Friday, July 19, 2013

Ang Minsang Ipinagkait Bukas Makakamit..

"Uuwi na ang tatay mo." Maiksing textmessage na natanggap ko mula kay nanay. Ito na ata ang pinakamagandang balitang natanggap ko ngayong taon. Panigurado, nakapagdala din ito ng napakalaking kagalakan kay nanay. Naiisip ko ngang nakalabas na ang ngalangala niya sa pagtawa dahil sa positibong emosyong nararamdaman niya sa mga panahong ito.
Bakit nga ba naman hindi? Halos labing-anim na taon ding hindi sila nagkita. Kung susuriin, mas mahaba pa ang panahong nagkalayo sila kesa sa panahong pinagsamahan nila. Labing-anim na taong "Long Distance Relationship" ang tema ng kanilang lovestory.
Malungkot mang isipin, kailanma’y di nabuo ang pamilya namin. Grade one pa lang ako nang mangibang bansa si nanay. Ang kapatid ko, sa ibang pamilya naiwan. Ako naman, nasa pangangalaga ng kapatid ni tatay. Tapos si tatay, kung saan saan nagliwaliw. Ewan ko, basta ang sabi ng mga kamag-anak namin, nagbuhay binata daw uli siya. Nagbisyo— droga, sugal, alak.. Lahat na. Ang bukod tanging di ko narinig ay ang nambabae siya. Hindi kami nabigyan ng pagkakataong maging close ni tatay. Paano ba naman? E minsan lang siyang magpakita. Nasanay na akong walang tatay. Mas nasanay akong walang nanay. Alam mo yung pakiramdam na wala akong masasayang alaala na kasamang kompleto ang pamilya ko.
Nung papauwi na ng Pinas si nanay, si tatay naman, kaaalis lang papuntang abroad. Nakakatawang nakakainis. Pakiramdam ko, pinaglalaruan at pinagkakaitan sila ng tadhana. Pakiramdam ko, tinatanggalan kami ng karapatang mabuo. Kapiling nga namin si nanay. Magkakasama nga kaming tatlo— ako, ang kapatid ko at si nanay.. Si tatay na naman ang kulang.
Di ko maiwasang isipin na parang andaya-daya naman. Ang mga kaklase ko, buo ang pamilya tuwing parents day. Wala din akong makitang family picture namin sa sala. Napaka-unfair di ba?
Pero bukas.. Matapos ang labing-anim na taon, makakamit ko na ang isang bagay na ipinagkait sa akin. Mabubuo ulit kami.
Sa wakas, makikita ko na ulit si tatay.. Bukas.