunod na hithit ay nagustuhan. Naging lifestyle. Hanggang sa mahirap na ngang itigil.
Ilang beses na niya akong inalok nitong mahiwagang butil na hawak-hawak niya. Ilang beses na rin akong tumanggi. Sa unang pag-alok niya, inaamin kong nag-aalinlangan din akong tumanggi. Takot kase akong biguin ang sinuman sa aking mga kaibigan. Ayokong mabansagang walang pakisama. Pero naisip ko na kung magpapatangay ako, sino pa ang bibiguin ko? — Ang mga taong nagmamahal sa akin. At higit sa lahat, ang aking sarili. Ayokong magkatotoo ang itinanim ng aking mga kamag-anak sa aking murang isipan noon na magiging tulad din ako ng aking tatay na sugapa pagdating na araw. Kaya minaniobra ko na ang aking maagang pagpapasiya bago pa man dumating araw na iyon, na kanilang sinasabi. Noon pa man, tapat na akong nangako sa aking sarili na aayawan ko ang bagay na tulad nitong iniaalok sa akin ng isang kaibigan. Noon pa man, inipon ko na ang buong lakas ng loob na humindi sakali mang may mag-alok nito.
“Salamat na lang pare! Pero hindi talaga!” Matigas ang pagkakabitaw ko ng pagtangging iyon. Bakas na ang pagkayamot sa boses. Di tulad dati, sa pagkakasabi ko nun ay hindi na ako nag-alalang baka may isang matalik na kaibigang magdamdam at magalit. Na baka may isang matalik na kaibigang magsabing wala akong pakisama. Pero kung sakaling magdamdam nga siya at magalit, desisyon niya iyon. At desisyon ko ring panatilihing huwag gumawa ng isang bagay na pwede kong pagsisihan sa bandang huli.
Salamat at hindi na siya nangulit pa. Sa halip ay umalis na lamang na bigo sa pangungumbinse. At ako nama’y naiwang wagi. Wagi pa rin sa paulit-ulit na pagtanggi sa isang desisyon na pwedeng magpabago sa mga haharapin kong bukas..
Kahit saang anggulo ay tama ang pagtangging ginawa ko dahil netong mga nakaraang araw lang, isa na namang biktima ang naging bayolente. Isa na namang biktima ang nawala sa sarili’t nasira ang ulo. Isa na namang biktimang ang personalidad at ugali ay naging alipin ng dyablo.
Ilan pa kayang biktima ang makakarinig at makakakita ng mga bagay na hindi naman naririnig o nakikita ng iba?
Ilan pa kayang biktima ang magkakaroon ng komplikasyon sa utak, puso at iba pang bahagi ng katawan?
Ilan pa kayang biktima ang magiging lito?
Ilan pa kayang biktima ang magiging sugapa?
Ilan pa kayang biktima ang masisira ang kinabukasan?
At ilan pa kayang biktima ang magpapaunlak sa paanyaya ng isang kaibigan?
Wala akong ideya. Ang tanging alam ko lang, hindi ako mapapabilang sa mga nagpatangay sa alok na SHABU ng isang nagkukunwaring kaibigan. Hindi ako maiengganyong sumubok sa sandaling kaligayahan na ang sukli ay pagkasira ng kinabukasan.

