Monday, July 22, 2013

Yung mas active pa ang Mayon Volcano sa sex life ko.

Mainit ang ulo ko. Sa anong dahilan? Walang pag-iimbot at buong katapatan kong ilalahatla na TIGANG ako!!! (I-capslock natin yung word na tigang tapos lagyan natin ng exclamation point, mga tatlo. Para nakakaiyak sa sobrang intense.)
Himayin natin ang masalimuot na katigangang na ito—- Halos magdadalawang buwan ng kaawa-awa ang sinasapit ng sexlife ko. Paano ba naman e nasa kabuwanan na si Misis ng kanyang pagbubuntis. Sabi nila, okey naman daw ang makipag-tsuk-tsak-chenes kahit buntis ang partner. Pero ayoko pa rin. Ayokong i-take ang risk. Hindi kase applicable iyon sa akin sa kadahilanang matindi ako sa kama. Yung tipong nag-aacrobat ako. Nag-aral pa kase ako sa India ng Kamasutra lesson kaya baka manganib lang si Misis at baby sakali. Afreddie Aguilar.
Sa halos dalawang buwang katigangang iyon ay nakadarama ako ng ibayong pananabik sa malalamig na gabi. Minsan nga, niyayakap ko na lang ng mahigpit na mahigpit ang unan habang umiiyak na pinaliligaya ang sarili. Charot.
Alam ko, normal lang itong nararamdaman ko. Hindi ako ganun kalibog. Pero tao pa rin ako. Natitigang din. Minsan pa nga, sa sobrang pagkatigang, kung ano-ano na lang ang napapanagipan ko. Ayoko nang idetalye, hashtag medyobaboy. Alam mo yung pakiramdam na maski si Kute (Aiza Seguerra) ng Please Be Careful With My Heart pinagnanasahan ko na. Nagta-try din naman akong bumirit ng “All By Myself” habang nanonood ng porn pero parang walang satisfaction. Ayoko naman mambabae. Bukod sa bawal iyon sa religion namin, mahal na mahal ko ang asawa ko at di ko siya kayang lokohin. Ako na ang MOST FAITHFUL NG TAON.
Sige pagtawanan niyo ako sa kasalatan kong ito. Pagtawanan niyo ako habang kayo ay sagana at nag-uumapaw ang sexlife. Mga animal kayo! Nag-iinit lalo ang ulo ko. Bwesit! Alam mo kung ano yung mas nagpainis sa akin ngayong araw na ito? Yung ulam namin kanina. Malaking tahong na napakalambot. Tangena. Naglaway talaga ako. Hindi dahil sa lasa neto, kundi dahil sa kanyang itsura. Nang-aasar talaga ang tahong.
Wait, magpapalabas lang ako ng sama ng loob. *playing : “All By Myself” once again* Ipanalangin niyong hindi ako mabulag.

Naniniwala Ka Ba Sa Sign?

