Showing posts with label DAiNG. SUHESTiYON. OPiNYON. Show all posts
Showing posts with label DAiNG. SUHESTiYON. OPiNYON. Show all posts

Monday, July 22, 2013

Naniniwala Ka Ba Sa Sign?

Naniniwala ka ba sa pangitain? O sa mas pamilyar na terminong SIGNS? Ito yung magsasabi sa’yong maaaring posible ang imposible. Halimbawa’y sinabi mong  kapag umulan ng snow sa Tugegarao sa katanghaliang tapat ay karapat-dapat sa iyo ang lalaking kasasagot mo pa lang kaya agad-agad ay aalukin mo ng kasal. O kaya’y nag-aalinlangan ka sa isang bagay kaya sinambit mong hindi mo na iyon gagawin kapag nakasalubong ka ng pink na aso na may violet na buntot.
Signs. Ito yung bagay na magbibigay sa’yo ng sandamakmak na pag-asang may magandang mangyayari.
Napakadali lang ang humingi ng signs. Ang mahirap na parte ay kung magtalo ang ang puso mo at ang mga pangitaing nakikita mo. Saan ka kaya lulugar? Alin ang susundin mo? Ang bulong ng iyong puso? O ang dikta ng mga pangitaing binibigay sa’yo?
Alam mong maaari kang masaktan sakaling di matupad ang bagay na minsan mong hiniling kaakibat ng sign na iyon. Darating at darating ka sa puntong mapapatanong ka—- “God, bakit? Hindi ba talaga nakalaan para sa akin iyon?"
Naniniwala ako sa signs. Noong Sabado lang ay humiling ako nito—- "Kapag umulan mamayang alas tres, dadalo ako sa aming Acquaintance Party nang naka-boots para may maiuwi akong titulo." At pagsapit ng itinakda kong oras, umulan nga ng napakalakas. Sa katunayan, umapaw ang tubig sa katabi naming sapa. Bumaha sa amin. Grabeng sign naman ang ibinigay sa akin, papunta na sa delubyo.
Gaya nga ng hiniling ko, sinuot ko ang pamatay na botas ni tatay na tatlong oras ko ring pinakintab. Pamatay dahil napakabigat nito (at napakabaho pa. Si tatay talaga, ang baho ng paa.) Tipong halos hindi ako makahakbang. Pakiramdam ko nga, napilay ang aking magkabilang paa. Tiis-Gandang Lalaki ang drama ko sa buong party.
Pagdating ko sa venue, halos lahat ng mata ng hinayupak kong schoolmates, nakatutok sa aking suot na botas. Ayos! Matutupad ang ipinanalangin kong mag-uwi ng kahit isang award wag lang ang Mr. Early Bird. (Ang dyahe kayang tanggapin ng sash na iyon, hindi kakisigan ang puhunan.)
Moment of truth, i-aanounce ang 20 nominees  ng mga nag-outstand sa Party na iyon. Ramdam ko, isa ako sa mga tatawagin. Ramdam kong ako ang Mr. Headturner. Iyon din ang narinig ko sa mga bulung-bulungan ng mga dumalo. Pasimple akong nagpunas ng mukha sa isang sulok bilang paghahanda sa pagsasabit sa akin ng sash. Nang tinawag ang first ten, ngiting-ngiti pa ako, abot lampas tenga. Habang parami na ng parami ang tinatawag, pakonte ng pakonte rin ang ang ngiti ko. Hanggang sa natawag na ang twenty. Hindi ko narinig ang aking pangalan. Ang saklap. Para akong pinagkaisahan.
Napag-alaman kong kasali dapat ako sa nominees kung hindi lang dahil sa aking pamatay na botas. Hindi daw iyon pasok sa kriterya o anumang kasyitan. Di daw kase pormal. Anong hindi? hindi ba nila alam na doon sa amin sa Newyork, nag-bo-boots talaga kami kahit naka-amerikana. Medyo katutubo silang mga judges. Mga walang alam sa fashion. Pwe! Putangina nila!
Yung ipinanalangin kong magka-award ako, bokya. Yung nakita kong sign, hindi nagkatotoo. umuwi akong umasa. Umuwi akong bigo. Umuwi akong luhaan nang gabing iyon. At nang gabi ring iyon, pormal ko ng idineklara na kailanma’y di na ako maniniwala sa mga signs signs na yan! Fuck me! Ang drama ko!

Monday, April 29, 2013

Na-Janine Tugonon Ka Ba? Bumawi Ka, I-Undertaker Mo!

“One lesson in life that women can teach men is being sensitive. We all know that men are logical when it comes to decisions. They are usually more rational and straightforward. Unlike women, we use our heart and we tend to get emotional in some our decisions. Sensitivy is something we, women can teach to men.” - Ariella Arida

Napakamalaman ng kasagutan na ito ni Ariella Arida sa Q & A portion nitong kararaan lang na Bb. Pilipinas.. Bawat kataga, totoo. Kaya nga, gusto ko itong iukit sa bato tapos ay ingudngod sa muntik-lang-gumanda na pagmumukha ni Janine Tugunon.

Atin itong himay-himayin.

One lesson in life that women can teach to men is being sensitive..