Friday, April 19, 2013

Pinoy Chants


Kanina ay napatungo ako sa isang internet cafĂ© para umorder ng kape magpa-print ng sangkatirbang final requirements sa major subject ko. Hindi ako makasingit dahil napakarami ang nagrerentang customers. Karamihan bata. Naglalaro ng kung anong computer game ay wala akong ideya. Malay ko ba? Sa tanda kong ito, si Super Mario lang ang tanging kilala kong laro sa computer. Habang tinitingnan ko ang mga batang ito na halos hindi maialis ang mga mata sa screen ng computer, nasabi ko sa aking sarili na noong mga kasing-edad ko sila ay libre ang laro namin. Na applicable pa ang mga katagang “BEST THINGS IN LIFE ARE FREE.” Noon, kami ang naglalaro ng mga laro. Ngayon, ang mga kabataan na ang pinaglalaruan ng mga laro. Ngayon, ang mga bata, kapag walang pera, hindi makapaglalaro dahil hindi na nga libre ang mga larong alam nila.
Napabuntong-hininga ako. Napailing. Napatingin sa kawalan. Andami ko na namang naaalala— yung mga kalaro kong sipunin. Yung mga nakabuyangyang na pukelya at kumakalembang na mga betlog habang naghahabulan kami sa may ilog. Ang bawat laro namin mismo. Natawa ako at napansin ko ang tagabantay ng internet shop na nag-panic ng bahagya. Akala ata takas ako sa mental. Nakakatawa dahil karamihan sa mga laro namin noon, may kasamang kanta o CHANTS. At ngayon ko lang napagtatatanto na ang mga chants na iyon ay literal na walang kakwenta-kwenta. Tipong kung ano-ano na lang. Ang importante may rhyme sa dulo. Narito ang ilan sa mga chants na sobrang linaw pa sa aking balintataw. Chos..
Bombero, bombero may sunog.
Saan, saan?
Sa tindahan.
Kinagat ako ng puting aso.
Dinala ako sa ospital.
Tinanong ako ng 1+1.
1+1, wonderwoman.
2+2, lapulapu.
3+3, christmas tree.
4+4, volleyball.
5+5, voltes 5.
6+6, 6 million.
7+7, 7-up.
8+8, chocolate.
9+9, lucky 9.
10+10, masarap ang ovaltine..
—oh diba? Pak na pak sa kakornihan. At maha-highblood ang mga Math teachers nito. But wait there’s more, ituloy natin ang kakornihan dahil may karugtong pa ang chants na iyan..
Saan ka pupunta?
Sa Maynila.
Anong dala mo?
Maleta.
Anong laman nyan?
Gitara.
Patugtugin mo nga?
Timpalok, timpalok, tae ng manok.
—okey na sana e, bigla lang bumantot sa last part. Hanggang ngayon, di pa rin kayang i-absorb ng brain cells ko kung ano ang kaugnayan ng tae ng manok sa timpalok. Ni hindi nga masagot ng google kung ano ang timpalok na iyan.
May mga chants din noon na kung maririnig lang ng walang kasing-galang na si Grace Poe ay ika-ko-komatos dahil sa mga mensahe nitong nakakapanindig pubic-hair. Rated SPG dahil may maseselan itong tema. Karahasan, droga, lengwahe, sekswal at horror. Maaaring hindi angkop sa mga batang kumakanta. Pero wa pa kaming paki jan dati. Unang-una, hindi pa uso nun ang MTRCB. 
Magsimula tayo sa temang karahasan. Narito..
Langit, lupa, im-impiyerno.
Im-im-impiyerno.
Saksak puso, tulo ang dugo.
Patay! Buhay!
Umalis ka jan, sa pwesto mo!
—nung kapanahunan ko, sino ba ang hindi nakakaalam ng napakamasalimuot at napakabrutal na chant na iyan?
Ngayon ay magmove-on tayo sa karahasan at punta tayo sa temang sekswal. Narito..
Si Nena ay bata pa..
Anong sabi niya ay um-ah, um-ah-ah! (with matching action pa yan na nagpapadede.)
Si Nena ay dalaga na..
Anong sabi niya ay um-ah, um-ah-ah!—
