Sunday, July 21, 2013

Maiintidihan Mo Rin Ang Sulat Na Ito Anak, Balang Araw..

Mahal Kong Anak,
Alam kong sa panahong ito’y hindi pa kayang intidihin ng iyong murang edad ang mensahe ng sulat na ito. Subalit nakasisiguro akong darating ang panahon na lilinaw rin ang lahat.
Anak, gusto kong hingin ang iyong kapatawaran sa katotohanang sinubukan naming itago ng iyong mommy ang tunay mong pagkatao. Sinubukan naming ilayo ka sa mga nakapaligid sa’yong maaaring magsabog ng isang rebelasyong hangga’t maari sana ay gusto naming mabaon na lamang.
Sabik na sabik kami nun ng iyong mommy na magkaanak. Subalit tila baga pinagkakaitan ang aming simpleng kahilingan. Mahabang panahon din ang hinintay namin. Ang totoo, nawalan na kami ng pag-asa. Hanggang sa dumating ka sa buhay namin.
Sa unang dampi ng iyong malambot na kamay sa aking palad naramdaman kong isinilang ka para sa amin, na bigay ka ng Diyos, ikaw ang matagal na naming hinihintay. Tandang tanda ko pa noong unang masilayan ng mommy mo ang napakatamis mong ngiti. Halos himatayin siya nun sa sobrang kagalakan. Noong una kitang kargahin, kakaiba ang naging pakiramdam ko nun. Para akong bagong tao. Noong una mong sambitin ang salitang "daddy", naluha a nga ako nun anak. Pakiramdam ko, ako na ang pinakamasayang ama sa buong mundo nang mga sandaling iyon. Noong una kang magkasakit, di magkandaugaga si mommy mo nun. Ako naman, alam ng Diyos kung paano ko hilingin na sana ako na lang, wag ang anak ko.
Anak, hindi ka man naging karugtong ng pusod ng mommy mo, hindi sapat ang salitang "mahal na mahal kanya," "mahal na mahal ka namin." Hindi ka man galing sa dugo’t laman ko, ramdam kong karugtong ka ng kaluluwa ko. Isa ka sa dahilan kung bakit patuloy sa pagdaloy ang dugo sa bawat ugat ko, kung bakit ayaw huminto sa pagpintig ang puso ko, kung bakit patuloy akong nabubuhay na may positibong pananaw sa gitna man ng kadalamhatian.
Marami kang naituro sa amin ng mommy mo anak. Tinuruan mo kaming maging responsable sa lahat ng panahon. Tinuruan mo kaming magbigay ng walang hinihintay na kapalit. Dahil sa’yo natuto kaming hindi maging maramot. Higit sa lahat, itinuro mo sa amin ang tunay na kahulugan ng "pagmamahal."
Anak, masaya ako dahil ilang araw na lang ay manganganak na ang iyong mommy. Tama nga ako, ikaw ang swerte sa pamilyang ito. Magiging kuya ka na. Huwag kang mag-alala, iyong ipinadama naming pagmamahal sa’yo noon, patuloy iyon. Dodoblehin pa namin kung kinakailangan. Walang magbabago, kahit anjan na ang isang nilalang na kadugo namin.
Alagaan mo ang kapatid mo anak ha! Ayokong mag-aaway ka’yo. Proteksiyunan mo siya. Tungkulin mo iyon bilang kuya. Sisiguraduhin kong magiging pantay ang pagtingin namin sa inyo. Pangako iyan.
Kung sakali nga palang hilingin mong makita ang iyong tunay na magulang at mga kapatid, huwag kang mahihiyang magsabi anak. Di ko maiaalis ang masaktan pero hinding hindi ko ipagkakait sa’yo ang isang bagay na magpapabuo ng iyong pagkatao. Madudurog ang puso pero, sasamahan kita. Yakapin mo sila anak ha. Utang namin sa kanila ang lahat kung bakit ka dumating sa buhay namin.
Kung totoo mang may kabilang buhay, hahanapin kita kahit tatlong dosena man ang anak ko sa kabilang buhay. Hahanapin kita, ilang beses man akong matay at muingmabuhay. Di ka man namin anak sa dugo, anak ka namin sa kaluluwa. Mahal na mahal ka namin anak!