Tama, hindi nga ba’t ang kababaihan ay mas hirap sa pagdedesisyon dahil ang higit nilang pinananaig sa anumang bagay ay ang kanilang puso? Subalit, wala ata sa bokabularyo mo Ms. Tugunon ang salitang “sensitive”. Damang dama ko ang pagkadurog ng puso ng iyong ex-boyfriend. Saksak-puso-tulo-ang­-dugo, ganun na ganun noong pagmukhain mo siyang tanga de bobo sa milyon-milyong manonood ng Kris TV.
Kailanma’y di ako naging mapanghusga. Pero sa ginawa mong iyon, napamura ako nang abot hanggang langit. Kahusga-husga nga naman di ba? Kaya wag na wag mo kaming sisihin kong magtayo kami ng kulto para isumpa’t kulamin ka. Nakikisimpatya lang kami sa kahihiyang pinaranas mo sa iyong ex-boyfriend. Di ka naman namin tinatanggalan ng karapatang kiligin. K. mo yun! Pero wow ha! On national TV na kasama ang iyong boyfriend? Umarte kang parang tigang na sinisilaban ang pukelya dahil sa bagong inspirasyong bokalista ng “The Script”. Taas na kamay ko sa’yo. Ikaw na. Pwede ka ng mamuno sa isang samahan. Samahan ng Malalanding Nilalang. Ikaw ang presidente. Gawin mong vice si Maja Salvador at sekretarya si Cristine Reyes para kompleto ang casting.

We all know that men are logical when it comes to decision. They are usually more rational and straightforward.

Oo, talagang ikaw na talaga. Ikaw na ang pinaka-logical ng henerasyon. Ikaw na ang pinaka-rational. Pati pinaka-straightforwa­rd ikaw na rin. Di ka na nagtira. Pinakyaw mo na ang lahat ng titulo.
Nanood lang ng concert ng bandang “The Script”, Jinanine Tugonon na agad ang jowa. Ngayon ay di na matitikman ni ex ang tinola? Bakit dahil ba sa tingin mo’y mas mahusay mag-Mang Kanor ang foreigner? Anak ng tinola nga naman oh, sarap mong i-Undertaker.

Unlike women, we use our hearts and we tend to get emotional in some of our decisions. Sensitivity is something that women can teach to men.

Kabaliktaran ito sa iyong inasal. Asan dun ang puso mo? Di mo man lang inalintana na may emosyon kang madudurog. Asan na yung sinabi mong di mo siya ipagpapalit sa kahit na sino? Kahit na sino? The Script pa lang nga, laglag-panty na agad. Ngayon ko lang naisip na para sa’yo pala talaga ang kanta ng salbakuta— “basta gwapo ang guy, maaga kang bumibigay.”
Maiintindihan ka naman sana namin kung hindi mo ginawa sa ganong paraan. Tanggap namin na may mga relasyon talagang di nagtatagal. Sabi nga ng iyong tagasuporta, personal life mo yun. Di na dapat namin pakialaman. Pero ginawa mo siya sa harap ng publiko. At ang anumang bagay na ginawa sa harap ng publiko ay wala ka ng karapatan na personalin ito..

Minahal ka namin Janine. Minsan ka naming pinalakpakan. Kasama mo kaming nakipaglaban. Kasama mo kaming nagdasal.  Pero iyong huling ginawa mo, maling mali..

Sunday, April 28, 2013

Sampung Payo Sa Mga Bigo

Inilabas na ang resulta ng LET (Licensure Examination for Teacher) na ginanap noong Marso, taong kasalukuyan. Sa 75, 610 na kumuha ng nasabing pagsusulit, 25, 533 ang pumasa.

May mga nagbunyi sa natamong napakalaking tagumpay. May mga takot na napalitan ng galak. May mga dasal na dininig. May mga napaiyak sa lubos na katuwaan. Marami na namang pangarap ang natupad.

Sa kabilang banda, mas maraming luha ng kabiguan ang dumanak. Mas maraming pananabik ang humantong sa pagkalugmok. Mas maraming bilang ang napatanong-- "bakit hindi pinakinggan ang gabi-gabi kong panalangin?"

Natural lamang ang pakiramdam na masaktan sa natamong kabiguan. Subalit huwag hayaan na tuluyan kang ilugmok ng sakit na iyan. Natural lamang ang matakot sa pwedeng maging resulta ng paglagpak sa board exam. Ang hindi natural ay ang tuluyan kang lamunin ng takot na ito.

Hindi ko pa naranasan ang sumabak sa pagsusulit na iyan ngunit bilang isang ordinaryong nilalang ng Diyos, alam ko ang pakiramdam na mabigo.

At narito po ang personal kong maipapayo sa 75, 610 na nabigo sa LET exam. Bagamat wala sa larangan, nakasisiguro ako na makakatulong ito sa pagpapanumbalik ng inyong nawalang tiwala sa sarili.

1. Hindi ka itatakwil ng iyong mga magulang.

Magulang din ako at hindi ko kailanman itatakwil ang aking anak anumang pagsubok ang hindi niya pasahan. Huwag isiping itatakwil ka nila dahil ikaw ay bumagsak. Laging tandaan na ang pamilya ang unang-una nandyan at nakasuporta sa tagumpay man o kabiguan.


2. Huwag mahiya sa sasabihin ng ibang tao.

Anumang negatibong bagay ang marinig mo mula sa ibang tao, ipagkibit-balikat na tlamang ito. Unang-una, ala silang ideya sa kung anong madugong review ng pinagdaanan mo. Mas mahalaga pa rin ang karakter kesa reputasyon.


3. Hindi ka pagtatawanan ng mga "tunay" mong kaibigan.

Kung sakaling may isa sa mga kaibigan mo ang nam-bully. Marapat lamang na simulan mo na itong iwasan. Isa lang kase ang ibig sabihin nun, hindi siya isang tunay na kaibigan. Nakasisiguro akong dadamayan ka ng mga tunay mong kaibigan.


4. Hindi porke't hindi ka pumasa ay bobo ka na.

Karamihan sa pinakamatagumpay na nilalang sa buong mundo ay minsan ding dumanas ng matinding kabiguan. Si Michael Jordan halimbawa. Ang itinuturing na pinakamagaling sa kasaysayan ng basketball ay minsang tinanggal sa kanilang varsity team noong siya'y highschool. Si Albert Einstein, sinasabi ng kanyang mga guro noon na wala siyang mararating. Ano siya ngayon? Di ba nga'y napakalaki ng naiambag niya sa larangan ng siyensya. Hindi ko na ilalahad ang minsan na ding dinanas ni Bill Gates. Tandaan, walang taong bobo!