—at hanggang sa patanda na ng patanda na ang batang si Nena. Siyempre palandi rin ng palandi ang chant. Magtatapos sa “Si Nena ay aswang na, anong sabi niya ay um-ah, um-ah-ah!” At biglang maggugulatan ang naglalaro. So, hindi lang pala may temang sekswal itey.. Pasok pa sa banga ng temang horror.
One, two, three..
Asawa ni Marie,
Araw-gabi walang panty!
—Jusko, di ba pwedeng MWF o TTH na lang na walang panty si Marie? Araw-gabi talaga?
Sabihin mo sa ate mo break na kami.
Nakita ko ang Panty niya ganun kalaki. (I-a-action kung gaano kalaki ang panty ni ate.)
May butas sa gitna.
Pinasukan ng daga.
Ang sabi ng daga hmmm baho!!!
—teh, kahit sino namang maging boyfriend mo, ibi-break ka kung pati daga nagawang magsalita dahil sa sangsang ng malaki mong panty. Cruelty to animal din ito.
At ito ang pinakamatindi..
Pokpok sa plaza, singko-singko lang!
Pwede ng two-fifty, amoy-amoy lang.
—ang mura hah. Malayo ang mararating ng singko mo.
Punta naman tayo sa temang droga..
Shabung, marijuana.. Makapula ng mata.
Makatrip ng dalaga.
Maka-ana-ana pa!
—sa lahat ng chants, ito pinakapaborito ko. Bukod sa dati akong drug adik ay relate na relate rin ako sa part na “maka-ana-ana pa!” Alam na.
Natural na sa mga bata ang mang-asar kaya napakaraming chants noon na lakas makapang-asar na madalas ay pagsimulan pa ng away.. Narito..
Ang kapal ng mukha.
Di na nahiya.
Dapat sayo, pasabugin ang mukha.
Ulo-ulo lang, di kasali katawan.
Kung kasali katawan, sabog pati laman.
Wow Seksi!
Katawang body.
Pagsakay sa taxi, umutot grabeh!
—speaking of utot. Noon pag may nagpakalawa ng masamang hangin sa mga kalaro mo, awtomatiko ang chant na..
Bantot, bantot, sino ang nakautot. (ituturo)
Totoo ba na si *insert pangalan ng naituro here*
Oo.
Isa ka labador ang kanyang ipot!
—ang huling naituro ang salarin. Guilty or not guilty siya ang umutot.. Safe ang tunay na nagpakawala ng masamang hangin.
May mga chants naman na parang bunga lang ng pagsinghot ng katol ang pagkaka-compose nito.. Parang nagtitrip lang. Halimbawa..
Mangga, mangga hinog ka na ba?
Oo, oo, hinig na ako.
Kung hinog ka na ay umalis ka na!
—oh diba? Lokohan lang. At kaylan pa natutong magsalita ang Mangga?
Tatlong bundok, masyadong mapula.
Hulugan niyo kami ng tatlong reyna.
Isa si Vilma.
Isa si Corazon.
Ang pangatlo ay si Baby Flores.
Si Baby Flores ay niligawan.
Niligawan ni Francisco.
Walang gagalaw.
Sinong gagalaw ay siya’y bakulaw.
Sinong tatayo ay siya’y kabayo.
Sinong ngingiti ay siya’y paniki.
Sinong bibika ay siya’y palaka.
—may involvement talaga sina Vilma, Corazon at Baby Flores. At bigti mode on ka na lang pagkatapos ng chant na ito dahil parang wala ka namang pupuntahan. Pag ngumiti yung kalaro mo, sasabihin mong.. “Yay! Paniki. Ahhh. Paniki!” tapos sasagot yung kalaro mo na “Kesa naman sa’yo Bakulaw. Yay bakulaw! Bakulaw! Bakulaw!” Hanggang sa maghahampasan na. At ang simpleng laro mauuwi sa patayan. Joke. Away lang..
Ito ang mga panahong hindi pa uso ang batang chubby. Mga panahong, kabataan pa ang nauuso at hindi katabaan. Hindi pa uso ang computer, PSP, iPhone, iPod, iPad at kung anek-anek pa! Mga chants pa ang nauuso. At taas-noo kong ipinagmamalaki ang kinamulatan kong henerasyon. Makulay at napakasaya. Nakakaawa lang para sa mga kabataang hindi nasilayan ang tradisyon ng mga kabataang Pinoy noon. Nakalulungkot na nilamon ng makabagong teknolohiya ang karapatan ng bawat batang Pilipino na maintindihan ang tunay na kahulugan ng paglalaro— na hindi kailangang magbayad para sumaya. Na kahit sa isang walang kwentang chant, pwede ka ng tawaging bata..

