Tuesday, January 24, 2012

Mister Pormado


Umaga ng Miyerkules, isang pangkaraniwang araw..

Mainit na nang umagang iyon. Paakyat na ang araw. Kasabay nito'y paglawak ng kamulatan sa mundo habang unti-unting nagliliwanag ang buong paligid.

Kahit di pa man ganap na gising ang aking diwa mula sa malalim na pagkakatulog ay naramdaman ko na ang bagsik ni haring araw. Dinampian nito ang mala-Coco Martin kong fez, na aking ikinainis. Ang dating minamahal sa kanyang gintong silahis, ngayo'y sinusumpa, pag sa balat dumampi.

(Charmus! Ginamos! Malunod na ang malunod. Makata yung drama. Pang-Carlos Palanca Memorial Award lang ang blog ko ngayon. Magpatuloy tayo)---

Isa lang ang ibig sabihin nito, may nagbukas ng durungawan sa bandang silangan ng aming kwarto. (Malamang, di naman papasok yung sunlight kung walang nagbukas.) Kumapa ako sa bandang kaliwa. Wala si Misis. Ah, si Misis ang nagbukas. Labag pa sa kalooban ko ang bumangon, subalit tinatawag ako ng kalikasan. Unti-unti'y idinilat ang mapupungay na mga mata at nagpaunat-unat akong tumungo sa banyo.

Sa banyo--
Sssh.. Sssh.. (may sssh.. sssh.. talaga? Required. Sounds effect yun ng ihi.)

Hindi maganda ang gising ko at nakapinta iyon sa aking kagwapuhan. Una, dahil sa sikat ng araw. Pangalawa, dahil sa tawag ng kalikasan. At pangatlo, dahil kagabi pa ako naghahanap ng maisusuot para sa araw na ito, pero wala akong nahanap. Nagamit ko ng lahat. Marami akong mga damit. Sa katunayan ay balak ko ng bumili ng isa pang aparador, dahil puno na iyong lumang aparador ko. Hindi sa pagmamayabang, (dahil never naman ako naging mayabang. Ching!) medyo may kamahalan ang mga damit ko. (Saktong kamahalan lang naman. Kumbaga pa e, muntik lang na magmahal.) Sinisigurado ko ring sikat ang tatak nito at hindi pang-pucho pucho lang.

Pag Miyerkules, hangga't maaari e ayaw na ayaw kong umulit ng damit pang-iskul. Gusto ko, bawat Miyerkules iba. Ganung araw lang naman kase kami may karapatang magfree-style. Wednesday washday iyon. Kaya dafat bungga yung porma! At porma kung porma.

MISIS : (Kumakanta habang nagtitimpla ng kape.) Goodmorning sa inyo. Sweet and mild ang kasama ko. Tamis ng--- (natigilan sa balak na pagpo-prodaksyon namber nang makita ako) Oh, umagang-umaga, ampalaya yang mukha mo. At Miyerkules ngayon, bat pangbiyernes-santo yang awra mo?

AKO: Eh pano, wala akong maisuot. Asar! Sabi ko naman kase sa'yo kahapon diba? Na ipagshopping mo ako. Tuloy, naha-highblood ako. Wala akong maisuot.

MISIS: Eksaherado.. Walang maisuot agad? Ano yang nasa aparador mo? Imahinasyon? Andami mo kayang damit jan. E di ba nga, kabibili pa lang natin noong nakaraang dalawang Linggo?

AKO: E nagamit ko na nga iyon..

MISIS: Tse!!! Ewan ko sa'yo. Magsuot ka ng sako! Oh inom ka na nga muna ng kape, at nang lumevel-up yang pagkahighblood mo. (Inabot ang kape.)

At wala akong nagawa. Nagsuot nga ako ng sako. Juk!

Labag man sa kalooban, umulit ako ng maisusuot. Isinuot ko ang kulay asul kong damit na tatak-Bench. Matagal ko na itong damit subalit sa natatandaan ko, ito pa lamang ang ika-pito kong gamit kaya bagong-bago pa.

Kabababa ko lang ng traysikel. At bakas pa rin sa mukha ko ang pagkayamot. Hindi ako komportable sa suot ko. Sa katunayan nagdalawang isip pa nga ako, kung papasok ako o hindi. Ilang hakbang na lang at makakapasok na ako sa gate ng eskwelahan. Nang may umagaw ng aking atensyon-- isang babae na kaedad lang nanay ko, mga nasa late 30's o early 40's siguro. Hindi ko na binalak na alamin. At isang batang lalaki na kung iistemahin ko ay nasa ika-pitong taong gulang. Sigurado akong di sila magkasintahan na nagdidate kaya inisip ko, mag-ina sila. Nagtatawanan ang dalawa. Dama ko ang kanilang kagalakan. Ang talagang nagpapukaw ng aking atensyon ay ang kanilang suot na parehong lumang-luma. Bukod sa luma na ay tagpi-tagpi rin ito. Kumakain yung bata ng ice cream. Nahulog ito sa kanyang luma at tagpi-tagping damit. Hinablot nung nanay ang panyo mula sa dala nitong maliit na bag. Agad iyong ipinampunas sa mantsa ng ice cream sa damit ng bata.

Sa eksenang iyon, parang may kumurot sa aking puso. At nang mga sandali ding iyong parang ipinako ako sa aking kinatatayuan. Animo'y binuhusan ako ng malamig na tubig. Napatingin ako sa aking damit at nakaramdam ng pagkapahiya sa aking sarili. Napatingin ulit ako sa damit ng mag-ina. Ikinumpara ko ang damit ko, sa damit nila. Malayong-malayo. Ako na nakasuot ng mamahalin. Ako na nakasuot ng may sikat na tatak. Ako na nakasuot ng bagong-bago. At ako na maraming damit-- ni hindi man lang marunong makontento. At sila na nakasuot ng lumang-luma at tagpi-tagpi-- napakasaya..


Labis akong naantig ng mga sandaling iyon. Di ko namamalayang kumakawala na pala ang mga luha sa magkabila kong mata nang--

"Hoy Ram! Anong drama mo?! Lampas na ala-una oh. Time na. Pasok na tayo. Late na o! Natatanaw ko na si Maam Secreto sa classroom. May long-quiz pa naman siya ngayon." ang wika ng pakialamero kung kaklase na panira ng moment..