Saturday, August 25, 2012

Pluma


Siya ang perpektong anyo ng isang mapangarapin at mapaghangad na manunulat ng kanyang henerasyon. Kapos man sa imahinasyon.. Salat man sa wastong kaalaman at tamang pamamaraan ng pagpapasama-sama ng ensaktong titik at mga salita.. Nag-aalab naman sa pagkahayok na matuto. Nagsusulat siya nang naaayon sa bugso ng kanyang puso at dikta ng kanyang kaluluwa. Konsensya ang natatangi niyang agimat. Nagsusulat siya, hindi dahil sa kailangan bagkus nagsusulat siya, dahil gusto niya. Dahil sa mundo ng pagsusulat siya ganap na lumiligaya. Hindi niya iniintindi kung sa tingin niya’y hindi pa man buhay ang kanyang mga obra ay patay na sa paningin ng madla. Naniniwala siyang bukas pagdating ng araw bubuhayin din ito ng hambalos ng panahon. Kakampi niya ang kanyang pluma sa pagguhit ng kanyang nakatagong damdamin.
Si Rajan Mamadra. Kilala sa tawag na Ram. Bente dos. Tubong Mindanao. Pinanganak sa Sultan Kudarat. Lumaki sa Cotabato at namulat sa Maguindanao. Hindi isang “buraot” at kailanma’y hindi magiging “buraot”. Nais niyang bigyang linaw na hindi “kasinggulo ng tao, kasing gulo ng mundo” ang bayang kanyang pinakatatangi, ang bayan ng Mindanao na gaya ng inilarawan ni Ka-Freddie Aguilar sa isa sa kanyang mga kanta. Mabait siya. Tulog man o dilat. Chos!