5. Maraming ibang dahilan kung bakit hindi ka pumasa.

Huwag isiping nagkulang ka sa pag-re-review dahil naniniwala akong walang sundalo ang sasabak sa giyera ang hindi nagsanay at naghanda. Maaaring may teknikal na rason-- may mali sa pag-shade mo, nabasa ang papel mo at hindi tinanggap ng machine, set A ang nasagutan mo pero naisama sa set B ang papel mo. Maaari ding kinabahan ka lamang at na-mental blocked.


6. Huwag mawalan ng pag-asa.

Ang karera ay may dalawang hangganan, ang "start" at ang "finish line". Ang higit na mahalaga ay ang "finish line". Kapag ikaw ay huminto sa pagtakbo, iyon ang oras na ikaw ay ganap ng talo. Kung gusto mong manalo sa laban, wag kang hihinto at magpatuloy sa karera. Magsisilbi iyang pundasyon ng iyong tagumpay. Huwag mawalan ng pag-asa. Huwag mong hayaan na-- ang isa, dalawa, tatlo o higit pang paglagpak sa board exam --na diktahan ang iyong buhay. The golden rule here is "take lang ng take."


7. Mas maraming bumabagsak kesa pumapasa.

Hindi ka nag-iisa. Lalong hindi katapusan ng mundo kapag ikaw ay hindi pumasa. Normal lang yan. Ang mahalaga ay kung paano mo malalagpasan ang bawat hamon.


8. Weder weder lang yan!

Naniniwala akong swertehan lang ang pagpasa sa board. May inaasahang papasa pero bumagsak. May pumasa na hindi naman inaasahan. Para sa akin, 60% luck, 30% prayer at 10% brain ang kailangan mo para pumasa. May mga kilala akong grumadwet na summa cum laude, pero pagdating ng unang sabak sa board exam, bumagsak. Kung hindi mo pa panahon, ipagpilitan mo man, hindi mo maipipilit.


9. Huwag maging bitter!

Failure is such a humbling experience. Kung hindi ka marunong tumanggap ng pagkatalo, walang dahilan para ikaw ay manalo. Iwasang isipin o sabihin na mas magaling ka sa mga kasabayan mong pumasa sa board. Sa inyo din ang balik ng ganung pag-aasta. Wag maging bitter. Move on!


10. Patuloy lang sa pagdarasal.

Ito ang pinakaimportante sa lahat. Sa panginoon, walang imposible. Huwag Siyang kwestiyunin sa iyong pagbagsak. Ang lahat ay may dahilan. Maaaring hindi mo maintindihan sa ngayon pero darating ang araw na lilinaw din ang lahat.

May panahon ng tagumpay. Sa kabilang banda, may panahon din ng kabiguan, gustuhin man natin o hindi. Magkagayunman, kailangan harapin ang bukas na may tapang at buo ang kalooban.

Para sa mga bigo, huwag sayangin ang panahon sa pagluha sa natamong kabiguan. Sa mga pumasa naman, huwag sanang magpalunod sa tagumpay at katuwaan.

Magandang araw sa mga bigo at tagumpay!

