Saturday, September 8, 2012

Heart-Attack


“Ang daigdig ay pinasan sa hangad na magkabuklod,
Makapangyarihang dolyares, kapalit ay milyong pagod,
Tiniis magdusa para sa pamilyang nakaluhod,
Ngayong s’yay nakayukod,
Sino pa ang hahagod?”


Madalas nating marinig o mabasa sa mga artikulo ang abot-langit na pagpuri sa mga kababayan nating nagtatrabaho sa apat na sulok ng mundo, ang mga dakilang OFW. Sila raw ang maituturing na pinakamatagumpay na produktong in-export ng Pilipinas sa ibat-ibang panig ng Pilipinas. (Produkto na rin pala sila?) Oo, wala nga namang duda, sila ang nagsasalba sa putangina ekonomiya ng ating bansa. Ekonomiyang laging nasa bingit ng pagsadsad. Tanging ang mahiwagang dolyar na ipinapasok ng mga OFW’s ang matatag na sandigan ng ekonomiya.

Sa kabilang banda may ideya ka ba kung..
  • Ilang OFW na ang napabalitang pinagsamantalahan at pinaslang?
  • Ilang OFW na ang nakatanggap ng hindi makatarungan pagtrato mula sa asal-hayop na amo?
  • Ilang OFW na ang hindi nakatanggap ng makataong-sahod?
  • Ilang OFW na ang nakakulong sa ibat-ibang krimen dahil sa tinatawag na kapit-patalim? At ilan yung napagbintangan lang sa krimen na hindi naman niya nagawa?
  • Ilang OFW na ang tulala at wala na sa katinuan?
  • Ilang OFW na ang naging biktima ng malupit na pagkakataon? Daan-daan? Libo-libo? O milyon-milyon na?

Nakakainis. Nakakagalit. Nakakamuhi. Na dahil sa kahirapan ng Pilipinas, maraming biktima. Maraming nagpapa-biktima. Maraming nagpapaka-alipin. Maraming iniwan ang sariling bayan at mga mahal sa buhay. Maraming inaabuso dahil sa wala na sila sa sariling teritoryo.

Noong nakaraang araw ay ginulantang ako nitong nakakapanindig-balahibong larawan ng isang OFW na namatay na nakaluhod. Si Uncle Gani, isa na namang biktima. Na dahil sa pagod, puyat at stressed ay na heart-attack. Iba’t-ibang emosyon ang naramdaman ko nang makita ang larawang ito. (nasa itaas. Kuha iyan ng aking tatay. Katrabaho niya si Uncle Gani.) Awa. Awa para sa kanya at para sa naiwan niyang pamilya sa Pilipinas na talaga namang kaawa-awa. Galit. Galit sa kahirapan. Kahirapan lang naman ang nag-uudyok sa isang tao na mag-OFW. At takot. Natatakot ako para sa iba pang nagpapakahirap na OFW. Natatakot akong may mabalitaan na naman akong ganitong pangyayari. Natatakot ako para sa tatay ko.

Nanalangin ako. Na sana dumating ang panahong wala nang kailangang mangibang bansa para sa pera. Na sana pag-uwi ni Ama, may asenso na sa Pilipinas at tanaw niya na ang aming magandang bukas. Sana. Sana.

At kay Uncle Gani, saludo ako sa’yo. Tama sila. Isa ka ngang tunay na bayani!