Thursday, April 18, 2013

"Dalawang dekada ka lang mag-aaral. Kung di mo pagtitiyagaan, limang dekada ng kahirapan ang kapalit. Sobrang lugi."


Hay salamat! Sa wakas natapos din ang Final Exam. Maipapahingang muli ang sumasakit kong utak na pang-genius. Nairaos na naman ang isa pang semester.
Inpeyrnes hah, kahit candidate ako for Summa Cum Laude (chos!) naging madugo para akin yung exam sa Philosophy. Ang totoo, napakadali lang niya— iyon ay kung nagbasa o nakinig ako nung mga sandaling tinatalakay ito ni Maam. E sa hindi ako nakinig dahil nung tinalakay ito, nasa sulok ako ng klase at nagtitikol. Hindi rin ako nag-review. You know naman kaming mga may talinong di mo inaasahan, hindi na kailangang mag-review dahil stocked knowledge ang aming tanging panlaban. Magtitirik na lang ako ng kandila, na sa pangalan ng bagong Santo Papa Francis, nawa’y tama ang mga pinagsasabi ko dun sa explaination. Na sana hindi ma-offend si Maam sa mga naisagot ko. Na mabigyan man lang ng kahit konteng puntos ang mga pinagsusususulat ko para kahit paano’y mabigyan ng hustisya ang Pilot ballpen na kabibili lamang. Ang haba kaya ng mga isinagot ko. Kako, baka sa aking milyong pinagsusulat, may isa man lang na tsumamba. Ayun, at pagkatapos kung sumagot, nagpatawag ako ng Red Cross dahil kinailangan ko ng blood transfusion dahil sa sobrang pag-iininglis. Tangena.
Sa kabillang banda, habang itinatype ko ito, gustong dumanak ng luha sa earth. Sumi-senti kase ako. Alam mo yung ngayon pa lang, namimiss mo yung mga hampaslupa mong kaklase. Hindi rin kase ako sigurado kong maipagpapatuloy ko pa pag-aaral ko sa susunod na semester. Dahil mag-aartista na ako. Joke lang. Ang totoo nito, yung inaasahan kong magpapaaral sa akin, si tatay, uuwi na ng Pilipinas. Pero positibibo pa rin naman ako. Ang dami pang pwedeng mangyari. Malay mo, may mag-sponsor ng pag-aaral ko.. Si Willie Revillame. O makakuha pa ng ibang trabaho dito si tatay. Fingers in pussy Crossed!
Cut muna sa kasentihan. Kani-kanina nga pala ay nag-Cholo-Cholohan ako. Feeling ko talaga, sinaniban ako ng kaluluwa ni Cholo ng koreanobelangStairway To Heaven. Why not? Hindi naman nagkakalayo itsura namin. Medyo maputi lang siya at matangkad. Bukod dun, wala na siyang nailamang, pag nakatalikod ang TV. Sa paglalakbay ko sa buong paaralan gamit ang bike, naisip ko na ang swerte ko pa rin. Binigyan ng pagkakataong makapag-aral. Na milyong-milyong tao sa buong mundo ang niloloko at niyuyurakan ang pagkatao dahil sa walang pinag-aralan. Heto ako, nasa kolehiyo. Wala mang kasiguraduhang maipagpapatuloy ko sa susunod na semester ang pag-aaral ko, alam kong maswerte pa rin ako. Napatingin ako sa langit at nagwikang“Salamat!” tapos ay napaluha..

..bumangga kase ang minamaneho kong bike sa isang malaking puno.

Tuesday, April 16, 2013

Muli


Natapos muli ang delubyong dala ng pakikipagbuno sa bawat eksamen.
Natapos muli ang buwanang pakikipagtuos sa gurong animoy matanglawin.
Makakapagpahingang muli ang mga estudyanteng pilit dumideskarte.
Naitawid kaya ng ilan ang sikretong pilit ikinubli sa mga matang tumitimbre?
Mapipinid muli ang larong kawangis ng pamomolitika..
Mahuhusgaang muli ang mga lumaban ng patas at ang medyo tumagilid na.