Naniniwala ka ba sa pangitain? O sa mas pamilyar na terminong SIGNS? Ito yung magsasabi sa’yong maaaring posible ang imposible. Halimbawa’y sinabi mong  kapag umulan ng snow sa Tugegarao sa katanghaliang tapat ay karapat-dapat sa iyo ang lalaking kasasagot mo pa lang kaya agad-agad ay aalukin mo ng kasal. O kaya’y nag-aalinlangan ka sa isang bagay kaya sinambit mong hindi mo na iyon gagawin kapag nakasalubong ka ng pink na aso na may violet na buntot.
Signs. Ito yung bagay na magbibigay sa’yo ng sandamakmak na pag-asang may magandang mangyayari.
Napakadali lang ang humingi ng signs. Ang mahirap na parte ay kung magtalo ang ang puso mo at ang mga pangitaing nakikita mo. Saan ka kaya lulugar? Alin ang susundin mo? Ang bulong ng iyong puso? O ang dikta ng mga pangitaing binibigay sa’yo?
Alam mong maaari kang masaktan sakaling di matupad ang bagay na minsan mong hiniling kaakibat ng sign na iyon. Darating at darating ka sa puntong mapapatanong ka—- “God, bakit? Hindi ba talaga nakalaan para sa akin iyon?"
Naniniwala ako sa signs. Noong Sabado lang ay humiling ako nito—- "Kapag umulan mamayang alas tres, dadalo ako sa aming Acquaintance Party nang naka-boots para may maiuwi akong titulo." At pagsapit ng itinakda kong oras, umulan nga ng napakalakas. Sa katunayan, umapaw ang tubig sa katabi naming sapa. Bumaha sa amin. Grabeng sign naman ang ibinigay sa akin, papunta na sa delubyo.
Gaya nga ng hiniling ko, sinuot ko ang pamatay na botas ni tatay na tatlong oras ko ring pinakintab. Pamatay dahil napakabigat nito (at napakabaho pa. Si tatay talaga, ang baho ng paa.) Tipong halos hindi ako makahakbang. Pakiramdam ko nga, napilay ang aking magkabilang paa. Tiis-Gandang Lalaki ang drama ko sa buong party.
Pagdating ko sa venue, halos lahat ng mata ng hinayupak kong schoolmates, nakatutok sa aking suot na botas. Ayos! Matutupad ang ipinanalangin kong mag-uwi ng kahit isang award wag lang ang Mr. Early Bird. (Ang dyahe kayang tanggapin ng sash na iyon, hindi kakisigan ang puhunan.)
Moment of truth, i-aanounce ang 20 nominees  ng mga nag-outstand sa Party na iyon. Ramdam ko, isa ako sa mga tatawagin. Ramdam kong ako ang Mr. Headturner. Iyon din ang narinig ko sa mga bulung-bulungan ng mga dumalo. Pasimple akong nagpunas ng mukha sa isang sulok bilang paghahanda sa pagsasabit sa akin ng sash. Nang tinawag ang first ten, ngiting-ngiti pa ako, abot lampas tenga. Habang parami na ng parami ang tinatawag, pakonte ng pakonte rin ang ang ngiti ko. Hanggang sa natawag na ang twenty. Hindi ko narinig ang aking pangalan. Ang saklap. Para akong pinagkaisahan.
Napag-alaman kong kasali dapat ako sa nominees kung hindi lang dahil sa aking pamatay na botas. Hindi daw iyon pasok sa kriterya o anumang kasyitan. Di daw kase pormal. Anong hindi? hindi ba nila alam na doon sa amin sa Newyork, nag-bo-boots talaga kami kahit naka-amerikana. Medyo katutubo silang mga judges. Mga walang alam sa fashion. Pwe! Putangina nila!
Yung ipinanalangin kong magka-award ako, bokya. Yung nakita kong sign, hindi nagkatotoo. umuwi akong umasa. Umuwi akong bigo. Umuwi akong luhaan nang gabing iyon. At nang gabi ring iyon, pormal ko ng idineklara na kailanma’y di na ako maniniwala sa mga signs signs na yan! Fuck me! Ang drama ko!

Sunday, July 21, 2013

Maiintidihan Mo Rin Ang Sulat Na Ito Anak, Balang Araw..

