Tuesday, April 30, 2013

Kwento Ko Sa Pagong! With Feelings!

Kanina ko pa itinututok ang matulis na panlilok sa hawak kong sabon subalit di ko alam kung paano sisimulan ang ikatlong itinakdang aktibidad (soap carving) ng aming professor sa kursong Humanities. Wala akong maisip na disenyo samantalang ang mga kaklase ko’y naikorte na sa kanilang sabon ang disenyong napili nila. May mangilan-ngilan na ngang halos patapos na.

Labinlimang minuto na akong nasa ganoong posisyon. Kung totoo man na nakatutunaw ang tingin, malamang kanina pa natunaw ang hawak kong sabon. Hanggang sa maya-maya’y ginulat ako ng malaking boses ni Sir na kanina pa pala nakamatyag.

“O Ram! Parang di mo pa nasisimulan ang pinapagawa ko ah. Ang bagal mong kumilos. Para kang pagong!”

Umalingawngaw sa apat na sulok ng klase ang binitiwan niyang mga salita. Buti na lang ang bawat isa’y abala na sa paglililok, kaya hindi na nila napansin ang pamumuna ni Sir sa akin.

Naalala ko tuloy ang paboritong litanya ng aking bungangerang nanay noon sa tuwing umaga na papahuli na ako sa eskwela— “Ang bagal mong kumilos, para kang pagong!” Ganun na ganun din ang madalas na sigaw sa akin ng aking boss sa dati kong pinagtatrabahuang past food chain.

Kawawang pagong. Ang walang kamalay-malay na pagong ay naging simbolo na lamang ng “kabagalan”.

Tama. Kung susuriin nga naman ay talagang napakabagal lumakad o kumilos ng isang pagong. Lahat nakakapuna nito. Subalit may ni isa ba ang nakapagtanto kung bakit sila mababagal? May ni isa ba ang nakaisip ng isang dahilan kung bakit ganun na lang sila kakupad? Palagay ko’y wala. Walang sinuman ang nakapansin sa mabigat nilang pasan-pasan na siyang dahilan ng hindi kabilisan nilang pag-usad.

Napakapalad pa rin ng mga tao. Na di gaya ng pagong na kailangang bitbitin ang kanilang masisilungan saan man dako roon sila mapadpad. Na kung iisipin, buong buhay silang may dinadalang pasanin. Sa kabila ng bagay na iyon, narinig mo ba silang nagreklamo?

Samantalang tayo konteng bigat lang na maiatang sa ating balikat, tila ba ayaw na nating umusad.

Bilib ako sa pagong. Bukod sa hindi sila kailanman dumaing, marunong din silang magpahalaga sa bagay na inilaan ng maykapal para sa kanila. Na bagamat masasabing pasanin ang matigas at mabigat na bagay na nasa kanilang likuran, hindi nila iyon itinuring o tiningnan sa ganung paraan. Bagkus tinanggap nila itong isang napaka-espelyal na regalong poprotekta sa kanila sa mga kapahamakan. Sana ganun din ang tao, na makikitang ang mga pasanin ay nagsisilbing pampatibay na siyang magiging pananggalang natin sa mga darating pang mas matinding sigalot.

Saludo ako sa pagong. Sa katunayan, kung may nakikita lang akong pagong sa mga sandaling ito, malamang, ikukwento ko ito sa kanila with feelings, with facial expressions, with split and kandirit, mga five times, with sign language.. Lahat lahat na. Ikukwento ko kung gaano ako ka-proud sa kanila kahit magmukha akong tanga. Sasabihin kong inspirasyon ko sila. Na sa kanila ko natutunan kung paano magpatuloy sa isang karera sa halip na dumaing. Naiiyak ako. Pahingi ng towel.

Salamat sa salitang Ang bagal mong kumilos. Para kang pagong!” ni Sir. Muli kong naalala ang kagitingan ng mga pagong. Higit sa lahat, masisimulan ko na rin ang isang aktibidad. At para ma-i-share ko sa inyo, narito’t kinodakan ko (ang tanda lang ng term na kinodakan.) Kayo na ang humusga kong nagkorteng pagong nga iyan. Wala akong alam sa art. Paulit-ulit kong sinasabi ang katotohanang tanging kapogian lang po talaga ang maipagmamalaki ko. Narito:

image

Lagi nating tandaan na ang inililok kong ito, ang pagong, katulad din nating mga tao.. May kanya-kanyang bigat na pinapasan, gustuhin man natin o hindi. Kung gaano ito kabigat, depende sa ating lakas. Depende sa ating kaya o pwedeng kayanin. Ang Diyos, kailanma’y di magbibigay ng pasaning alam Niyang di mo kakayanin. Siya ay makapangyarian and He is always in control. (Chos! Naka-ingles ako at ang drama ko ha.) Kaya anumang pasanin ang binubuhat mo sa ngayon, kayang kaya mo iyang dalhin. Gayahin mo ang pagong! Na walang sawang binubuhat ang inatang ng Diyos sa kanyang likuran. Gayahin mo ang pagong! Na kailanma’y di nagreklamo.

Umusad ka! Kaya mo yan. Baka nga ang pasan mo ay mas mabigat pa kesa sa pasan ni Ninja Turtle ng iba!