“Mahal na mahal kita nanay!”
Sinambit ko naman kay nanay paborito kong katagang walang sawang
ipinararating sa kanya. Paulit-ulit. Hindi ko na mabilang. Pero kung sa
palagay niyo’y narinig niya ito. Hindi. Isang napakalinaw na hindi. Kung
bakit? Narito ang kwento..
Labinlimang taong gulang pa ako noon
nang gimbalin ako ng balitang wala ng pandinig si nanay. Sa mga panahon
iyon, siya’y nasa ibang bansa. Namamasukan bilang DH. Mga dalawang taon
na pala siyang walang pandinig. Hindi niya agad ipinaalam. Ayaw na niya
raw kaming mag-alala pa. Ang totoo, kung hindi pa ako nakatanggap ng
sulat mula sa kanyang mabuting katrabaho at kaibigan ay hindi ko pa
malalaman ang masalimuot niyang sitwasyon.
Kaya pala halos mga
dalawang taon din akong hindi nakatanggap ng tawag mula sa kanya. Kaya
pala hindi na niya kami kinukulit hingan ng voice tape, gaya ng lagi
niya pahabol sa mga luma niyang sulat.
Ipinanganak na may
pandinig si nanay. Ang alam ko, medyo mahina lang ito. Pero kahit
paano’y nakakarinig pa naman siya ng may kalakasang tunog at salita.
Lumala daw ang simpleng sakit niyang ito, hanggang sa tuluyan na ngang
nawalan siya ng pandinig.
Hindi pa tapos ang kontrata ni nanay
ay pinauwi na siya ng kanyang among lalaki dito sa Pinas. Ito’y hindi
dahil sa kanyang kapansanan kundi dahil may isang sekrito siyang
aksidenteng nalaman na maaaring ikasira ng pinapasukang pamilya.
Saya at lungkot ang naramdaman ko nun. Masaya dahil matapos ang halos
sampung taon, makikita’t makakasama kong muli ang aking mahal na ina.
Malungkot dahil tyak ko, mapapahinto ako sa aking pag-aaral. Si nanay
lang naman kase ang inaasahan namin ng nag-iisa kong bunsong kapatid.
Tandang-tanda ko pa, ako ang sumundo kay nanay sa airport.. Isang
salita lang ang makakapagbigay kahulugan sa nararamdaman ko ng mga
sandaling iyon— “pananabik”. Nang muli kaming magkita’y
ipinadama namin ang di maarok na pangungulila sa pamamagitan na
napakahigpit na yakap sa isa’t-isa. Kalakip ng aking yakap ang katagang “Miss na miss na kita nanay!” Alam kong hindi niya ako naririnig. Pero siya walang kamalay-malay sa alam ko.
Matapos ang ilang segundong yakapan, nagkusa akong bumitaw sa
pagkakayakap. Hinarap ko siya at binigkas ko nang buong tamis ang
salitang kanina ko pa binabanggit— “Miss na miss kita!” Alam
kong di pa rin niya ako naririnig pero sa linaw ng pagkakabuka ko sa
aking mga labi ng sambitin ko ang mga katagang iyon, sigurado akong
maiintindihan niya ito. Rumihestro ang mga guhit sa kanyang noo.. Wala
man sinambit, banaag ko ang nais niyang malaman— kung alam kong wala na
siyang pandinig. Tumango lang ako.. Napaluha siya. Di rin mapigil ng mga
mata ko ang kanina pa gusto kumawalang luha. Nagkaintindihan kami at
muling nagyakapan na animo’y wala ng bukas.
Muli kaming namuhay sa iisang bahay. Ako, ang kapatid ko, at si
nanay. Nakasama uli namin siyang matulog, nakasalo sa hapag-kainan,
nakasamang manood ng tv, nakausap— pinakinggan namin ang bawat kwento ng
pakikipagsapalaran niya sa mundo ng mga dayuhan. May masasaya, may
masasalimuot. Pinakinggan niya rin ang kwento naming magkapatid, ang
paghihirap na dinanas namin nang mawalay kami sa kanyang piling. Nakinig
siyang may emosyon ng kapighatian. Nakinig siyang hindi gamit ang
kanyang tenga. Nakinig siyang gamit ang puso ng isang ina.
Bilib
ako kay nanay. Saludo ako sa kanya. Na sa kabila ng kanyang pisikal na
kakulangan, hindi siya nagkulang sa pagtataguyod sa aming magkapatid
habang wala si tatay. Mag-isa niya kaming iginapang. Doble ang inako
niyang tungkulin— ina at maging ang isang ama. Nagtinda siya ng kung
ano-ano, kaya naman nagkamali ako sa inakala kong mapapahinto ako sa
aking pag-aaral.
Minsan may program sa school. No choice ang
departamento namin nun kaya ako ang napiling isabak sa isang singing
contest. Siyempre, inimbitahan ko si nanay. Dama kong siya pa ang mas
higit na nakakaramdam ng kaba kesa sa akin. Dahil wala naman akong
talento sa pagkanta, ang ending, ako ang nasa panghuling pwesto. Muntik
pa ngang magwala nun si nanay. Muntik niya ng awayin ang judges. Nadaya
daw ako. Nanood daw siya kaya alam niyang ako ang pinakamagaling. Sabi
ko nga, buti na lang at bingi si nanay kundi itinakwil niya na ako sa
pagpapahiya ko sa pamilya nang mangahas akong sumali sa singing contest.
Madalas kong pagmasdan si nanay sa tuwing siya’y nasa kasarapan ng
pagtulog. Minsan naiiyak na lang ako. Naaawa. Naiisip ko ang lungkot na
nadarama niya sa araw-araw dahil sa katotohanang mas madalas sa oo ay
hindi niya kami maintindihan. Napakasakit isipin iyon. Para akong
winawasak.
Araw-araw lahat ng tao sa paligid niya’y nagsasalita
pero wala siyang boses na naririnig. Nakakahabag, lalo tuwing may
pagtitipon kaming magkakamag-anak. Madalas walang pumapansin sa kanya.
Bihira lang ang nagtitiyagang kausapin siya. Masakit pa nun, nagiging
tampulan pa siya ng mga tukso.
Nang lumaon, naging mainitin ang
ulo ni nanay. Minsan daw kase, di niya mapigil ang sariling mainis.
Nakakagalit daw ang ganung kalagayan na minsan ay hindi niya
maipaliwanag ang kanyang mga nararamdam. Naiintindihan ko siya.
Napakahirap nga naman ang ganung sitwasyon. Iyong minsan ay kailangan ko
pang isulat sa papel o i-type sa cellphone ang mga salitang nais naming
ipabatid para lang maintindihan niya. Iyong minsan ay hindi niya
mahabol ang usapan ng mga artista sa paborito niyang teleserye. Lalo na
pag koreanobela.
Sa kabila ng kanyang kakulangan sa ibang
aspeto, sinikap ni nanay na di siya magkulang sa aspeto ng pagiging ina.
Para sa akin, isa siyang napakagiting na ina. Tampulan man siya ng
tukso. Inaalisputa’t nililibak man siya minsan, hindi man perpekto,
mainitin man ang ulo, siya parin ang itinuturing kong bayani ng aking
buhay. At kung posible lang na ipagpalit ang pandinig, di ko ipagdadamot
ang pagsasakripisyo ko ng aking mismong pandinig. Deserve niyang
marinig ang minsa’y magulo subalit napakakulay na musika ng buhay!
Mabuhay ka nanay!