Saturday, April 20, 2013

Sandaling Kaligayahan


Isang hititan na lamang ang nalalabi sa aking yosi. Pinakawalan ang huling usok sa aking bibig at ilong. Matapos ay itinapon ang upos na may baga pa. Sinundan ko ng tingin ang guhit ng baga sa dilim na nang bumagsak sa lupa ay mistulang mga alitaptap na kumukuti-kutitap sa gitna ng kadiliman habang ang matalik kong kaibigan na kanina pa nasa aking harapan ay tinapakan ang munting baga mula sa upos ng sigarilyong iwinaksi ko. Di pa rin siya natitinag sa patuloy na pag-aalok sa akin ng kulay puting pulbos na tila pinong asin o tawas.
“Sige na pare! Subukan mo lang! Isang beses lang naman. Wala namang mawawala eh!”
Kitang-kita ko sa kanyang nanlalamlam at namumulang mga mata ang ibayong pangungumbinsi. Banaag din sa kanyang payat na payat na katawan ang sigasig na alukin ako. Agad na rumihistro sa aking diwa ang huling binitawan niyang litanya— “wala namang mawawala eh!” Sa mga katagang iyon, gusto kong mainis. Sa kabilang banda, gusto ko ring matawa. Pero sinarili ko na lamang iyon. “Anong walang mawawala? Putang ina.” Di ko maiwasang magmura. “Kung patatangay ako sa alok mo, sigurado akong maraming mawawala. Ang totoo, pwedeng mawala ang lahat— ang lahat ng pangarap ko, ang magandang kinabukasan. Kung patatangay ako ngayon, mas mahihirapan akong humindi sa hinaharap!” sa isip-isip ko.
“Isang beses lang naman..” pagpapatuloy niya.
“Pare, ayoko talaga. Baka hindi ko makontrol! Baka hanap-hanapin ng katawan ko tapos ay ikabaliw ko.”
“Sus! Makokontrol mo to! Kaw pa?!” tapos ay itinaas ang bagay na kanina pa iniaalok sa akin at ngumiti na tila ba nanunukso..
Nakakapang-asar ang ngiting iyon pati na rin ang kanyang pagkakasabi ng“kaw pa?!”
Naalala ko, siya rin ang unang nag-alok sa akin ng isang stick ng sigarilyo. Sa una, naubo pa ako. Matapos ang ilang sunod-sunod na hithit ay nagustuhan. Naging lifestyle. Hanggang sa mahirap na ngang itigil.
Ilang beses na niya akong inalok nitong mahiwagang butil na hawak-hawak niya. Ilang beses na rin akong tumanggi. Sa unang pag-alok niya, inaamin kong nag-aalinlangan din akong tumanggi. Takot kase akong biguin ang sinuman sa aking mga kaibigan. Ayokong mabansagang walang pakisama. Pero naisip ko na kung magpapatangay ako, sino pa ang bibiguin ko? — Ang mga taong nagmamahal sa akin. At higit sa lahat, ang aking sarili. Ayokong magkatotoo ang itinanim ng aking mga kamag-anak sa aking murang isipan noon na magiging tulad din ako ng aking tatay na sugapa pagdating na araw. Kaya minaniobra ko na ang aking maagang pagpapasiya bago pa man dumating araw na iyon, na kanilang sinasabi. Noon pa man, tapat na akong nangako sa aking sarili na aayawan ko ang bagay na tulad nitong iniaalok sa akin ng isang kaibigan. Noon pa man, inipon ko na ang buong lakas ng loob na humindi sakali mang may mag-alok nito.
“Salamat na lang pare! Pero hindi talaga!” Matigas ang pagkakabitaw ko ng pagtangging iyon. Bakas na ang pagkayamot sa boses. Di tulad dati, sa pagkakasabi ko nun ay hindi na ako nag-alalang baka may isang matalik na kaibigang magdamdam at magalit. Na baka may isang matalik na kaibigang magsabing wala akong pakisama. Pero kung sakaling magdamdam nga siya at magalit, desisyon niya iyon. At desisyon ko ring panatilihing huwag gumawa ng isang bagay na pwede kong pagsisihan sa bandang huli.
Salamat at hindi na siya nangulit pa. Sa halip ay umalis na lamang na bigo sa pangungumbinse. At ako nama’y naiwang wagi. Wagi pa rin sa paulit-ulit na pagtanggi sa isang desisyon na pwedeng magpabago sa mga haharapin kong bukas..
Kahit saang anggulo ay tama ang pagtangging ginawa ko dahil netong mga nakaraang araw lang, isa na namang biktima ang naging bayolente. Isa na namang biktima ang nawala sa sarili’t nasira ang ulo. Isa na namang biktimang ang personalidad at ugali ay naging alipin ng dyablo.
Ilan pa kayang biktima ang makakarinig at makakakita ng mga bagay na hindi naman naririnig o nakikita ng iba?
Ilan pa kayang biktima ang magkakaroon ng komplikasyon sa utak, puso at iba pang bahagi ng katawan?
Ilan pa kayang biktima ang magiging lito?
Ilan pa kayang biktima ang magiging sugapa?
Ilan pa kayang biktima ang masisira ang kinabukasan?
At ilan pa kayang biktima ang magpapaunlak sa paanyaya ng isang kaibigan?
Wala akong ideya. Ang tanging alam ko lang, hindi ako mapapabilang sa mga nagpatangay sa alok na SHABU ng isang nagkukunwaring kaibigan. Hindi ako maiengganyong sumubok sa sandaling kaligayahan na ang sukli ay pagkasira ng kinabukasan.