Friday, March 9, 2012

BUNDLE OF BARBECUE STiCKS

At ngayo'y nasa pinagbigkis-bigkis na barbecue stick nakatuon ang paningin ko. Pero wala doon ang aking konsentrasyon. Sa kung saang dako? Malayo.. Malalim..

Halos isang linggo na akong problemado. Aaa, hindi lang pala ako. Ang buong angkan, ang buong miyembro ng family tree. Sina nanay at tatay kase, nagdeklara ng world war tri sa pagitan nilang dalawa. At siyempre "damay-damay na to!" ang drama. Ayaw man namin, kasali at apektado pa rin kami ng nakababata kong kapatid.

Mahigit isang linggo na silang nagbabangayan. Bangayan Marathon ito! Sumbatan, murahan at siyempre sigawan. (Malamang, wala naman sigurong nagbabangayan na nagbubulungan.)

Bawat isa, may kanya-kanyang pinaglalaban. Si tatay ang kanyang prinsipyo. Si nanay, ang respeto. Ako, ang kalayaan. At ang bunso kong kapatid, ewan ko. Hindi ko na inalam.

Umagang-umaga pa lang noon.. Habang nasa kainitan ng bangayan, (kakaiba no? Bangayan talaga ang inaalmusal namin.) kitang-kita ko sa may di-kalayuan si Aling Bonita, (di niya tunay na pangalan) ang reyna ng mga tsismosa sa aming baranggay na kausap si Marian, (di niya rin tunay na pangalan) ang kanyang first-runner-up. Tanaw ko ang bawat pag-ngiwi ng bibig ng dalawang hitad na ito. Di ko sila naririnig. Ang sigurado ko, kami na naman ang pinagkakaabalahang pag-usapan ng mga ito--- TANGINA NILA!!! Natitiyak ko, gustong-gusto nilang magpa-fiesta sa sobrang kagalakan. Dahil kung gaano sila nagdadalamhati sa bawat tinatamong tagumpay naming pamilya ay ganun din sila kasaya pag alam nilang may promblema kami. (Ang sweet lang nila!) Lalo pa't ganito na nakikita nilang nag-aaway-away kami.

"Bibili ba kayo, kuya?" Ang tanong ng tindera. Napansin atang kanina pa ako titig na titig sa pinagbigkis-bigkis na barbecue sticks.

"Ah.. Oo. Magkano ba 'to?" At agad akong nakabawi palayo sa lumilipad kong isip.

"Pitong piso kada isang bigkis, kuya." Sagot niya.

"Bigyan mo ako ng dalawang bigkis." Tapos ay iniabot ko ang dalawangpung pisong papel.


"Nagbibenta po ba kayo ng barbeque, kuya?" Pangingialam niya.

"Oo. Suma-sideline.." Kaswal kong sagot.

"Ah.. Di kase halata, kuya. Ang gwapo mo kase." Sabi niya.


"KEEP THE CHANGE!!!" Awtomatiko kong litanya dahil nagustuhan ko yung mga huling kataga niya.


"Salamat!" Nakangiti na siya na nabola ako.

"Teka, matibay ba 'to?" Tanong ko sabay sinubukan kong baliin ang isang bigkis ng barbecue sticks. Matibay nga dahil hindi ito natinag. Ni hindi nga naunat o nakurba man lang. Tinanggal ko ito sa pagkakabigkis at agad na kumuha ng isang pirasong barbecue stick. Inunat ko lang nang bahagya at nabali na agad. Napatingin ako sa tindera.

"Miss, di naman pala matibay e.."


"Ganyan talaga, kuya. Yang barbecue sticks na yan, parang pamilya---"

Napakunot-noo ako.

"Magiging matibay lang ang pamilya kung magkakasama-sama sila at nagdadamamayan---"

Unti-unting lumiliwanag sa akin ang gusto niyang ipahiwatig.


"Pero sa oras na mag-aaway-away sila at maghihiwalay, masisira sila."

Napangiti ako. Tama ang kanyang paliwanag. Ibabalik ko sana ang barbeque stick na hawak-hawak ko pero nagbago na ang isip ko.

Napatingin na lang ako sa hawak-hawak ko. Ang bigkis ng barbecue sticks pala na ito ay parang kami.

Tapos agad akong napaisip. Maraming mga tao ang isip-talangka. Na ang saya kapag nakakakita sila ng taong lugmok. Sa halip na makisimpatya at tumulong ay gagawa pa ng paraan para mas lalo pa itong ilugmok. Tulad nga nina Aling Bonita at Marian.

At malamang malulugmok nga kami kung kami mismong magkakapamilya ang nag-aaway-away.