Saturday, August 25, 2012

"Watching my only sister grow up--- that's one of my favorite part of being the oldest in my family."


Ansave ng english kong title? Private school? 150 baon?

Nagsimula akong ma-stressed ng bongga-bongga, bigla ko na lang kaseng narealized na tumatanda na pala ako. Sa edad lang naman. Hindi sa mukha. Atleast fresh na fresh pa rin. Sa katunayan e lumamang lang sa akin si Daniel Padilla ng isang leather jacket sa ka-fresh-an.

Noong nakaraang araw, kaarawan ng nakababata kong sisteret. 17 turned 18. Malamang.

Tandang-tanda ko pa Ate Charo nung kakaluwal pa lang sa kanya ni maderaka. Apat na taong gulang lang ako nun. Tumutulo pa ang sipon at natatae pa sa salawal pero sariwa pa sa aking alaala ang mga kataga ng aking ina— “Oh kuya ka na ha! May responsibilidad ka na. Mahalin mo ang iyong kapatid. Alagaan mo siya.” Hindi pa ganun kaliwanag sa aking murang isipan ang mga salitang iyon. Basta ang malinaw lang e kuya na ako. May kapatid na ako. May makakalaro na ako at higit sa lahat, may mauutusan na ako.

Nasa gunita ko pa rin yung sandaling unang pagkakahawak ko sa kanyang maliliit na daliri, pagdampi ng mga kamay ko sa malambot niyang mga balat. At ang paghalik ko sa noo ng isang mala-anghel na sanggol na karga-karga ng aking ina.

Mabilis ang ikot ng oras.. Hindi ganun kaperpekto ang naging buhay ng aming pamilya. Marami kaming napagdaanang sigalot. Di rin kami masyadong naalagaan ng aming mga magulang. Pareho kase silang nag-OFW. Sa panahong wala kaming mga magulang na masasandalan, tanging kami lang ni Aiko ang tunay na magkakampi. At taas-noo kong ipinagmamalaki na naging mabuti akong kuya sa paraang alam ko. Ako ang tumayong nanay, tatay at kuya niya sa mga panahong kailangan niya ako.

Haaay.. Parang kailan lang. Ngayon, dalaga na ang hitad. At heto na nga, labing walong taong gulang na.

Aiko, maligayang kaarawan! Paumanhin dahil istrikto akong kuya. Sa ngayon, marahil ay hindi mo pa kayang intindihin na paminsan-minsan ay nagiging bayolente ako. Hindi makatarungan ang mundo. Madaya! At ayoko kong maging biktima ka neto. Gusto kong maging matatag ka na harapin ang bawat hambalos ng buhay. Nang sa gayon kapag ako’y nasa langit na, kaya kong harapin ang panginoon nang walang bahid ng pag-aalilangan sa pagsabing—

“naging mabuti akong kuya.. Tingnan niyo na lang ang kalagayan ni Aiko sa lupa, siya ang ebidensya.”