Tuesday, January 31, 2012

Pangitain..

Nasa library ako nun, wala.. nagtrip lang akong mag-brainy-breynihan ng mga sandaling iyon. Ay hindi. Ang totoo, tinambakan lang naman kami ng aming Ed1 professor ng kasumpa-sumpang research paper. Hekswali, sa final pa naman daw ipapasa. Pero sadyang eksayted lang akong gumawa kaya agad-agad ay niresearch ko na. Bakit ba?

Para sa aming biniyayaan ng angking talino ay simple lang naman ito. Chicken! Pinaghahanap lang naman kami ng tatlong bansa para alamin at pakialaman yung paraan ng kanilang pagtuturo. At ito na nga yung pinili kong tatlong bansa-- Una ang AZERBAIJAN, para mahirap ipronounce. Gusto kong pilipitin ang dila ng professor ko pag pinasa ko na at binasa niya na ito. Pangalawa ang BRITISH INDIAN OCEAN TERRITORY, para mahingal siya sa sobrang haba ng pangalan ng bansang ito (at para bigla siyang mangailangan ng oxygen.) Ang pangatlo, ang LIUCHELLES, para nganga kaagad ang kanyang unang reaksyon, sabay sabing "May ganito palang bansa?" (Gawa-gawa ko lang naman itong LIUCHELLES e. Kaya wala talagang ganitong bansa. Bwahahaha!)

Sa kalagitnaan ng pag-ri-research, bigla-bigla ay kinabahan ako..

Dig! Dig! Dig! (may Dig! Dig! Dig! talaga.)


"Bakit kaya ako kinakabahan?" bulong ko.

Ang alam ko, pag biglang kakabahan ang isang tao ng walang dahilan, may hindi magandang mangyayari.

"Diyos ko! Wag naman po sana.."  bulong ko ulet.

O baka naman dahil gutom lang ako. Kanina ko pa kase nararamdamang nagrereklamo na ang aking alagang anaconda sa tiyan. Pero wala pa naman akong narinig (so far!) na kinabahan dahil nagutom. Kaya nagbreathing exercise na lang ako.

"Inhale, exhale. Inhale, exhale!" at bigla akong may naamoy. Badbreath. Gutom na talaga ako. Kailangan ko nang mag-mey-ay-gow-howm. Bukas ko na lang tatapusin ang requirements na ito.

Pagdating ko sa bahay, ang mukha ni Popong (Ang kaibigan kong tanga) ang agad na sumalubong sa akin. Nagyayayang pumunta sa isa pa naming kaibigan, si Tita.

"Pwede mamaya ka na lang mang-istorbo Popong? Mauna ka na dun. Tapos after my class hahabol ako." Ang ibig ko talagang sabihin na hindi pa ako nanananghalian at gutom na gutom na ako. Pero ewan, nasa mukha ko nga yata yung tatlong buwan nang hindi kumakain (o baka nalanghap niya lang yung amoy ng bunganga ko?) kaya..

"Bili lang tayo ng pang-lunch. Libre ko." awtomatiko niyang sagot.

"Himala, mag-bo-blow-out si tanga!" bulong ko na naman sa sarili ko.

Buti na lang good mood si Misis ng mga sandaling iyon kaya pinayagan naman akong sumama.

Nang malapit na kami sa aming destinasyon, agad na pinara ni Popong ang traysikel. Naiwan daw ang pitaka. Bwiset! Ang kaibigan kong tanga, hanggang ngayon, tanga pa rin. Walang nagawa ang drayber kundi bumalik. Nakakapamerwisyo talaga ang katangahan.

Dumaan muna kami sa pinakasikat na restaurant sa aming lugar bago pa man kami tumungong mansiyon ni Tita.

"Gud murneng ser, gud murneng mam! Welkam tu Alarkon. Wats yur ordir?" bungad ng ambisyosang tindera n kung maka-good morning ay parang counter crew lang sa Jollibee. E mas lamang lang naman ng konte sa turo-turo ang restaurant na ito.

"Ang sa akin, halu-halo at burger, ang sa kasama ko mouthwash!" sagot ni Popong.

"Samahan mo na ng tawas." dugtong ko.

Narating na nga namin ang mansiyon. At ang mga tagiyawat ni Tita ang sumalubong sa amin. Diyos ko! Bat parang may fiesta ng mga tagiyawat sa kanyang fez, sa sobrang dami? No space for new pimples, parang ganun. Balak ko ngang piktyuran para ipadala sa Guiness Book of World Record.

"Oh tito, bat pumayat ka? Para ka ng butiki na hindi nakakain ng tatlong buwan." ang kanyang welcome address sa akin. Kung makapagsalita, akala mo'y miyembro ng pamilya ganda. At kung makapang-insulto, akala mo'y di pinag-fiesta-han ng tagiyawat sa fez.

"Di ba pwedeng kumustahin muna ako, bago ako insultuhin?" sagot ko.

Halos dalawang taon din kaming hindi nagkikita-kita. Kaya nagmistulang grand reunion ng mga oras na iyon. Kwentuhang parang walang bukas. Sabay-sabay inalala ang nakaraan (char!) At kanya-kanyang pabidahan. Si Tita, ibinida ang tagiyawat este ang ang pag-i-stay at ang naging trabaho sa Boracay. Si Popong, ang kanyang asawa. At ako, ang naging trabaho sa Jollibee at ang aking asawa.


"Ikaw Tita, anong petsa ka pa mag-asawa? Kung kailan menopause ka na? O tuluyan ka ng magpapakalaon? Naku, wag girl! Sayang ang lahi kung hindi maikalat!" si Popong.


"Oo nga Tita, balak mo atang tumandang dalaga. Yun tipong uupo ka na lang sa tumba-tumbang upuan na nakatapat sa bintana habang nagboborda ng punda at naghihintay na dumilim. Ganun na lang ba yung magiging drama mo?" dugtong ko pa.


"Heh! Tumigil nga kayo, di pa nag-po-propose ang boyfriend kong kano. Excited?" sagot niya.

Mga dalawang oras din kaming nagkwentuhan. Kwentuhan ng mga bagay-bagay na walang saysay. Napatingin ako sa relo. Ay wala nga pala akong relo. Sa cellphone ako tumingin. Ala una. Kailangan ko ng magpaalam. May klase pa ako..

At tuluyan na akong nagpaalam.

Malayo pa sa bahay ay dinig na dinig ko na ang boses ni Madir, ang reyna ng mga talakitok. May tinatalakan sa kabilang linya. Si Fadir iyon. Seryoso ang kanilang pinagtatalunan. Seryosong-seryoso, natitiyak ko. Ah kaya pala ako biglang kinabahan kanina. Ito na pala yun.

"Maaayos pa ba nila ang bagay na ito? Sana naman.. Sana.." naibulong ko sa aking sarili (bumulong na naman ako. Nawili sa kabubulong sa sarili. Nobother na ako. Di kaya bukas makalawa e manakit na ako?)