Saturday, April 20, 2013

Sandaling Kaligayahan


Isang hititan na lamang ang nalalabi sa aking yosi. Pinakawalan ang huling usok sa aking bibig at ilong. Matapos ay itinapon ang upos na may baga pa. Sinundan ko ng tingin ang guhit ng baga sa dilim na nang bumagsak sa lupa ay mistulang mga alitaptap na kumukuti-kutitap sa gitna ng kadiliman habang ang matalik kong kaibigan na kanina pa nasa aking harapan ay tinapakan ang munting baga mula sa upos ng sigarilyong iwinaksi ko. Di pa rin siya natitinag sa patuloy na pag-aalok sa akin ng kulay puting pulbos na tila pinong asin o tawas.
“Sige na pare! Subukan mo lang! Isang beses lang naman. Wala namang mawawala eh!”
Kitang-kita ko sa kanyang nanlalamlam at namumulang mga mata ang ibayong pangungumbinsi. Banaag din sa kanyang payat na payat na katawan ang sigasig na alukin ako. Agad na rumihistro sa aking diwa ang huling binitawan niyang litanya— “wala namang mawawala eh!” Sa mga katagang iyon, gusto kong mainis. Sa kabilang banda, gusto ko ring matawa. Pero sinarili ko na lamang iyon. “Anong walang mawawala? Putang ina.” Di ko maiwasang magmura. “Kung patatangay ako sa alok mo, sigurado akong maraming mawawala. Ang totoo, pwedeng mawala ang lahat— ang lahat ng pangarap ko, ang magandang kinabukasan. Kung patatangay ako ngayon, mas mahihirapan akong humindi sa hinaharap!” sa isip-isip ko.
“Isang beses lang naman..” pagpapatuloy niya.
“Pare, ayoko talaga. Baka hindi ko makontrol! Baka hanap-hanapin ng katawan ko tapos ay ikabaliw ko.”
“Sus! Makokontrol mo to! Kaw pa?!” tapos ay itinaas ang bagay na kanina pa iniaalok sa akin at ngumiti na tila ba nanunukso..
Nakakapang-asar ang ngiting iyon pati na rin ang kanyang pagkakasabi ng“kaw pa?!”
Naalala ko, siya rin ang unang nag-alok sa akin ng isang stick ng sigarilyo. Sa una, naubo pa ako. Matapos ang ilang sunod-sunod na hithit ay nagustuhan. Naging lifestyle. Hanggang sa mahirap na ngang itigil.
Ilang beses na niya akong inalok nitong mahiwagang butil na hawak-hawak niya. Ilang beses na rin akong tumanggi. Sa unang pag-alok niya, inaamin kong nag-aalinlangan din akong tumanggi. Takot kase akong biguin ang sinuman sa aking mga kaibigan. Ayokong mabansagang walang pakisama. Pero naisip ko na kung magpapatangay ako, sino pa ang bibiguin ko? — Ang mga taong nagmamahal sa akin. At higit sa lahat, ang aking sarili. Ayokong magkatotoo ang itinanim ng aking mga kamag-anak sa aking murang isipan noon na magiging tulad din ako ng aking tatay na sugapa pagdating na araw. Kaya minaniobra ko na ang aking maagang pagpapasiya bago pa man dumating araw na iyon, na kanilang sinasabi. Noon pa man, tapat na akong nangako sa aking sarili na aayawan ko ang bagay na tulad nitong iniaalok sa akin ng isang kaibigan. Noon pa man, inipon ko na ang buong lakas ng loob na humindi sakali mang may mag-alok nito.
“Salamat na lang pare! Pero hindi talaga!” Matigas ang pagkakabitaw ko ng pagtangging iyon. Bakas na ang pagkayamot sa boses. Di tulad dati, sa pagkakasabi ko nun ay hindi na ako nag-alalang baka may isang matalik na kaibigang magdamdam at magalit. Na baka may isang matalik na kaibigang magsabing wala akong pakisama. Pero kung sakaling magdamdam nga siya at magalit, desisyon niya iyon. At desisyon ko ring panatilihing huwag gumawa ng isang bagay na pwede kong pagsisihan sa bandang huli.
Salamat at hindi na siya nangulit pa. Sa halip ay umalis na lamang na bigo sa pangungumbinse. At ako nama’y naiwang wagi. Wagi pa rin sa paulit-ulit na pagtanggi sa isang desisyon na pwedeng magpabago sa mga haharapin kong bukas..
Kahit saang anggulo ay tama ang pagtangging ginawa ko dahil netong mga nakaraang araw lang, isa na namang biktima ang naging bayolente. Isa na namang biktima ang nawala sa sarili’t nasira ang ulo. Isa na namang biktimang ang personalidad at ugali ay naging alipin ng dyablo.
Ilan pa kayang biktima ang makakarinig at makakakita ng mga bagay na hindi naman naririnig o nakikita ng iba?
Ilan pa kayang biktima ang magkakaroon ng komplikasyon sa utak, puso at iba pang bahagi ng katawan?
Ilan pa kayang biktima ang magiging lito?
Ilan pa kayang biktima ang magiging sugapa?
Ilan pa kayang biktima ang masisira ang kinabukasan?
At ilan pa kayang biktima ang magpapaunlak sa paanyaya ng isang kaibigan?
Wala akong ideya. Ang tanging alam ko lang, hindi ako mapapabilang sa mga nagpatangay sa alok na SHABU ng isang nagkukunwaring kaibigan. Hindi ako maiengganyong sumubok sa sandaling kaligayahan na ang sukli ay pagkasira ng kinabukasan.