Mahal Kong Anak,
Alam kong sa panahong ito’y hindi pa kayang intidihin ng iyong murang edad ang mensahe ng sulat na ito. Subalit nakasisiguro akong darating ang panahon na lilinaw rin ang lahat.
Anak, gusto kong hingin ang iyong kapatawaran sa katotohanang sinubukan naming itago ng iyong mommy ang tunay mong pagkatao. Sinubukan naming ilayo ka sa mga nakapaligid sa’yong maaaring magsabog ng isang rebelasyong hangga’t maari sana ay gusto naming mabaon na lamang.
Sabik na sabik kami nun ng iyong mommy na magkaanak. Subalit tila baga pinagkakaitan ang aming simpleng kahilingan. Mahabang panahon din ang hinintay namin. Ang totoo, nawalan na kami ng pag-asa. Hanggang sa dumating ka sa buhay namin.
Sa unang dampi ng iyong malambot na kamay sa aking palad naramdaman kong isinilang ka para sa amin, na bigay ka ng Diyos, ikaw ang matagal na naming hinihintay. Tandang tanda ko pa noong unang masilayan ng mommy mo ang napakatamis mong ngiti. Halos himatayin siya nun sa sobrang kagalakan. Noong una kitang kargahin, kakaiba ang naging pakiramdam ko nun. Para akong bagong tao. Noong una mong sambitin ang salitang "daddy", naluha a nga ako nun anak. Pakiramdam ko, ako na ang pinakamasayang ama sa buong mundo nang mga sandaling iyon. Noong una kang magkasakit, di magkandaugaga si mommy mo nun. Ako naman, alam ng Diyos kung paano ko hilingin na sana ako na lang, wag ang anak ko.
Anak, hindi ka man naging karugtong ng pusod ng mommy mo, hindi sapat ang salitang "mahal na mahal kanya," "mahal na mahal ka namin." Hindi ka man galing sa dugo’t laman ko, ramdam kong karugtong ka ng kaluluwa ko. Isa ka sa dahilan kung bakit patuloy sa pagdaloy ang dugo sa bawat ugat ko, kung bakit ayaw huminto sa pagpintig ang puso ko, kung bakit patuloy akong nabubuhay na may positibong pananaw sa gitna man ng kadalamhatian.
Marami kang naituro sa amin ng mommy mo anak. Tinuruan mo kaming maging responsable sa lahat ng panahon. Tinuruan mo kaming magbigay ng walang hinihintay na kapalit. Dahil sa’yo natuto kaming hindi maging maramot. Higit sa lahat, itinuro mo sa amin ang tunay na kahulugan ng "pagmamahal."
Anak, masaya ako dahil ilang araw na lang ay manganganak na ang iyong mommy. Tama nga ako, ikaw ang swerte sa pamilyang ito. Magiging kuya ka na. Huwag kang mag-alala, iyong ipinadama naming pagmamahal sa’yo noon, patuloy iyon. Dodoblehin pa namin kung kinakailangan. Walang magbabago, kahit anjan na ang isang nilalang na kadugo namin.
Alagaan mo ang kapatid mo anak ha! Ayokong mag-aaway ka’yo. Proteksiyunan mo siya. Tungkulin mo iyon bilang kuya. Sisiguraduhin kong magiging pantay ang pagtingin namin sa inyo. Pangako iyan.
Kung sakali nga palang hilingin mong makita ang iyong tunay na magulang at mga kapatid, huwag kang mahihiyang magsabi anak. Di ko maiaalis ang masaktan pero hinding hindi ko ipagkakait sa’yo ang isang bagay na magpapabuo ng iyong pagkatao. Madudurog ang puso pero, sasamahan kita. Yakapin mo sila anak ha. Utang namin sa kanila ang lahat kung bakit ka dumating sa buhay namin.
Kung totoo mang may kabilang buhay, hahanapin kita kahit tatlong dosena man ang anak ko sa kabilang buhay. Hahanapin kita, ilang beses man akong matay at muingmabuhay. Di ka man namin anak sa dugo, anak ka namin sa kaluluwa. Mahal na mahal ka namin anak!

Saturday, July 20, 2013

Alas Tres ng Hapon

Alas tres ng hapon..
Ang dating kinagigiliwang sikat ng araw na ngayo’y kinaiinisan ng madla’y naging saksi sa libong pumpon kong kagalakan.
Himalang di nainda ang nakalulusaw na bagsik ng panahon.
Ni hindi naalalang punasin ang nag-uunahang tagaktak ng pawis sa mukha.
Alas tres ng hapon..
Nag-alab ang damdamin sa di maipaliwanag na nadarama.
Masidhing dumagundong ang dibdib, kakaibang kaba!
Di kayang usalin ang sayang nasa karurukan ng pinakarurok.
Alas tres ng hapon.. 
Pusong naging hawla’y kaya ng humarap sa mapagsamantalang tuso.
Katawang naging busog na sa inip at panimdim ay makakaramdam na rin ng paglaya.
Makatatalon na nang walang nakikialam.
Makasisigaw na nang walang mambabato.
Makasasagot na nang walang pag-aalinlangan.
Alas tres ng hapon..
Ang oras kung kailan ko muling nabanaag ang pinakamahalagang adan sa buhay ko, si tatay.
Anim na taong paghihintay.
Sa wakas masisindak na rin ang mga buwitreng laging nakatimbreng manloko.
Andito na si tatay, ang aking tagapanggol kay hudas.

Friday, July 19, 2013

Ang Minsang Ipinagkait Bukas Makakamit..