Hay sa wakas, maipapahinga na rin ang mga matang nagrereklamo.
Ang sumasabog na utak na gustong mag-alburoto.
Wala na namang puyatan.
Pwede uling magpapetiks-petiks sa haharaping larangan.
Hinto na muna sa pagbuklat ng pahinang may kahabaan..
Pahinga muna sa pilit na pagmememorya ng mga teoryang minsa’y nakakamangmang.
Kakalimutan muna ang matataas na gradong batayan ng mundong ginagalawan.
At saglit na makikipagbiruan na tila ba malayo sa katotohanan.
Makakapag-ipong muli ng lakas ang buong katawan..
Upang makapaghanda sa susunod na buwan..

Sunday, April 14, 2013

"Hindi Ako Lasing, Nakainom Lang!"

..ang paborito kung litanya pag naparami ang inom. Ang kapal lang ng babagtingang-tinig kong sabihin ang bagay na iyan. Hindi daw lasing? Tangina. E malinaw pa sa ilaw ng meralco.. Ngiwing-ngiwi na ang bibig ko na may kasama pang pagtulo ng laway. Pautal-pautal. Pasuray-suray. Pulang-pula at ang mga mata’y naniningkit dahil sa likido ng alak na dumadaloy sa mga ugat ko. Iyon ba ang hindi lasing? Ganun nga marahil ang konsepto ng lasing. Kaya mong aminin ang lahat. Maliban sa bagay na wala kang lakas ng loob na sabihing lasing ka.

“Hindi ako lasing, nakainom lang!”

Kompirmado. Iyan at iyan ang isasagot ko pag sinabi mong ”..lasing ka lang.”

Wag mo ring itanong kung lasing ako o ano, panigurado, sasagutin kita ng walang kamatayang—

“Hindi ako lasing, nakainom lang!”

Sa aking mahal na asawa, pagpasensyahan mo sana ako, minsan inaakala kung ako si Baron Geisler na sinasaniban ng diyablo pag nasobrahan ng alkohol. Minsan lang naman. Huwag mo na muna akong kausapin hanggat maaari. Ipagpabukas mo na lang pag humupa na ang tama ko. Mahihimasmasan din ako. Dalawang bagay lang naman kase ang patutunguhan kung sakaling pinagalitan mo ako dahil hindi ko kinontrol ang pag-inom— away o gulo. At alam mong hindi ako basta-basta nagpapatalo. Pag hindi ka naman sumagot, di pa rin ako titigil dahil ayaw kong wala kang laban. Ang sweet ko noh? Intindihin mo na lang. Aaminin ko namang lasing talaga ako pag hindi na ako lasing.

Sa mga kainuman ko, pasensya kung bigla akong nagtatanga-tangahan. Pero aminin niyo mas nakakausap ako nang matino dahil kaya kung sagutin lahat ng nakakabobo ninyong tanong na may kasama pang trivia. Andami niyo tuloy natutunan sa akin. Ewan ko ba? Nagiging genius ako bigla pag nagsimula ng sumipa ang alak.

Pasensya na rin pag nang-aagaw ako ng mikropono kahit hindi naman sa akin yung kanta. Pakiramdam ko kase ang ganda-ganda ng boses ko kaya trip kong mag-concert. Ilista niyo na lang kung ilang kanta ang inagaw ko at babayaran ko ang hinulog niyong tokens sa videoke machine.
Pasensya na talaga. Tanga-tangahan lang lalo na kung ang trip ko ay magtalambuhay. Magdadrama. Magkukwento tapos magsusuka. At magdadrama ulit. Wag kase kayong magbukas ng paksang kadramahan. Namo-motivate ako.

Pasensya na rin kung ang tigas ng tae kong ipilit na kaya ko pang magmaneho pauwi. Please lang sa susunod wag kayong mapagod na mag-eport ulit na agawin ang susi at kayo na ang magmaneho para sa akin. Hindi pa ready si Misis na mag-claim ng insurance. Hindi niya pa kaya.