Monday, April 15, 2013

Mga Dramang Pang-Radyo


Tinig 1 (Superman) : Nagtipon-tipon tayong lahat ngayon upang pag-usapan ang pagsali ng isang bata sa ating samahan.
Tinig 2 (Batman) : Isang bata?! (Mataas ang boses na papunta na sa pagkabulwak ng ugat sa leeg sa pag-aalinlangan. Tila gustong tumutol.)
Tinig 1 (Superman) : Oo Batman, isang bata. Paulit-ulit? Shunga ka? Kasasabi lang diba? Bata man ay may karapatan ding tumutol sa kasamaan. Tandaan, walang malaking nakakapuwing!
Tinig 3 (Wonderwoman) : Bakit natin aalisin ang karapatan na iyon sa isang bata? (Umepal at nakisabad ang gaga.)
At nagbulung-bulungan ang iba pang echoserang superheroes. Nagpalitan ng mga kuro-kuro. Maya-maya ay sabay-sabay na nagtanong..
“SINO ANG BATANG IYON???”
Awtomatikong sumagot si Superman..
“Siya si— KAPITAN PINOY!!!” (Mataas na mataas ang pagkakasabi ng Kapitan Pinoy.)
Tapos ay eeksena na ang tagapagsalaysay..
KAPITAN PINOY!!!
Laban sa kasamaan, KAPITAN PINOY!!!
Simbolo ng katarungan, KAPITAN PINOY!!!
Tagapagtanggol ng naaapi, KAPITAN PINOY!!!
(At tuluyan na ngang bumulwak ang ugat sa leeg ng kawawang tagapagsalaylay. Pataas kase ng pataas yung pagkakasabi ng Kapitan Pinoy.)
Ang nasa itaas ay hindi spoiler ng bagong libro ni Bob Ong. Kung ikaw ay bagets nung 80’s o di kaya ay batang 90’s, paniguradong napangiti ka dahil napukaw ka ng isang napagandang alaala ng kahapon.
Isa akong 90’s baby, kaya malinaw na malinaw pa sa aking ulirat ang pambungad ng isang serye noon sa DZRH. Marahil hindi ko eksaktong nailahad pero ito ay base lamang sa aking pagkakaunawa at natatandaan. Bata pa ako noon at hindi pa nag-aaral.
Naging malaking bahagi ng aking kamusmusan si Kapitan Pinoy..
Kaya paano ko ba makakalimutan ang batang si Pipoy? Siya ang ordinaryong batang si Kapitan Pinoy kapag hindi niya pa nabibitawan sa kanyang bibig ang transformation song na..
“Red, White, and Blue,
The stars over you!
Mama said and Papa said,
I Love You.
KAPITAN PINOY!”
Paano ko ba makakalimutan ang love interest niyang si Beth? Si Sintaro na kaboses ni Leo Martinez? Si Salome? Ang boyfriend ni Salome? Ang nanay ni Salome na ayaw sa boyfriend ni Salome? (Puro Salome ata natandaan ko. Haha.) Si Damaso, ang nagbigay ng mahiwagang medalyon. At si Black Venus, ang demonyong bulaklak na sa tulong ng mahiwagang tubig at paru-parung puti ay natalo ng munting bida sa loob ng isang kweba.
Hay kaysarap balik-tanawin. Nakakalungkot nga lamang isipin na kailanma’y di ko na maririnig ang sigaw na— KAPITAN PINOY!!!  Na kailanma’y di na maibabalik ang mga drama sa radyo gaya ng Kapitan Pinoy. (Mayron pa naman sigurong drama pero di na kinakagat ng masa.) Tuluyan na ngang nilamon ang maipagmamalaking sining na ito ng mga modernong teknolohiya. Nariyan na ang iPod, telebisyon, internet at kung anu-ano pang nagsusulputan na nakakalula sa pagkamoderno. Imposibleng bebenta pa sa modernong masa ang mga nakakatawang dialogues ng mga radio talent, kung paano nila pilit na pinapagana ang imahinasyon ng mga masugid na tagapakinig sa programa upang maihatid ang sitwasyon sa dramang pang-radyo. Halimbawa ay kung paano nila ilarawan ang isang nakakatakot na sitwasyon—
“Nanlilisik ang mga mata ng isang napakalaking halimaw. Pulang-pula. Lumalapit siya sa akin. Kailangan kong tumakbo nang mabilis na mabilis. Nadapa ako. Aray! Pipilitin kong tumayo. Bibilisan ko pa kahit napakasakit na ng kaliwang paa ko dahil natinik kanina. Pipilitin kong tumakbo dun. Dun sa gusaling iyon na malapit sa lumang simbahan na napakadilim.”
E kung hindi pa gumana ang utak mo sa paglalahad na iyan e magtanong ka na sa nanay mo kung ano ang gatas mo nung sanggol ka pa.
Narito pa ang ilang halimbawa—
Tinig 1 : Sasaksakin kita! Eto na!
Tinig 2 : Nakailag ako.
Tinig 1 : Sasaksakin kita ulit.
Tinig 2 : Hindi na ako nakailag. Tinamaan ako sa dibdib. Arrrgh..
Tinig 1 : Patay na siya.
Kung iisipin mo ngayon, matatawa ka dahil parang inuuto ka lang nito.. Pero nakakamiss.
Ang sining na ito ay isa na lamang alaala na kaysarap balik-balikan. Nakakamiss yung mga boses na nagmumula sa isang radyo na animo’y napakahiwaga sa pagpapalawak ng imahinasyon ng mga tagapakinig. Nakakamiss iyong pagkatapos ng dramang Kapitan Pinoy ay kailangan mo nang matulog para hindi ka kagalitan ni inay at nang ikaw “daw” ay lumaki nang mabilis. Nakakamiss iyong habang nagpapahinga ka sa hapon o di kaya ay nagpapahangin sa ilalim ng puno ng aratiles habang nakatingin sa malayo at nakikinig sa radyo. Na kasabay ng pag-ihip ng hangin, inililipad ng mga drama sa radyo ang iyong imahinasyon. Nakakamiss yung mga sandaling naglalatag ka ng banig at inihahanda ang kulambo habang nakikinig ng horror na drama (Gabi ng Lagim). Na kahit halos mamatay ka sa takot ay makikinig ka pa rin sa susunod na mga gabi. Nakakamiss yung pagkatapos ng panggabing drama ay kailangan mo nang patayin ang lampara dahil sayang sa gas at nang makapagpahinga na. Nakakamiss yung hihintayin mo na lamang ang pagdalaw ng iyong antok habang dinig na dinig mo pa rin ang komentarista sa radyo na pinapakinggan ng mga magugulang sa kabilang kwarto.
Ang pinakanakakamiss ay yung mga alaalang minsan may isang simpleng buhay sa piling ng radyo.
Narito pa ang ilan sa mga natatandaan kong drama sa radyo:
1. Matudnila (Ito iyong drama na bisaya ang pambungad na kanta.)
2. Negra Bandida (Panggabing drama ito. Isang echoserang negrang nakakabayo na hobby sa buhay ang maghigante sa mga umapi sa kanya. Malinaw na malinaw pa sa aking alaala iyong mga yabag ng kabayo niya.)
3. Mister Romantiko (“Minahal kita nang dahil sa salapi mo!”
“Katawan ko lang ang minahal mo at hindi ang pagkatao ko!”
Astig sana ng pambungad ng programang ito pero yan lang ang maalala ko.)
4. Gabi ng Lagim (Kailangan may kasama ka sa pakikinig nito kung ayaw mong biglang maparanoid.)
5. Sementadong Gubat (Gustong gusto ko yung title)
6. Bensar (Di ko na maalala, yung title lang ang nari-recall ko.)
7. Sa Ngalan ng Pag-ibig (Malamang lovestory ito. Siesta time iniere)
8. Tiya Delie (Itong inyong Tiya Deliiiiieeeeeeeeeee. 30 minutes talaga ang pagbigkas ni Tiya Delie ng huling salita sa kaniyang pangalan.)
9. Ito ang Palad Ko (Drama anthology. Parang MMK lang ang drama. Balita ko e umiere pa rin to hanggang ngayon sa DZRH.)
10. Isinakdal ko ang Aking Ina (Si Susan Roces ang may ari ng boses ng bida at isinapelikula rin ito.)
Ikaw may naaalaala ka pa ba sa mga dramang pangradyo?

Saturday, September 8, 2012

Heart-Attack


“Ang daigdig ay pinasan sa hangad na magkabuklod,
Makapangyarihang dolyares, kapalit ay milyong pagod,
Tiniis magdusa para sa pamilyang nakaluhod,
Ngayong s’yay nakayukod,
Sino pa ang hahagod?”