"Uuwi na ang tatay mo." Maiksing textmessage na natanggap ko mula kay nanay. Ito na ata ang pinakamagandang balitang natanggap ko ngayong taon. Panigurado, nakapagdala din ito ng napakalaking kagalakan kay nanay. Naiisip ko ngang nakalabas na ang ngalangala niya sa pagtawa dahil sa positibong emosyong nararamdaman niya sa mga panahong ito.
Bakit nga ba naman hindi? Halos labing-anim na taon ding hindi sila nagkita. Kung susuriin, mas mahaba pa ang panahong nagkalayo sila kesa sa panahong pinagsamahan nila. Labing-anim na taong "Long Distance Relationship" ang tema ng kanilang lovestory.
Malungkot mang isipin, kailanma’y di nabuo ang pamilya namin. Grade one pa lang ako nang mangibang bansa si nanay. Ang kapatid ko, sa ibang pamilya naiwan. Ako naman, nasa pangangalaga ng kapatid ni tatay. Tapos si tatay, kung saan saan nagliwaliw. Ewan ko, basta ang sabi ng mga kamag-anak namin, nagbuhay binata daw uli siya. Nagbisyo— droga, sugal, alak.. Lahat na. Ang bukod tanging di ko narinig ay ang nambabae siya. Hindi kami nabigyan ng pagkakataong maging close ni tatay. Paano ba naman? E minsan lang siyang magpakita. Nasanay na akong walang tatay. Mas nasanay akong walang nanay. Alam mo yung pakiramdam na wala akong masasayang alaala na kasamang kompleto ang pamilya ko.
Nung papauwi na ng Pinas si nanay, si tatay naman, kaaalis lang papuntang abroad. Nakakatawang nakakainis. Pakiramdam ko, pinaglalaruan at pinagkakaitan sila ng tadhana. Pakiramdam ko, tinatanggalan kami ng karapatang mabuo. Kapiling nga namin si nanay. Magkakasama nga kaming tatlo— ako, ang kapatid ko at si nanay.. Si tatay na naman ang kulang.
Di ko maiwasang isipin na parang andaya-daya naman. Ang mga kaklase ko, buo ang pamilya tuwing parents day. Wala din akong makitang family picture namin sa sala. Napaka-unfair di ba?
Pero bukas.. Matapos ang labing-anim na taon, makakamit ko na ang isang bagay na ipinagkait sa akin. Mabubuo ulit kami.
Sa wakas, makikita ko na ulit si tatay.. Bukas.

Thursday, July 18, 2013

Aninong Imbento

Gusto kong magsulat,
Hindi dahil sa intensyong maggulat,
Nais ko lamang na maging kahima-himala ang bawat panulat,
Iyong mag-aanyong mala-musikang tagak.

Bawat titik ay mamumulaklak,
Maghuhulma ng pangungusap na may buong ingat,
Mga talata’y magmimistulang pilak,
Dunong at tenga ang gagamiting agimat.

Tulad ng liwanag, obra ko’y gagalaw,
Parang gamu-gamong walang pagod sumayaw,
Di man maging kasing ingay ng batang nalulugod,
Magmistula lang alak na nakalulunod.

Subalit ano? Ano ang isasatitik ko?
Ano pa bang daing ang di nila narinig sa mga lugmok na puso?
Alin pang katotohanan ang di nailahad ng makatang lito?
Saan lugar pa ang hindi narating ng manlalakbay na ayaw huminto?

Hanggang sa huli ba’y ganito pa rin? Bigo?
Hanggang kailan tutunog ang kampana na wala sa tono?
Hanggang kailan magtatago ang ginawang duplo?
Hanggang kailan magiging anino ang aking mga imbento?

Wednesday, July 17, 2013

Maling Akala

Pabaling-baling sa parihabang kama.
Ilang oras na palang nakatunganga.
Kahit saglit, maidlip man lang sana,
Pagkat kinabukasan, klase’y maaga pa.

Daan na ang nabilang na tupa,
“Wa-epek” pa rin baga.
Ewan ko ba, di naman nagkape kanina.
Punyeta!

Iuuntog na sana ang ulo sa kama,
Subalit naalala ang inosenting kaisipan nong nasa murang edad pa.
Biglang natawa sa sariling katangahan at maling akala.

Akala ko dati may tao sa loob ng radyo;
Akala ko dati mapuputol ang daliri pag itinuro ang rainbow.

Akala ko dati pag nagkiss si babae at lalaki, buntis agad si babae;
Akala ko dati magta-transform ako sa sirena pag ako’y nakatapak ng kabibe.

Akala ko dati may taong maliliit sa loob ng TV;
Akala ko dati ang tanda na ng edad na bente.

Akala ko dati para tumubo ulit, required na ibaon sa lupa ang nabunot na ngipin;
Akala ko dati totoo ang wrestling.

Akala ko dati sinusundan ako ng buwan;
Akala ko dati didikit sa bituka ang nalulon na chewing gum.

Akala ko dati may tutubong halaman pag nakalunok ng buto ng prutas;
Akala ko dati mayaman lang ang nakakakain ng mansanas.

Akala ko dati may lalabas na kanin sa isang sugat;
Akala ko dati pwede akong ilipad ng kuto kahit ako’y mabigat.

Akala ko dati pag nakahuli ng paru-paro at inipit sa notebook, magiging pera;
Akala ko dati talagang totoo si Santa.

Akala ko dati lip sing, lip sync pala;
Akala ko dati, cheese si spongebob, sponge pala.

Akala ko dati panget ako. Hay salamat, AKALA KO LANG PALA!