Monday, November 1, 2010

Maniwala Ka, Saksi Ako! (My Halloween Special Entry)


(This story was happend last year of 2009.. behind October if I'm not mistaken..)

Bandang alas-dose ng hating-gabi, sunod-sunud na katok at tawag mula sa aming pinto. Naalimpungatan ako!

"Tok! Tok! Tok! Ram?" --- at nasundan pa ng nasundan. Hanggang sa tuluyan na akong nagising. Nabosesan ko. Kapitbahay namin iyon.
Kahit antok na antok pa ako, pinilit kong bumangon. Importante ito. Alam ko. Di naman mang-iistorbo ng ganung oras ang taong ito kung hindi naman ganun kaimportante!

"Po? Ano pong kailangan nila?" agad na tanong ko..

"Andiyan ba si Sol? (si Sol, kapitbahay namin, kaseng edad lang ng kapatid kong babae) Bigla kaseng nawala sa kwarto niya eh.." tanong at paliwanag ng tatay niya.

Tiningnan ko sa kabilang kwarto kung san natutulog ang kapatid ko. Baka andun, nakitulog. Magkaibigan sila. Pero wala!

Agad ng umalis ang tatay niya. Biglang nawala ang antok ko. Naisip ko.. baka nagtanan ang hinahanap nila. o nakipagkita sa boyfriend. Pero hindi.. Lingid sa amin, may mga kababalaghan na nangyayari at mangyayari pa na walang sino mang makapagpapaliwanag.

Sa kabilang banda, habang hinahanap nila ang nawawalang si Sol. Di kalayuan mula sa amin. sa isang may kasukalang lugar. (di ko na nasaksihan ang eksenang ito. Ito ay kwento lamang ng taong nakasaksi mismo, ang tatay ni Bai.)

"Ama! Ama! Ama!" tawag ni Sol! Ni Bai pala.

Si Bai ay anim na taong gulang. Mga taon na ang lumipas nong mamatay mula sa pagkakalunod sa sapa na katabi lang din ng aming bahay.

"Sino ka?" gulat na tanong ng lalaki pagbukas ng pinto.

"Ama, ako ito, si Bai!" sagot ng katawan ni Sol, katauhan ni Bai.

"Pero---" pagtataka ng lalaki.

"Ama, miss na miss na kita!" iyak niya at agad na niyakap ang ama.

Di pa gaanong maintindihan ng lalaki ang mga nagaganap. Hanggang sa lubusan na siyang mapaniwala nang hinalik-halikan ng aso si Sol.. Patunay na nakikilala siya ng aso. Alagang aso ito ni Bai nong nabubuhay pa siya. Ang asong ito. pag hindi kilala ang tao, awtomatikong kinakahulan. At hindi naman magkakilala ang pamilya ni Sol at ang pamilya ni Bai.

Umaga nang inihatid ng lalaki si Sol sa pamilya nito. Naikwento ni Sol kung saan siya nakatira nung magkamalay na ito.

Akala ng lahat dun na magtatapos ang di maipaliwanag na pangyayaring ito. Ang di namin alam, simula palang ito!

Lumipas ang ilang araw... ng biglang ibang tao na naman si Sol.

"Gusto ko ng umuwi sa bahay. Gusto kong makita si ina!"


Boses ni Sol pero parang bata, parang anim na taong gulang. Si Bai ito! Hindi na si Sol.

"Hah? Ako ang nanay mo." ang nanay ni Sol.

"Hindi, ang taba-taba mo. Ang nanay ko maganda!" ang inosenteng wika ni Bai na nasa katawan ni Sol.
Maya maya..

"Ina, kukunin nila ako. May mga taong kumukuha sa akin. Hindi ko sila maintindihan. Pinipilit nila akong kunin kahit ayaw ko. Hinihila nila ako mula sa isang libingan. Ayaw ko. Tulungan ninyo ako. Natatakot ako. Hindi ko sila maintindihan." bakas kay Sol ang takot.

"Sinasaktan nila ako. Pinopokpuk nila ako ng kung anu-anong bagay. Hindi ko maintindihan. sinasaktan nila ako ina!" humahagulgol na..

Nagpatawag na ng magaling na albularyo. Yun lang ang alam nilang pwedeng makatulong sa mga ganitong bagay. Sa mga bagay na hindi maipaliwanag ng anumang siyensya.

Pati ang pamilya ng pumanaw na si Bai, ipinatawag na rin..

Maya-maya pa ulit, ng makita ni bai ang kanyang nanay...

"Ina, miss na miss na kita!" Nagyakapan ang mag-ina. Larawan ng mag-inang hindi nagkita ng matagal na panahon.

"Ina, pagod na pagod na ako. Lakad ako ng lakad. Kung saan-saan. Hindi ako matahimik ina. Pagod na pagod na ako. Tulungan ninyo ako. Ayoko pang mamatay. Gusto ko pang mag-aral. Gusto ko pa kayong alagaan ni Ama---" animoy nagmamakaawa.

"Pero anak, tanggapin mo na. Wag mo ng idamay ang katawang ito" habang humahagulgol.

"Hindi ina. Ako na ang may-ari ng katawang ito. hindi ko na to isasauli. Ito lang ang alam kong paraan. Ayoko pa pong mamatay. hindi pa ako handa. Si Ate kase-- Alam naman niyang may sakit ako di bah? Nilabhan ko naman ng mabuti ang mga damit na inutos niya. Pero pagdating ko ng bahay, hindi pa daw malinis kaya pinabalik niya ako sa sapa. Pinalaba niya pa ako ulet. Ina, inatake ako ng sakit ko (epilepsi). Sigaw ako ng sigaw pero walang nakakarinig. Walang tumulong sa akin. Wala Ina. wala. Ang aso ko lang. Pinipilit niya akong iahon pero hindi niya ako kinaya. Kahol din siya nga kahol pero wala pa ring nakakarinig. Hanggang sa-- Hanggang sa tuluyan na akong---"


Hindi na niya kayang ituloy ang mga nais na ilahad pa sana. Napaiyak na lamang ito.

Pati kaming mga nakasaksi, napaiyak na rin. Awang-awa kami. Damang-dama namin ang hinagpis ng isang batang hindi pa handang mamatay!

Kung anu-anong ritwal ang ginawa ng albularyo. Sa awa ng diyos, napakiusapan si Bai na manahimik na lang. Na tanggapin na lang ang sinapit. At nanahimik na nga siya.. Si Sol, hindi na rin niya ginulo.

Maraming bagay sa mundong ibabaw ang mahirap paniwalaan. Walang siyensyang makapagpapaliwanag ng mga bagay na ito. Nasa sa atin kung maniniwala tayo o hindi..

Pero sa maniwala ka man o sa hindi, totoo ang kwentong ito at hindi bunga lamang ng aking malawak na imahinasyon. Maaaring may pagkakahawig siya sa pelikulang "Villa Strella" ng Star Cinema. Subalit totoo ito. Marami ang nakasaksi.

At Saksi Ako!!!