Madalas nating marinig o mabasa sa mga artikulo ang abot-langit na pagpuri sa mga kababayan nating nagtatrabaho sa apat na sulok ng mundo, ang mga dakilang OFW. Sila raw ang maituturing na pinakamatagumpay na produktong in-export ng Pilipinas sa ibat-ibang panig ng Pilipinas. (Produkto na rin pala sila?) Oo, wala nga namang duda, sila ang nagsasalba sa putangina ekonomiya ng ating bansa. Ekonomiyang laging nasa bingit ng pagsadsad. Tanging ang mahiwagang dolyar na ipinapasok ng mga OFW’s ang matatag na sandigan ng ekonomiya.

Sa kabilang banda may ideya ka ba kung..
  • Ilang OFW na ang napabalitang pinagsamantalahan at pinaslang?
  • Ilang OFW na ang nakatanggap ng hindi makatarungan pagtrato mula sa asal-hayop na amo?
  • Ilang OFW na ang hindi nakatanggap ng makataong-sahod?
  • Ilang OFW na ang nakakulong sa ibat-ibang krimen dahil sa tinatawag na kapit-patalim? At ilan yung napagbintangan lang sa krimen na hindi naman niya nagawa?
  • Ilang OFW na ang tulala at wala na sa katinuan?
  • Ilang OFW na ang naging biktima ng malupit na pagkakataon? Daan-daan? Libo-libo? O milyon-milyon na?

Nakakainis. Nakakagalit. Nakakamuhi. Na dahil sa kahirapan ng Pilipinas, maraming biktima. Maraming nagpapa-biktima. Maraming nagpapaka-alipin. Maraming iniwan ang sariling bayan at mga mahal sa buhay. Maraming inaabuso dahil sa wala na sila sa sariling teritoryo.

Noong nakaraang araw ay ginulantang ako nitong nakakapanindig-balahibong larawan ng isang OFW na namatay na nakaluhod. Si Uncle Gani, isa na namang biktima. Na dahil sa pagod, puyat at stressed ay na heart-attack. Iba’t-ibang emosyon ang naramdaman ko nang makita ang larawang ito. (nasa itaas. Kuha iyan ng aking tatay. Katrabaho niya si Uncle Gani.) Awa. Awa para sa kanya at para sa naiwan niyang pamilya sa Pilipinas na talaga namang kaawa-awa. Galit. Galit sa kahirapan. Kahirapan lang naman ang nag-uudyok sa isang tao na mag-OFW. At takot. Natatakot ako para sa iba pang nagpapakahirap na OFW. Natatakot akong may mabalitaan na naman akong ganitong pangyayari. Natatakot ako para sa tatay ko.

Nanalangin ako. Na sana dumating ang panahong wala nang kailangang mangibang bansa para sa pera. Na sana pag-uwi ni Ama, may asenso na sa Pilipinas at tanaw niya na ang aming magandang bukas. Sana. Sana.

At kay Uncle Gani, saludo ako sa’yo. Tama sila. Isa ka ngang tunay na bayani!

Thursday, September 6, 2012

Brief


Isa sa mga naisulat ko sa aking pagkahaba-habang wishlist ay ang “sana magkaroon ako ng Calvin Klein na brief.” Oo, tama! You can check your head sa iyong nabasa. Siguro nga, sobrang ang babaw lang ng pangarap na iyan para sa mga nakakabasa (kung meron man. Assumero?) Pero para sa akin, hindi to mababaw, simbolo ito ng karangyaan sa buhay. Na kapag naka-Calvin Klein, walang karapatan ang kahit na sinong apihin ka.. (Saan ko kaya nahuhugot ang mga ganitong litanya.)

May obsession ako sa mga mamahaling brief. Kung bakit? Narito ang kwento. (Insert Maalaala Mo Kaya song here.)

Dear Ate Charo,
Lumaki ako sa dukha, maralita, pobre at hampas-lupang pamumuhay. Nakikishare lang kami sa mga dagang araw-araw ay ginagawang diskuhang-bayan ang aming bahay na di naman mukhang bahay. Nasubukan na rin naming kumain ng lupa na nilagyan lang ng konteng asin at vitsen para magkalasa naman at nang may ma-i-lamang-tiyan. Ganon kami ka-kawawa Ate Charo. Purita Mirasol to the power of infinity.

At dahil sa ganung kalupit na pamumuhay ay tinanggalan ako ng karapatan na bumili ng mga bagay na makakahinga naman ako ng normal at walang pag-iimbot kahit wala ang mga bagay na ito— isa na dito ang brief.

Hanggang sa ako’y tumuntong sa ikaanim na baitang sa elementarya at magsimulang sumibol ang mga bulbol ko sa betlog, wala pa rin akong brief. Isang araw, katatapos ko lang mag-CR nun. Hindi ko na matandaan kong umihi ba ako, tumae o nagtikol lang, basta ang natatandaan ko lang e galing ako ng CR nun. Takang-taka ako dahil lahat ng mga mata ng aking mga kaklase ay nakatuon sa akin. Matang may kababanaagan ng pangungutya. Lahat sila nakatingin sa gitnang bahagi ng aking kabuuan. Nakakabingi ang katahimikan ng mga panahong iyon. Katahimikang nagtagal ng sampung segundo. Naputol lang ito nang sumigaw ang pinaka-bully sa lahat ng kaklase ko— “uy ang otin ni Ram nakalabas!” (otin talaga?) Kasabay na nun ang napakalakas na halakhakan. Yung iba nag-standing ovation pa. May iilan na maluha-luha pa habang pumapalakpak. Pati mga decoration ni Maam sa classroom, nakipalakpak na rin.Yung iba, nagbubulungan. Habang yung iba garapalang sumisigaw na “Ram supot! Ram supot! Walang brief!” Paulit ulit. Walang tigil. Nanalangin ako ng taimtim. Lahat ng santo at santa tinawag ko, maging si Jodi Sta. Maria, natawag ko na rin ata. Sabi kong sabihin nila sa panginoon na biakin Niya ang lupa at ipakain ako dito. Pero walang nangyari. Nakapako pa rin ako sa kasalukuyang kinatatayuan ko. Slow-motion ko na lang na ipinasok si Junior sa aking brief. (May kasama itong kurot dahil sa kanyang punyetang pag-he-hello Philippines sa klase.) Kasabay nang pagsara ko sa zipper ng aking short ay ang mga nag-uunahang mapapait na luha na may panunumbat kung bakit ganun kami kahirap? Dahan-dahan ko itong pinunas Ate Charo at sinabing—