Pasensya na sa lahat ng hinamon ko ng away. Parang awa niyo na, wag niyo akong patulan. Mahal magpapustiso. Pangmodel lang ang katawan ko at hindi pandigmaan. Intindihin niyo na lang ako. Pasensya na talaga. Mabait naman ako pag hindi nasobrahan di ba?
Higit sa lahat, pasensya na sa lahat ng nilandi ko habang lango much sa alak. Pasensya po talaga. Pakiramdam ko kase Adonis ako sa kagwapuhan at lahat ng tao kasama na pati hayop ay kaya kong landiin. Muntik na tuloy akong mamolestiya ng isang bading. Utang na loob, wag niyo akong isumbong sa asawa ko.

Saturday, April 13, 2013

Ang Sarap Sarap Magbasketball!

Basketball is a popular sport indeed that almost every country in Asia, Europe & USA play this. It is the most played outdoors along the streets. Yehey! Naka-inglis ako.

Pero paano kung hindi ako marunong mag-basketball? Magsisitaasan ba ang mga ahit nyong kilay at sasabihing bakla aketch? Oo, inaamin ko, wala akong hilig sa basketball. Wala rin akong balak na matuto. Mali atang paratangan akong bakla, dahil dito. Napakababa naman ng basehan ng sekswalidad. Bakla agad?

Hindi ba pwedeng iba-iba lang talaga ang hilig ng tao? Na nagkataon lang na di talaga ako sporty slash sports minded na tao? Na nagkataon lang na gwapo lang ako at matangkad pero hindi marunong mag-basketball. Na pagsusulat lang talaga ang alam ko?

Nakakainis, when other people see you as miserable compared to those who play the game. Hurts further when your own family is taunting you because of that. My dad is a basketball player napapa-inglis talaga ako pag naiinis. Kaya nga gusto kong mainis maya’t maya. Yehey ulet. kaya nga minsan pine-pressure niya akong mag-basketball. But hell no! Ayaw kong ipahiya ang sarili ko sa bagay na wala naman akong hilig. Ang mga tao pa naman mapanghusga. May konteng mali lang sa pagdribol mo ng bola, magpapalakpakan na agad ang mga buhok sa kili-kili. At bubulwak na agad ang kanilang pituitary glands sa pagkutya. Hay naku! Magja-jackstone na lang ako.

Hindi naman ako yung tipong pag papasahan ng bola e biglang matatakot na may kasamang pandidiri ala Bibi Gandanghari. Marunong akong humawak ng bola.

Isang araw, tinanong ko ang aking asawa. Lubos kase akong nabagabag nung nakaraang intrams namin dahil sa aming magbabarkada, ako lang iyong hindi naglaro ng basketball.

“Hon, okey lang ba na hindi ako marunong mag-basketball?”

“Okey lang yun. Marami pa namang ibang sports jan na pwede mong laruin. Maglaro ka na lang ng iba.”

Nanghina ako sa kanyang sagot. Wala naman talaga akong ibang sport na alam maliban sa golf. Chos. Pangmayaman. Baka bigla kaming mamulubi pag kinarer ko.

Nahalata niya na bigla akong nabalisa kaya sinubukan niyang bumawi..

“Ano ka ba hon? Okey lang kahit wala ka talagang alam sa paglalaro ng basketball o kahit na anong sports pa jan. Okey lang yun, as long as you know the basics in basketball both in theory and in actual.”

At tuluyan na akong nanlumo sa kanyang mga litanya. Wala talaga akong kaalam-alam sa basketball both theory and in actual syit. Nangilid ang mga luha ko at bigla ay napahagulgol. Moral support naman si Misis.

“Hon it’s ok. Hindi iyon big deal. Kalma lang. Basta alam mo yung ibang klase ng basketball, yung shoot bago magdribol. Solved na ko dun. Lalaking lalaki ka para sa akin. Lika na nga at mag-basketball na tayo at nang makarami.”

At nag-basketball kami. 3 rounds.