Monday, July 22, 2013

Naniniwala Ka Ba Sa Sign?

Naniniwala ka ba sa pangitain? O sa mas pamilyar na terminong SIGNS? Ito yung magsasabi sa’yong maaaring posible ang imposible. Halimbawa’y sinabi mong  kapag umulan ng snow sa Tugegarao sa katanghaliang tapat ay karapat-dapat sa iyo ang lalaking kasasagot mo pa lang kaya agad-agad ay aalukin mo ng kasal. O kaya’y nag-aalinlangan ka sa isang bagay kaya sinambit mong hindi mo na iyon gagawin kapag nakasalubong ka ng pink na aso na may violet na buntot.
Signs. Ito yung bagay na magbibigay sa’yo ng sandamakmak na pag-asang may magandang mangyayari.
Napakadali lang ang humingi ng signs. Ang mahirap na parte ay kung magtalo ang ang puso mo at ang mga pangitaing nakikita mo. Saan ka kaya lulugar? Alin ang susundin mo? Ang bulong ng iyong puso? O ang dikta ng mga pangitaing binibigay sa’yo?
Alam mong maaari kang masaktan sakaling di matupad ang bagay na minsan mong hiniling kaakibat ng sign na iyon. Darating at darating ka sa puntong mapapatanong ka—- “God, bakit? Hindi ba talaga nakalaan para sa akin iyon?"
Naniniwala ako sa signs. Noong Sabado lang ay humiling ako nito—- "Kapag umulan mamayang alas tres, dadalo ako sa aming Acquaintance Party nang naka-boots para may maiuwi akong titulo." At pagsapit ng itinakda kong oras, umulan nga ng napakalakas. Sa katunayan, umapaw ang tubig sa katabi naming sapa. Bumaha sa amin. Grabeng sign naman ang ibinigay sa akin, papunta na sa delubyo.
Gaya nga ng hiniling ko, sinuot ko ang pamatay na botas ni tatay na tatlong oras ko ring pinakintab. Pamatay dahil napakabigat nito (at napakabaho pa. Si tatay talaga, ang baho ng paa.) Tipong halos hindi ako makahakbang. Pakiramdam ko nga, napilay ang aking magkabilang paa. Tiis-Gandang Lalaki ang drama ko sa buong party.
Pagdating ko sa venue, halos lahat ng mata ng hinayupak kong schoolmates, nakatutok sa aking suot na botas. Ayos! Matutupad ang ipinanalangin kong mag-uwi ng kahit isang award wag lang ang Mr. Early Bird. (Ang dyahe kayang tanggapin ng sash na iyon, hindi kakisigan ang puhunan.)
Moment of truth, i-aanounce ang 20 nominees  ng mga nag-outstand sa Party na iyon. Ramdam ko, isa ako sa mga tatawagin. Ramdam kong ako ang Mr. Headturner. Iyon din ang narinig ko sa mga bulung-bulungan ng mga dumalo. Pasimple akong nagpunas ng mukha sa isang sulok bilang paghahanda sa pagsasabit sa akin ng sash. Nang tinawag ang first ten, ngiting-ngiti pa ako, abot lampas tenga. Habang parami na ng parami ang tinatawag, pakonte ng pakonte rin ang ang ngiti ko. Hanggang sa natawag na ang twenty. Hindi ko narinig ang aking pangalan. Ang saklap. Para akong pinagkaisahan.
Napag-alaman kong kasali dapat ako sa nominees kung hindi lang dahil sa aking pamatay na botas. Hindi daw iyon pasok sa kriterya o anumang kasyitan. Di daw kase pormal. Anong hindi? hindi ba nila alam na doon sa amin sa Newyork, nag-bo-boots talaga kami kahit naka-amerikana. Medyo katutubo silang mga judges. Mga walang alam sa fashion. Pwe! Putangina nila!
Yung ipinanalangin kong magka-award ako, bokya. Yung nakita kong sign, hindi nagkatotoo. umuwi akong umasa. Umuwi akong bigo. Umuwi akong luhaan nang gabing iyon. At nang gabi ring iyon, pormal ko ng idineklara na kailanma’y di na ako maniniwala sa mga signs signs na yan! Fuck me! Ang drama ko!