Friday, April 19, 2013

Pinoy Chants


Kanina ay napatungo ako sa isang internet café para umorder ng kape magpa-print ng sangkatirbang final requirements sa major subject ko. Hindi ako makasingit dahil napakarami ang nagrerentang customers. Karamihan bata. Naglalaro ng kung anong computer game ay wala akong ideya. Malay ko ba? Sa tanda kong ito, si Super Mario lang ang tanging kilala kong laro sa computer. Habang tinitingnan ko ang mga batang ito na halos hindi maialis ang mga mata sa screen ng computer, nasabi ko sa aking sarili na noong mga kasing-edad ko sila ay libre ang laro namin. Na applicable pa ang mga katagang “BEST THINGS IN LIFE ARE FREE.” Noon, kami ang naglalaro ng mga laro. Ngayon, ang mga kabataan na ang pinaglalaruan ng mga laro. Ngayon, ang mga bata, kapag walang pera, hindi makapaglalaro dahil hindi na nga libre ang mga larong alam nila.
Napabuntong-hininga ako. Napailing. Napatingin sa kawalan. Andami ko na namang naaalala— yung mga kalaro kong sipunin. Yung mga nakabuyangyang na pukelya at kumakalembang na mga betlog habang naghahabulan kami sa may ilog. Ang bawat laro namin mismo. Natawa ako at napansin ko ang tagabantay ng internet shop na nag-panic ng bahagya. Akala ata takas ako sa mental. Nakakatawa dahil karamihan sa mga laro namin noon, may kasamang kanta o CHANTS. At ngayon ko lang napagtatatanto na ang mga chants na iyon ay literal na walang kakwenta-kwenta. Tipong kung ano-ano na lang. Ang importante may rhyme sa dulo. Narito ang ilan sa mga chants na sobrang linaw pa sa aking balintataw. Chos..
Bombero, bombero may sunog.
Saan, saan?
Sa tindahan.
Kinagat ako ng puting aso.
Dinala ako sa ospital.
Tinanong ako ng 1+1.
1+1, wonderwoman.
2+2, lapulapu.
3+3, christmas tree.
4+4, volleyball.
5+5, voltes 5.
6+6, 6 million.
7+7, 7-up.
8+8, chocolate.
9+9, lucky 9.
10+10, masarap ang ovaltine..
—oh diba? Pak na pak sa kakornihan. At maha-highblood ang mga Math teachers nito. But wait there’s more, ituloy natin ang kakornihan dahil may karugtong pa ang chants na iyan..
Saan ka pupunta?
Sa Maynila.
Anong dala mo?
Maleta.
Anong laman nyan?
Gitara.
Patugtugin mo nga?
Timpalok, timpalok, tae ng manok.
—okey na sana e, bigla lang bumantot sa last part. Hanggang ngayon, di pa rin kayang i-absorb ng brain cells ko kung ano ang kaugnayan ng tae ng manok sa timpalok. Ni hindi nga masagot ng google kung ano ang timpalok na iyan.
May mga chants din noon na kung maririnig lang ng walang kasing-galang na si Grace Poe ay ika-ko-komatos dahil sa mga mensahe nitong nakakapanindig pubic-hair. Rated SPG dahil may maseselan itong tema. Karahasan, droga, lengwahe, sekswal at horror. Maaaring hindi angkop sa mga batang kumakanta. Pero wa pa kaming paki jan dati. Unang-una, hindi pa uso nun ang MTRCB. 
Magsimula tayo sa temang karahasan. Narito..
Langit, lupa, im-impiyerno.
Im-im-impiyerno.
Saksak puso, tulo ang dugo.
Patay! Buhay!
Umalis ka jan, sa pwesto mo!
—nung kapanahunan ko, sino ba ang hindi nakakaalam ng napakamasalimuot at napakabrutal na chant na iyan?
Ngayon ay magmove-on tayo sa karahasan at punta tayo sa temang sekswal. Narito..
Si Nena ay bata pa..
Anong sabi niya ay um-ah, um-ah-ah! (with matching action pa yan na nagpapadede.)
Si Nena ay dalaga na..
Anong sabi niya ay um-ah, um-ah-ah!—
—at hanggang sa patanda na ng patanda na ang batang si Nena. Siyempre palandi rin ng palandi ang chant. Magtatapos sa “Si Nena ay aswang na, anong sabi niya ay um-ah, um-ah-ah!” At biglang maggugulatan ang naglalaro. So, hindi lang pala may temang sekswal itey.. Pasok pa sa banga ng temang horror.
