Tuesday, April 23, 2013

Guhit


May kanya-kanyang pangarap ang bawat isa sa atin. Tulad ko ay karapatan mo rin ang mangarap. Libre ito. Subalit may mga bagay na mas mahalaga kaysa sa pangarap. Nakalulungkot mang isipin, minsan may mga pangarap na kailangang maging pangarap na lang. Hindi patas ang mundo. Gustuhin mo man ang isang bagay kung hindi ka ilalayag ng panahon sa iyong minimithi, balewala.
Lahat ay may minimithi, subalit hindi lahat ay abot-tanaw. Sabi ko nga, libre ang mangarap. Pero hindi dahil libre ay makakamit mo na ito ng ganon kadali. Sa dami ng mga reyalidad sa mundong ibabaw na kailangan angkupan, may mga pangarap na naisasantabi. Tulad ko na nangarap maging mang-aawit, sintunado naman. Nangarap magka-kotse, pulubi naman. Nangarap pumangit, imposible naman.
Tandang-tanda ko pa, bata pa lang ako’y nakahiligan ko na ang humawak ng papel at lapis para gumuhit. Naaalala kong stick pa lang ang mga tao ko non. Hirap na hirap pa akong iguhit ang iba’t ibang klase ng hayop. Pati halaman at puno di pa maintindihan. Ang paglalagay ko ng kulay, lagpas-lagpas. Ang mga tao, kulay brown. Ang araw, dilaw. Kulay bughaw naman ang dagat at kalangitan.
Hanggang sa natuto na ako ng iba’t-ibang teknik sa pagguhit pati pagkulay. Ang paglalagay ng pattern na pari-parisukat. Ang tamang paghawak ng lapis. Ang tamang kurba. Napansin ni tatay ang kakayahan ko sa pagguhit. Bakit daw hindi ako mag-Fine Arts? Pag-iisipan ko, ang sagot ko.
Nung ako’y magkolehiyo, gusto ko sanang mag-Fine Arts. Kaso naisip ko na baka isang araw, matagpuan ko na lang ang aking sarili kasama ang mahal na pamilya na pinupulot sa kangkungan.
Alam kong, hindi biro ang kursong iyon. Nakakapamulubi. Hindi magiging sapat ang tatlong kalabaw at ilang hektaryang palayan ni tatay kaya ibang kurso ang napili ko. Sa paglipas ng panahon, di ko namamalayang nakakalimutan ko na pala ang pangarap kong pagguhit.
Hanggang sa kahapon, sa aking summer class sa subject na Humanity ay inilapit akong muli ng panahon sa mundo ng pagguhit. Muli ay nasubok ang kakaiba kong galing sa larangang ito. Nagkaroon kase kami ng seatwork. Iguguhit namin ang mukha ng aming katabi.
Bilang isang nilalang na may malawak na kakayahan sa pagguhit, alam kong ang mukha ang pinakamahirap iguhit. Pero parang sisiw lang sa akin ito. Magaling nga ako diba? Ito oh:
image
Okey fine, lahat ng pinagsasasabi ko sa itaas ay pawang kasinungalingan. Ang inilahad ko patungkol sa kagalingan ko sa pagguhit ay kayabangan lamang at malayo sa katotohanan. Frustration ko lang talaga itey. Iyon ang katotohanan. HAHA!
Nang matapos kong i-drowing ang pagmumukha ng aking seatmate, laking gulat ko na lang dahil walang sabi-sabi, sinaksak niya ako ng hawak niyang lapis. Nong tingnan kong muli ang naiguhit ko, deserve ko naman pala ang masaksak. Nakaka-offend nga naman yung drowing ko na mukhang matandang anemic na intsik na nalulong sa droga dahil nalugi sa negosyo.
Sabi ng professor ko, hindi naman daw mukhang matandang anemic na intsik na nalulong sa droga dahil nalugi sa negosyo ang itsura ng drowing ko. Ang judgement niya, mukhang missing link daw ito sa evolution. Fuck you ka Sir!
Siyanga pala, ito ang model ko:
image
Di ba, medyo kahawig naman? Sige na nga, mukhang missing link na sa evolution ang drawing ko.. Pati model ko.
Marami akong natutunan matapos ang seatwork namin na to. Na masaya kapag yung kakayahan ay magamit natin sa mga bagay na gusto natin. At mas masaya pala kapag itinigil ko na itong ambisyon ko sa pagguhit. Wala akong magiging future dito.