Tuesday, September 4, 2012

The Substitute Teacher

Muntik na akong himatayin kahapon nang mabasa ko ang mensahe ni Mam Joy, ang aming Program Moderator.

“See me at my office before 1:00pm.”

Tumaas bigla ang presyon ko at nag-init ang dalawa kong itlog. Mahihiya ang mga nurse pag nalaman nila ang Blood Pressure ko ng mga sandaling iyon Ate Charo.. Kinabahan ako. Naisip ko, nakita na kaya ng aming moderator ang aking scandal sa youtube, kaya ako pinapatawag? Wag naman po sana. Nanalangin ako ng taimtim.

So ayun na nga. Dahil sa masunuring bata ako, pumunta nga ako sa opisina ni Mam Joy nang 1:30pm. Ang gago, 30 minutes nang late.

“Ikaw ang mag-sa-sub kay Mam Allen (dakilang Ms. Minchin sa Filipino) dahil busy ang lola mo ng isang linggo. Ikaw na muna ang bahala sa kanyang mga klase sa High School.” Ang pambungad na palatuntunan ni Mam Joy.

Muntik na naman akong mahimatay sa aking mga narinig. (Hobby ko talaga this past few days ang mahimatay. Ramadan kase at nag-pa-fasting ako. Bakit ba?) Totoo ba itong naririnig ko? O isa lamang sa mga malilikot kong imahinasyon? Pero totoo nga.

“Hah? Bakit ako? Bakit? Bakit ako na isang hamak na second year student lang, pwede naman iyong mga practice teacher ng fourth year. Bakit ako na tanging kagwapuhan lang ang maipagmamalaki? Bakeeettt..?” (Chos!) Kunwari pa akong nagulat pero ang totoo e tuwang-tuwa ako at walang pagsidlan ang aking kagalakan. Gusto ko ngang kumandirit na may kasamang split sa sobrang kasiyahan ng mga sandaling iyon. Subalit pinigil ko ang aking sarili. Nagpaka-pormal ako at baka magbago ang isip ni Mam Joy.

Nakakataba nga naman ng puso di ba? Sa dinami-dami ng estudyanteng pwedeng mag-sub kay Mam Allen e ako pa ang pinagkatiwalaan. Ibig sabihin napansin nila ang kakayahan ko.

Magpapaka-choosy pa ba ako? Syempre hindi na. Kaya um-Oo na ako agad-agad at walang pakundangan. Matagal ko na kayang pangarap na makapang-uto ng estudyante.

“So kelan ako magsisimula Mam?” Tanong ko.

“Ngayon na.” Awtomatiko niyang sagot.

“Hah? Now na? Agad-agad? Oh no! Bat hindi mo agad sinabi Mam? Ni hindi man lang ako nakapag-ayos. Ni hindi man lang ako nakapagpagupit ng disente. O nakapag-ahit man lang. Baka pagkamalan akong ermitanyo ng mga bata. Ni hindi ko man lang naisuot ang mamahalin kong sapatos. Ni hindi man lang ako nakapag-noselift kay Belo. Ni hindi man lang—-“

“Tumigil ka nga sa kadramahang iyan. Magtuturo ka, hindi mag-mo-model. Adik!”Pagpuputol niya sa aking mahabang litanya ng kadramahan.

At PAK!!! Kahapon nga ay nagturo ako. Naglevel-up na naman ang pagkafeelingerong FROG ko! Ok lang. Di naman mahirap yung mga aralin. Yun nga lang, napilitan ako basahin ang hinayupak na pagkahaba-habang nobela ni Rizal na Noli syet at El Fili syet. Mahirap naman na nganganga lang ako pag tinanung ako ng estudyante, kung Sino ang bumunot sa tinggil ni Maria Clara.

Third year at fourth year ang tinuturuan ko. Ok na hindi ok. Ok kase matatanda na sila at madaling na lang paintindihin. Hindi ok dahil mahirap na silang utuin.

Ito na nga pala ang pangalawang araw ko ng pagtuturo sa kanila. At sa kasalukuyan ay namamaos ang inyong lingkod.