One, two, three..
Asawa ni Marie,
Araw-gabi walang panty!
—Jusko, di ba pwedeng MWF o TTH na lang na walang panty si Marie? Araw-gabi talaga?
Sabihin mo sa ate mo break na kami.
Nakita ko ang Panty niya ganun kalaki. (I-a-action kung gaano kalaki ang panty ni ate.)
May butas sa gitna.
Pinasukan ng daga.
Ang sabi ng daga hmmm baho!!!
—teh, kahit sino namang maging boyfriend mo, ibi-break ka kung pati daga nagawang magsalita dahil sa sangsang ng malaki mong panty. Cruelty to animal din ito.
At ito ang pinakamatindi..
Pokpok sa plaza, singko-singko lang!
Pwede ng two-fifty, amoy-amoy lang.
—ang mura hah. Malayo ang mararating ng singko mo.
Punta naman tayo sa temang droga..
Shabung, marijuana.. Makapula ng mata.
Makatrip ng dalaga.
Maka-ana-ana pa!
—sa lahat ng chants, ito pinakapaborito ko. Bukod sa dati akong drug adik ay relate na relate rin ako sa part na “maka-ana-ana pa!” Alam na.
Natural na sa mga bata ang mang-asar kaya napakaraming chants noon na lakas makapang-asar na madalas ay pagsimulan pa ng away.. Narito..
Ang kapal ng mukha.
Di na nahiya.
Dapat sayo, pasabugin ang mukha.
Ulo-ulo lang, di kasali katawan.
Kung kasali katawan, sabog pati laman.
Wow Seksi!
Katawang body.
Pagsakay sa taxi, umutot grabeh!
—speaking of utot. Noon pag may nagpakalawa ng masamang hangin sa mga kalaro mo, awtomatiko ang chant na..
Bantot, bantot, sino ang nakautot. (ituturo)
Totoo ba na si *insert pangalan ng naituro here*
Oo.
Isa ka labador ang kanyang ipot!
—ang huling naituro ang salarin. Guilty or not guilty siya ang umutot.. Safe ang tunay na nagpakawala ng masamang hangin.
May mga chants naman na parang bunga lang ng pagsinghot ng katol ang pagkaka-compose nito.. Parang nagtitrip lang. Halimbawa..
Mangga, mangga hinog ka na ba?
Oo, oo, hinig na ako.
Kung hinog ka na ay umalis ka na!
—oh diba? Lokohan lang. At kaylan pa natutong magsalita ang Mangga?
Tatlong bundok, masyadong mapula.
Hulugan niyo kami ng tatlong reyna.
Isa si Vilma.
Isa si Corazon.
Ang pangatlo ay si Baby Flores.
Si Baby Flores ay niligawan.
Niligawan ni Francisco.
Walang gagalaw.
Sinong gagalaw ay siya’y bakulaw.
Sinong tatayo ay siya’y kabayo.
Sinong ngingiti ay siya’y paniki.
Sinong bibika ay siya’y palaka.
—may involvement talaga sina Vilma, Corazon at Baby Flores. At bigti mode on ka na lang pagkatapos ng chant na ito dahil parang wala ka namang pupuntahan. Pag ngumiti yung kalaro mo, sasabihin mong.. “Yay! Paniki. Ahhh. Paniki!” tapos sasagot yung kalaro mo na “Kesa naman sa’yo Bakulaw. Yay bakulaw! Bakulaw! Bakulaw!” Hanggang sa maghahampasan na. At ang simpleng laro mauuwi sa patayan. Joke. Away lang..
Ito ang mga panahong hindi pa uso ang batang chubby. Mga panahong, kabataan pa ang nauuso at hindi katabaan. Hindi pa uso ang computer, PSP, iPhone, iPod, iPad at kung anek-anek pa! Mga chants pa ang nauuso. At taas-noo kong ipinagmamalaki ang kinamulatan kong henerasyon. Makulay at napakasaya. Nakakaawa lang para sa mga kabataang hindi nasilayan ang tradisyon ng mga kabataang Pinoy noon. Nakalulungkot na nilamon ng makabagong teknolohiya ang karapatan ng bawat batang Pilipino na maintindihan ang tunay na kahulugan ng paglalaro— na hindi kailangang magbayad para sumaya. Na kahit sa isang walang kwentang chant, pwede ka ng tawaging bata..