“Balang araw itong taong ito (turo sa self) na pinagtatawanan ninyo ay yayaman at makakabili rin ng brief. Brief na mas mahal pa sa mga buhay niyo ( isa-isa ko silang pinagdududuro sa mukha.) Tandaan niyo yan. Bibili ako ng isang track na Calvin Klein at ipagsasaksak ko sa mga baga ninyo. Mga putang ina ninyo. Tandaan ninyo yan. Isinusumpa ko na magiging model ako ng Calvin Klein at kayong mga babae (turo sa mga girls) maglalaway kayo sa akin habang nakikita niyo ako sa tv na rumarampa nang naka-brief lang. Isinusumpa ko! ISINUSUMPA KO!!!’
Tapos ay kumulog at kumidlat. Sabay napaluhod ako at napatingin sa kalangitan habang sumisigaw pa rin ng “isinusumpa ko!”

Hanggang sa kasalukuyan nga Ate Charo ay wala pa rin akong Calvin Klein na brief pero medyo nakakaluwang-luwang naman ang aming pamumuhay kaya kahit paano e nakakapag-Natasha brief naman ako. At pag medyo mas nakakaluwang-luwang pa, puta, bibili talaga ako ng Calvin Klein. Hindi pa sa ngayon dahil varsity jacket muna ang bibilhin ko. Palaos na kase e wala pa rin ako nun. Wawa much.

Nagmamahal Ram.

PS: Hindi na ako supot. Nung isang taon lang e nagpatuli ako para naman pag nagkataon e may hustisya ang pagsusuot ko ng Calvin Klein na brief. Ang pangit naman diba? Naka-brief ka nga ng tatak-CK , ang laman naman e SUPOT na patotoy..

Saturday, August 25, 2012

Pluma


Siya ang perpektong anyo ng isang mapangarapin at mapaghangad na manunulat ng kanyang henerasyon. Kapos man sa imahinasyon.. Salat man sa wastong kaalaman at tamang pamamaraan ng pagpapasama-sama ng ensaktong titik at mga salita.. Nag-aalab naman sa pagkahayok na matuto. Nagsusulat siya nang naaayon sa bugso ng kanyang puso at dikta ng kanyang kaluluwa. Konsensya ang natatangi niyang agimat. Nagsusulat siya, hindi dahil sa kailangan bagkus nagsusulat siya, dahil gusto niya. Dahil sa mundo ng pagsusulat siya ganap na lumiligaya. Hindi niya iniintindi kung sa tingin niya’y hindi pa man buhay ang kanyang mga obra ay patay na sa paningin ng madla. Naniniwala siyang bukas pagdating ng araw bubuhayin din ito ng hambalos ng panahon. Kakampi niya ang kanyang pluma sa pagguhit ng kanyang nakatagong damdamin.
Si Rajan Mamadra. Kilala sa tawag na Ram. Bente dos. Tubong Mindanao. Pinanganak sa Sultan Kudarat. Lumaki sa Cotabato at namulat sa Maguindanao. Hindi isang “buraot” at kailanma’y hindi magiging “buraot”. Nais niyang bigyang linaw na hindi “kasinggulo ng tao, kasing gulo ng mundo” ang bayang kanyang pinakatatangi, ang bayan ng Mindanao na gaya ng inilarawan ni Ka-Freddie Aguilar sa isa sa kanyang mga kanta. Mabait siya. Tulog man o dilat. Chos!

Tuesday, May 15, 2012

Battered Wife


Hindi ako naaaliw sa pinapanood kong palabas, kahit ganu pa ito ka-comedy. Hindi ko maintindihan yung istorya. Unang-una ingles iyon at walang subtitle, nosebleed me. Pangalawa ang konsentrasyon ko ay hindi nakatuon doon. Sa kung saan— sa madugong world war 3 namin ni Misis kaninang umaga. Sinubukan kong ilipat sa ibang channel, wala, at sa iba pa, wala rin.. At sa iba pa ulit. Wala pa rin akong matipuhan. Nang magsawa ay pinindot ang OFF-button ng remote. “Tsk!!!” (Oo, may tsk with 3 exclamation point talaga.)
Dali-dali ay hinablot ang mamahaling iPod mula sa magarbo kong bag. (Ako na ang nagmamayaman!) Inilagay ang headphone sa tenga.. Nagpatugtog—
“Pagkabigo’t alinlangan, gumugulo sa isipan. Mga pagsubok lamang yan, wag mong itigil ang laban. Ahhh.. Ohhh..”
Ampota! Emong-emo na nga, lakas pang makapang-stress nung natyempuhang kanta! Bigti mode on na ba talaga itey? Nanadya lang? Muntik ko nang maihampas ang mamahalin kong iPod. Mabuti na lang na at the very last minute na magdesisyon akong ihampas iyon ay naisip kong mamahalin nga pala, sayang kung nagkataon. Echos!
Hindi tama ang desisyon kong magsoundtrip, baka pag pinagpatuloy ko iyon ay matagpuan na lang ako sa loob ng kwarto na nakabigti, tirik ang mata at wala ng malay. Afredy Aguilar! Kaya walang ano-ano ay tinanggal ko ang headset na nakabara sa aking tenga.
Hinanap ang mamahaling cellphone (required talaga yung mamahalin for clarity.) Iyon ang pinagbalingan ko. Tinext ang pinakalango sa alak sa mga kaibigan ko.
“Pare, inuman tayo! Treat ko! May problema lang. Nag-away at nagkasakitan kami ni Misis. Pumutok ang nguso ko, baka kayang gamutin ng Emperador.”
Sending text message—
Nang..
Message Sending Failed. Check Operator Service!
Anak ng tinapa lang di ba? Bat ngayon pa? Nanlambot ang itlog ko at nalagas ang pubic hair ko sa sobrang pagkaaasar.
Depressed na depressed ako ng mga sandaling iyon Ate Charo. Yung pakiramdam na ako na ang Most Depressed Man alive sa Guiness Book World Record 2012. Ganun ang level ng pagkadepressed ko Ate Charo.
Iyon na nga marahil ang pinakagrabe naming away ni Misis. Yung kulang na lang e magsaksakan kami ng cotton buds sa ngalangala.
Kung may nakikita lang akong katol sa mga sandaling iyon ay papatulan ko nang hithitin. Magkaroon lang ng lakas tama. Makalimot lang. Makaalis lang sa reyalidad! Gusto kong magwala. Gusto kong kumawala sa mundo. (Arte much!)
Naisip ko na ring takpan ang sariling mukha ko ng unan at nang malagutan na ako ng hininga. Pero baka pag nagpakamatay ako ay hindi ako tanggapin sa impyerno. Baka daw kase sapawan ko pa si satanas sa pagka-HOT. Weh?
Napayuko na lang ako sa sama ng loob. At—
“Bat ganun? Ang sama ko ba talagang asawa? Bat hindi niya ako maintindihan. Respeto lang naman ang hinahangad ko. Kailangan ko rin minsan ng ispasyo. Hu hu hu.” (di me sure kung may huhuhu ba talaga akong nailitanya nun, ilalagay ko na lang for cinematic purpose kunwari.)
Bigla akong natigilan sa pagmamaarte ko nung may dalawang pulang langgam akong nakita, 5 centimeter away from my pangmayaman na paa. (Pangmayaman uli!)
Naririnig ko sila, nag-aaway. Base sa kanilang pinagtatalunan, away-mag-asawa iyon, nakakasiguro ako. Kaya kunwari hindi ko sila tinitingnan pero ang totoo e Tutok Tulfo talaga ang drama ko nun. At nakinig—
Blagadag! Blaaagggh! Blagaaags! Nagbabasagan ng plato ang mag-asawang langgam. Kitang-kita ko ang pagkalat ng mga bubog ng maliliit nilang duralex na plato. Mabuti na lang at 70-70 ang vission ko, kaya kitang kita ko.
Sisitahin ko sana sila. Ampota kase wala silang pinipiling oras ng paggigeyerahan. Hinayupak na mag-asawang langgam na ito, langgamin sana sila. Grrr. Tanghaling tapat? Mananghalian kaya muna sila, bago ang sagupaan. At nang may energy naman sila. (Pero kami nga ni Misis, bangayan ang inalmusal e. Kaya hinayaan ko na lang sila.)
Nagpatuloy ako sa pagmamasid.
“Putang-ina mong langgam ka! Kaya pala wala ka ng oras sa akin dahil may ibinabahay ka na pala!”panghihimutok ng babaeng langgam na halos bumulwak ang petuitary gland sa lakas ng sigaw.
“Tumigil ka na sa kakaputak mo! Kung ayaw mong sampalin kita!” Pagbabanta ni lalaking langgam.
“Sige subukan mo!” Hamon naman ni babaeng langgam.
PAK!!! At sapol nga ang pisngi.
Biglang umatikabo yung aksyon. Nagbalibagan na ang kanilang katawan.
Pinlano kong umawat pero mas pinili kong manahimik na lang. Hindi dapat pinakikiaalaman ang away-mag-asawa. Bawal daw, sabi nung kumare ng nanay ko na katsismisan niya sa batis habang naglalaba sila.
Talo ang babae malamang. Marahil ay kusa nang sumurender ang kaawa-awa niyang katawan sa mga tinanggap nitong sampal, sabunot, suntok na may kasama pang tadyak. Kaya iniyak na lang ang lahat ng sama ng loob.
“Di ka titigil sa kakaiyak? Di ka talaga titigil? Ha? Ha? Ayaw mo talaga? Gusto mo pang makatikim?”Nakamaang ang mabagsik na kamao ng lalaking langgam.
“Huhuhu! Sawang-sawa na ako hayup ka sa pambubogbog mo! Aalis na ako. At isasama ko ang mga anak natin. Hindi mo na sila makikita. Hayup! Hayup! Este insekto! Insekto!”
At kambal na sampal uli ang tinanggap ng babaeng langgam.
“Anong pinagsasabi mong aalis ka. At anong pinagsasabi mong isasama mo ang mga anak natin? Pota ka! Hindi mo sila maisasama—-
dahil unang-una wala naman tayong mga anak. Hindi mo ako mabigyan ng anak dahil nga baog ka di ba? Anak anak ka diyan! Kailan ka pa nag-adik ha?!” At nagpakawala pa uli ng isa pang sampal.
Natigilan ang babaeng langgam. Tama nga pala, wala silang anak.
Kanina ay awang-awa ako kay babaeng langgam, ngayon ay natawa na lamang ako sa kanya. Adik pala ang gagang langgam!
Dinampot ko uli ang mamahaling iPod at sa pangalawang pagkakataon ng mga sandaling iyon ay nagpatugtog—
“Di makatulog sa gabi sa kaiisip, sa diwa ko ikaw ay aking panaginip. Oh bakit ba ikaw ang siyang laging laman, ng isip ko oohhh.. Ohhh…”
Napangiti ako. Theme song namin to ni Misis nung magkasintahan pa lang kami. Rumehistrong muli ang mga larawan nung panahong nagliligawan pa lang kami. Napakasaya namin na parang wala ng bukas. At may naiwang tanong sa magulo kong isip—



NASAAN NA KAYA SI TOOTSIE GUEVARRA?